Isaias 65
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Parusa at Kaligtasan
65 Sumagot ang Panginoon, “Nagpakilala ako sa mga taong hindi nagtatanong tungkol sa akin. Natagpuan nila ako kahit na hindi nila ako hinahanap. Ipinakilala ko ang aking sarili sa kanila kahit na hindi sila tumatawag sa akin.
2 “Patuloy akong naghintay sa mga mamamayan kong matitigas ang ulo at hindi sumusunod sa mabuting pag-uugali. Ang sinusunod nila ay ang sarili nilang isipan. 3 Ginagalit nila ako. Ipinapakita nila sa akin ang patuloy nilang pagsamba sa kanilang mga dios-diosan sa pamamagitan ng paghahandog sa mga halamanan at pagsusunog ng mga insenso sa bubong ng kanilang mga bahay. 4 Umuupo sila kung gabi sa mga libingan at sa mga lihim na lugar para makipag-usap sa kaluluwa ng mga patay. Kumakain sila ng karne ng baboy at ng iba pang pagkain na ipinagbabawal na kainin. 5 Sinasabi nila sa iba, ‘Huwag kang lumapit sa akin baka akoʼy madungisan. Mas banal ako kaysa sa iyo!’ Naiinis ako sa ganitong mga tao. At ang galit ko sa kanila ay parang apoy na nagniningas sa buong maghapon.”
6-7 Sinabi pa ng Panginoon, “Makinig kayo, nakasulat na ang hatol para sa aking mga mamamayan. Hindi maaaring manahimik na lamang ako; maghihiganti ako. Gagantihan ko sila ng nararapat sa kanilang mga kasalanan pati ang mga kasalanan ng kanilang mga ninuno. Sapagkat nagsunog sila ng mga insenso at nilapastangan ako sa mga bundok at mga burol. Kaya gagantihan ko sila ng nararapat sa kanilang mga ginawa.” 8 Sinabi pa ng Panginoon, “Hindi sinisira ang kumpol ng ubas na may mga sirang bunga, dahil ang magandang bunga ay mapapakinabangan pa. Ganyan din ang gagawin ko sa aking mga mamamayan, hindi ko sila lilipulin lahat. Ililigtas ko ang mga naglilingkod sa akin. 9 May ititira akong mga buhay sa mga lahi ni Jacob pati sa lahi ni Juda at sila ang magmamana ng aking lupain na may maraming bundok. Sila na aking mga pinili at mga lingkod ang siyang maninirahan sa lupaing ito. 10 Pagpalain ko silang mga lumalapit sa akin. Ang mga Lambak ng Sharon at Acor ay magiging pastulan ng kanilang mga hayop. 11 Pero paparusahan ko kayong mga nagtakwil sa akin at nagbalewala sa banal kong bundok. Sa halip ay naghandog kayo sa mga dios-diosang pinaniniwalaan ninyong nagbibigay sa inyo ng suwerte at magandang kapalaran. 12 Kaya inilaan ko sa inyong lahat ang kapalarang mamamatay. Sapagkat nang tumawag ako, hindi kayo sumagot; nang nagsalita ako, hindi kayo nakinig. Gumawa kayo ng masama sa harapan ko; kung ano ang ayaw ko, iyon ang ginagawa ninyo. 13 Kaya ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing, ang aking mga lingkod ay kakain at iinom, pero kayoʼy magugutom at mauuhaw. Matutuwa sila, pero kayoʼy mapapahiya. 14 Aawit sila sa tuwa, pero kayoʼy iiyak sa lungkot at sama ng loob. 15 Ang inyong mga pangalan ay susumpain ng aking mga pinili, at ako, ang Panginoong Dios, ang papatay sa inyo. Pero ang aking mga lingkod ay bibigyan ko ng bagong pangalan. 16 Ang sinumang magsasabi ng pagpapala o manunumpa sa lupain ng Israel, gagawin niya ito sa pangalan ko – ang Dios na tapat.[a] Sapagkat kakalimutan ko na ang mga nagdaang hirap, at itoʼy papawiin ko na sa aking paningin.
17 “Makinig kayo! Gagawa ako ng bagong langit at bagong lupa. Ang dating langit at lupa ay kakalimutan na. 18 Kaya magalak kayo at magdiwang ng walang hanggan sa aking gagawin. Sapagkat ang Jerusalem ay gagawin kong kagalakan ng mga tao, at ang kanyang mga mamamayan ay magbibigay din ng kagalakan. 19 Magagalak ako sa Jerusalem at sa kanyang mga mamamayan. Hindi na maririnig doon ang iyakan at paghingi ng tulong o mga pagdaing. 20 Doon ay walang mamamatay na sanggol o bata pa. Ang sinumang mamamatay sa gulang na 100 taon ay bata pa, at ang mamamatay nang hindi pa umaabot sa 100 taon ay ituturing na pinarusahan ko. 21 Sa mga panahong iyon, magtatayo ang aking mga mamamayan ng mga bahay at titirhan nila ito. Magtatanim sila ng mga ubas at sila rin ang aani ng mga bunga nito. 22 Hindi na ang mga kaaway nila ang makikinabang sa kanilang mga bahay at mga tanim. Sapagkat kung papaanong ang punongkahoy ay nabubuhay nang matagal, ganoon din ang aking mga mamamayan at lubos nilang pakikinabangan ang kanilang pinaghirapan. 23 Hindi sila magtatrabaho nang walang pakinabang at ang kanilang mga anak ay hindi daranas ng kamalasan. Sapagkat silaʼy mga taong pinagpapala ng Panginoon. At ang kanilang mga anak ay kasama nilang pinagpala. 24 Bago pa sila manalangin o habang silaʼy nananalangin pa lang, sasagutin ko na sila. 25 Sa mga araw na iyon magkasamang kakain ang asong lobo at mga tupa, pati mga leon at mga baka ay kakain ng damo. At ang mga ahas ay hindi na manunuklaw. Wala nang mamiminsala o gigiba sa aking banal na bundok ng Zion. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
Footnotes
- 65:16 Dios na tapat: o, Dios na nagsasabi ng totoo.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®