Isaias 56
Magandang Balita Biblia
Ang Lahat ng Bansa ay Mapapasama sa Bayan ng Diyos
56 Ang sabi ni Yahweh sa kanyang bayan:
“Panatilihin ang katarungan at gawin ang tama,
sapagkat ang pagliligtas ko'y hindi na magtatagal,
at ang aking tagumpay ay mahahayag na.
2 Mapalad ang taong nagsasagawa nito,
siya na tumatalima sa tuntuning ito.
Iginagalang niya ang Araw ng Pamamahinga,
at lumalayo sa gawang masama.”
3 Hindi dapat sabihin ng isang dayuhang nakipagkaisa sa bayan ng Diyos,
na siya'y hindi papayagan ni Yahweh na makisama sa pagsamba ng kanyang bayan.
Hindi dapat isipin ng mga eunuko na hindi sila karapat-dapat na mapabilang sa bayan ng Diyos
sapagkat hindi sila magkakaanak.
4 Ang(A) sabi ni Yahweh:
“Sa mga eunukong gumagalang sa Araw ng Pamamahinga,
na gumagawa ng mga bagay na nakalulugod sa akin
at tapat na iniingatan ang aking kasunduan.
5 Ang pangalan mo'y aalalahanin sa aking Templo at sa gitna ng aking bayan
nang mas matagal kaysa paggunita sa iyo,
kung ikaw ay nagkaroon ng mga anak.
Hindi ka malilimot kahit kailan.”
6 Ito naman ang sabi ni Yahweh sa mga dating dayuhan na ngayo'y kabilang sa kanyang bayan,
buong pusong naglilingkod sa kanya,
iginagalang ang Araw ng Pamamahinga,
at matapat na nag-iingat sa kanyang tipan:
7 “Dadalhin(B) ko kayo sa banal na bundok.
Ipadarama ko sa inyo ang kagalakan sa aking Templo.
Malulugod ako sa inyong mga handog;
at ang aking tahanan ay tatawaging bahay-dalanginan ng lahat ng bansa.”
8 Ipinangako pa ng Panginoong Yahweh,
sa mga Israelitang ibinalik niya mula sa pagkatapon,
na marami pa siyang isasama sa kanila
para mapabilang sa kanyang bayan.
Hinatulan ang mga Pinuno ng Israel
9 Tinawag ni Yahweh ang ibang mga bansa upang salakayin at wasakin ang kanyang bayan,
tulad ng pagsalakay ng mababangis na hayop mula sa kagubatan.
10 Ang sabi niya, “Bulag ang mga pinuno na dapat magpaalala sa mga tao.
Wala silang nalalaman.
Para silang mga asong hindi marunong tumahol.
Ang alam lang nila'y magyabang at mangarap.
Ang ibig ay laging matulog.
11 Para silang asong gutom,
walang kabusugan;
sila'y mga pastol na walang pang-unawa.
Ginagawa nila ang anumang magustuhan
at walang iniisip kundi sariling kapakanan.
12 Ang sabi nila, “Halikayo, at kumuha kayo ng alak,
uminom tayo hanggang mayroon.
Mag-iinuman muli tayo bukas
nang mas marami kaysa ngayon!”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.