Jeremias 11
Magandang Balita Biblia
Si Jeremias at ang Kasunduan
11 Sinabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, kay Jeremias: 2 “Pakinggan mong mabuti ang nakasulat sa kasunduang ito, at sabihin mo sa mga taga-Juda at sa mga taga-Jerusalem 3 na susumpain ko ang sinumang hindi susunod sa itinatakda ng kasunduang ito. 4 Ito ang kasunduan namin ng inyong mga magulang nang iligtas ko sila sa Egipto, ang lupaing parang pugon na tunawan ng bakal. Sinabi kong pakinggan nila at sundin ang aking mga utos. At kung susunod sila, sila'y magiging bayan ko at ako'y magiging Diyos nila. 5 Sa gayon, tutuparin ko ang aking pangako sa kanilang mga magulang, na ipapamana ko sa kanila ang lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay na tinatahanan nila ngayon.”
Sumagot naman si Jeremias, “Opo, Yahweh.”
6 Pagkatapos, inutusan ni Yahweh si Jeremias: “Pumunta ka sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem. Ipahayag mo ang aking mensahe sa kanila, at sabihin mo sa mga tao na unawain ang isinasaad sa kasunduan, at sundin ang mga ito. 7 Nang ilabas ko sa Egipto ang kanilang mga magulang, mahigpit kong ipinagbilin na sundin nila ang aking mga utos. Patuloy kong pinaaalalahanan ang aking bayan hanggang sa panahong ito. 8 Subalit hindi sila nakinig. Sa halip ay patuloy na nagmatigas at nagpakasama ang bawat isa sa kanila. Iniutos kong sundin nila ang kasunduan, ngunit sila'y tumanggi. Kaya naman ipinalasap ko sa kanila ang lahat ng parusang sinasabi dito.”
9 Muling sinabi ni Yahweh kay Jeremias: “Naghihimagsik laban sa akin ang mga taga-Juda at Jerusalem. 10 Ginawa rin nila ang kasalanan ng kanilang mga magulang; hindi nila sinunod ang aking utos; sumamba sila sa mga diyus-diyosan. Ang Israel at ang Juda ay kapwa sumira sa kasunduan namin ng mga magulang nila. 11 Kaya binalaan ko sila na sila'y aking lilipulin, at wala isa mang makakaligtas. At kapag sila'y humingi ng tulong sa akin, hindi ko sila papakinggan. 12 Dahil dito'y tatawag sa mga diyus-diyosan ang mga taga-Juda at Jerusalem at magdadala ng mga handog sa harapan ng mga ito. Subalit hindi sila maililigtas ng mga diyus-diyosang ito kapag dumating na ang oras ng paglipol. 13 Kung ano ang dami ng mga lunsod sa Juda, gayon din kadami ang kanilang mga diyus-diyosan. At kung ano ang dami ng mga lansangan sa Jerusalem ay siya ring dami ng kanilang mga altar na handugan para kay Baal. 14 At ikaw naman, Jeremias, huwag mo nang idalangin ang mga taong iyan. Kapag naranasan na nila ang paghihirap at sila'y humingi ng tulong sa akin, hindi ko sila papakinggan.”
15 Ang sabi ni Yahweh, “Ang mga taong iniibig ko'y gumagawa ng kasamaan. May karapatan pa ba silang pumasok sa aking Templo? Sa akala ba nila'y maililigtas sila ng kanilang mga pangako at pagdadala ng mga hayop bilang handog na susunugin? Magagalak ba sila pagkatapos niyon? 16 Noong una'y inihambing ko sila sa isang malagong puno ng olibo na hitik sa bunga. Ngunit ngayon, kaalinsabay ng pagdagundong ng kulog, susunugin ko sa tama ng kidlat ang kanilang mga dahon, at babaliin ang kanilang mga sanga.
17 “Ako, si Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang siyang nagtatag sa Israel at sa Juda; ngunit paparusahan ko sila dahil sa kanilang mga kasalanan. Ginalit nila ako nang magsunog sila ng mga handog sa harapan ni Baal.”
Isang Pagtatangka sa Buhay ni Jeremias
18 Ipinaalam sa akin ni Yahweh ang masamang balak ng aking mga kaaway laban sa akin. 19 Tulad ko'y isang maamong tupa na dinadala sa katayan at hindi ko alam na may masamang balak pala sila sa akin. Ang sabi nila, “Putulin natin ang puno habang malusog; patayin natin siya nang wala nang makaalaala pa sa kanya.”
20 At(A) nanalangin si Jeremias, “O Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ikaw ay hukom na makatarungan. Nababatid mo ang isipan at damdamin ng bawat tao. Ikaw ang maghiganti sa mga taong ito; ipinapaubaya ko sa iyong mga kamay ang anumang mangyayari sa akin.”
21 Si Jeremias ay binantaan ng mga taga-Anatot na papatayin kung hindi siya titigil ng pangangaral sa pangalan ni Yahweh. 22 Kaya ito ang sabi ni Yahweh: “Paparusahan ko sila! Mapapatay sa digmaan ang kanilang mga kabataang lalaki; mamamatay sa gutom ang kanilang maliliit na anak. 23 Walang matitira sa kanila kapag dumating na ang panahon na parusahan ko sila.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.