Isaias 66
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Hahatulan ng Panginoon ang mga Bansa
66 Ito ang sinasabi ng Panginoon, “Ang langit ang aking trono, at ang lupa ang tuntungan ng aking mga paa. Kaya, anong klaseng bahay ang itatayo ninyo para sa akin? Saang lugar ninyo ako pagpapahingahin? 2 Hindi baʼt ako ang gumawa ng lahat ng bagay.
“Binibigyang pansin ko ang mga taong mapagpakumbaba, nagsisisi, at may takot sa aking mga salita. 3 Pero ganito naman ang magiging trato ko sa mga taong sumusunod sa sarili nilang kagustuhan at nagagalak sa kanilang mga ginagawang kasuklam-suklam: Kung papatay sila ng baka para ihandog, ituturing ko na parang pumatay sila ng tao. Kung maghahandog sila ng tupa, ituturing ko na parang pumatay sila ng aso. Kung mag-aalay sila ng handog na regalo, ituturing ko na parang naghandog sila ng dugo ng baboy. At kung magsusunog sila ng insenso bilang pag-alaala sa akin, ituturing ko na parang nagpupuri sila sa mga dios-diosan. 4 Maliban diyan, padadalhan ko sila ng parusang labis nilang katatakutan. Sapagkat noong akoʼy tumawag, hindi sila sumagot; nang akoʼy nagsalita, hindi sila nakinig. Gumawa sila ng masama sa aking paningin at kung ano ang ayaw ko, iyon ang ginagawa nila.”
5 Kayong mga may takot sa salita ng Panginoon, pakinggan nʼyo ang mensahe niya, “Dahil kayoʼy tapat sa akin, kinapopootan at tinatakwil kayo ng ilan sa inyong mga kababayan. Kinukutya nila kayo na nagsasabi, ‘Ipakita na sana ng Panginoon ang kanyang kapangyarihan para makita namin ang inyong kagalakan!’ ” Pero silaʼy mapapahiya. 6 Naririnig nʼyo ba ang ingay sa lungsod at sa templo? Iyan ang ingay ng Panginoon habang pinaghihigantihan niya ang kanyang mga kaaway.
7 Sinabi pa ng Panginoon, “Matutulad ang Jerusalem sa isang babaeng manganganak na hindi pa sumasakit ang tiyan ay nanganak na. 8 Sino ang nakarinig at nakakita ng katulad nito? May bansa ba o lupain na biglang isinilang sa maikling panahon? Pero kapag nakaramdam na ng paghihirap ang Jerusalem, isisilang na ang kanyang mamamayan.[a] 9 Niloob kong silaʼy malapit nang maipanganak. At ngayong dumating na ang takda nilang kapanganakan, hindi ko pa ba pahihintulutang ipanganak sila? Siyempre pahihintulutan ko. At hindi pipigilin na silaʼy maipanganak na. Ako, na inyong Dios ang nagsasabi nito.”
10 Kayong lahat ng nagmamahal sa Jerusalem, makigalak kayong kasama niya. At kayong mga umiiyak para sa kanya, makisaya kayo sa kanya, 11 para magtamasa kayo ng kanyang kasaganaan katulad ng sanggol na sumususo sa kanyang ina at nabusog. 12 Sapagkat sinasabi ng Panginoon, “Pauunlarin ko ang Jerusalem. Dadalhin sa kanya ang kayamanan ng mga bansa na parang umaapaw na daluyan ng tubig. Kayoʼy matutulad sa isang sanggol na aalagaan, hahawakan, pasususuhin, at kakalungin ng kanyang ina. 13 Aaliwin ko kayo katulad ng isang ina na umaaliw sa kanyang anak.”
14 Kapag itoʼy nakita ninyong ginagawa ko na, magagalak kayo, at lalago na parang sariwang tanim. Ipapakita ng Panginoon ang kanyang kapangyarihan sa kanyang mga lingkod, pero ipapakita niya ang kanyang galit sa kanyang mga kaaway. 15 Makinig kayo! Darating ang Panginoon na may dalang apoy. Sasakay siya sa kanyang mga karwaheng pandigma na parang ipu-ipo. Ipapakita niya ang kanyang galit sa kanyang mga kaaway, at parurusahan niya sila ng nagliliyab na apoy. 16 Sapagkat sa pamamagitan ng apoy at espada, parurusahan ng Panginoon ang lahat ng taong makasalanan, at marami ang kanyang papatayin.
17 Sinabi ng Panginoon, “Sama-samang mamamatay ang mga nagpapakabanal at naglilinis ng mga sarili nila sa pagsamba sa kanilang mga dios-diosan sa halamanan. Mamamatay silang kumakain ng baboy, daga, at iba pang mga pagkaing kasuklam-suklam. 18 Alam ko ang kanilang ginagawa at iniisip. Kaya darating ako at titipunin ko ang lahat ng mamamayan ng lahat ng bansa, at makikita nila ang aking kapangyarihan. 19 Magpapakita ako ng himala sa kanila. At ang mga natitira sa kanila ay susuguin ko sa mga bansang Tarshish, Pul, Lud (ang mga mamamayan nito ay tanyag sa paggamit ng pana), Tubal, Grecia,[b] at sa iba pang malalayong lugar na hindi nakabalita tungkol sa aking kadakilaan at hindi nakakita ng aking kapangyarihan. Ipapahayag nila ang aking kapangyarihan sa mga bansa. 20 At dadalhin nilang pauwi mula sa mga bansa ang lahat ng mga kababayan ninyo na nakasakay sa mga kabayo, sa mga mola,[c] sa mga kamelyo, sa mga karwahe, at sa mga kariton. Dadalhin nila sila sa banal kong bundok sa Jerusalem bilang handog sa akin katulad ng ginagawa ng mga Israelita na naghahandog sa akin sa templo ng mga handog na pagkain, na nakalagay sa mga malinis na lalagyan. 21 At ang iba sa kanila ay gagawin kong pari at mga katulong ng pari sa templo. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
22 Sinabi pa ng Panginoon, “Kung papaanong ang bagong langit at ang bagong lupa na aking gagawin ay mananatili magpakailanman, ang inyong lahi ay mananatili rin magpakailanman, at hindi kayo makakalimutan. 23 Sa bawat pasimula ng buwan at sa bawat Araw ng Pamamahinga ang lahat ay sasamba sa akin. 24 At paglabas ng mga sumamba sa akin sa Jerusalem, makikita nila ang bangkay ng mga taong nagrebelde sa akin. Ang mga uod na kumakain sa kanila ay hindi mamamatay at ang apoy na susunog sa kanila ay hindi rin mamamatay. At pandidirian sila ng lahat ng tao.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®