Add parallel Print Page Options

62 Dahil sa mahal ko ang Jerusalem, hindi ako tatahimik hanggaʼt hindi dumarating ang kanyang tagumpay at katuwiran na parang nagbubukang-liwayway; at hanggang sa mapasakanya ang kanyang kaligtasan na parang nagniningas na sulo. O Jerusalem, makikita ng mga bansa at ng kanilang mga hari ang iyong tagumpay, katuwiran, at ang iyong kapangyarihan. Bibigyan ka ng Panginoon ng bagong pangalan. Ikaw ay magiging parang koronang maganda sa kamay ng Panginoon na iyong Dios. Hindi ka na tatawaging, “Itinakwil” o “Pinabayaan”. Ikaw ay tatawaging, “Kaligayahan ng Dios” o “Ikinasal sa Dios”, dahil nalulugod sa iyo ang Dios at para bang ikaw ay ikakasal sa kanya. Siya na lumikha sa iyo[a] ay magpapakasal sa iyo na parang isang binata na ikakasal sa isang birhen. At kung papaanong ang nobyo ay nagagalak sa kanyang nobya, ang iyong Dios ay nagagalak din sa iyo. Jerusalem, naglagay ako ng mga tagapagbantay sa iyong mga pader. Hindi sila titigil araw-gabi sa pagbibigay ng babala sa mga mamamayan mo.

Kayong mga nananalangin sa Panginoon, huwag kayong titigil sa inyong pananalangin. Huwag ninyong titigilan ang Panginoon hanggang sa itayo niyang muli ang Jerusalem at gawing lugar na kapuri-puri sa buong mundo. Nangako ang Panginoon na gagawin niya ito sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Sinabi niya, “Hindi ko na ipapakain ang inyong mga trigo sa inyong mga dayuhang kaaway. Hindi na rin nila maiinom ang mga bagong katas ng ubas na inyong pinaghirapan. Kayo mismong nag-aani ng trigo ang kakain nito, at pupurihin ninyo ako. Kayo mismong namimitas ng ubas ang iinom ng katas nito roon sa aking templo.”

10 Mga taga-Jerusalem, lumabas kayo sa pintuan ng inyong lungsod, at ihanda ninyo ang daraanan ng iba pa ninyong mga kababayan. Linisin ninyo ang kanilang daraanan. Alisin ninyo ang mga bato, at magtayo kayo ng bandila na nagpapahiwatig sa mga tao na pinauuwi na ng Panginoon ang kanyang mga mamamayan. 11 Makinig kayo! Nagpadala ng mensahe ang Panginoon sa buong mundo,[b] na nagsasabi, “Sabihin ninyo sa lahat ng taga-Israel na ang kanilang Tagapagligtas ay dumating na, at may dalang gantimpala. 12 Tatawagin silang ‘Banal’[c] at ‘Iniligtas ng Panginoon.’ At ang Jerusalem naman ay tatawaging, ‘Lungsod na Pinananabikan’ at ‘Lungsod na hindi na Pinabayaan.’ ”

Footnotes

  1. 62:5 Siya na lumikha sa iyo: sa Hebreo, Ang iyong mga anak na lalaki.
  2. 62:11 buong mundo: sa literal, sa pinakadulo ng mundo.
  3. 62:12 Banal: o, ibinukod para sa Dios.