Isaias 49
Magandang Balita Biblia
Ang Israel ang Tanglaw sa mga Bansa
49 Makinig(A) kayo mga taong naninirahan sa malalayong mga bansa.
Pinili na ako ni Yahweh bago pa isilang, at hinirang niya ako para siya'y paglingkuran.
2 Mga(B) salita ko'y ginawa niyang singtalim ng espada,
siya ang sa aki'y laging nag-iingat.
Ginawa niya akong parang matulis na palaso
na anumang oras ay handang itudla.
3 Sinabi niya sa akin, “Israel, ikaw ay lingkod ko;
sa pamamagitan mo ako'y pupurihin ng mga tao.”
4 Ngunit ang sagot ko, “Ako ay nabigo sa aking pagsisikap,
hindi nagtagumpay gayong ibinuhos ko ang aking lakas.”
Gayunma'y ipinapaubaya ko kay Yahweh ang aking kalagayan,
na ako'y kanyang gagantimpalaan sa aking nakayanan.
5 Bago pa ako ipanganak ay hinirang na ni Yahweh;
pinili niya ako para maging lingkod niya,
upang tipunin ang bayang Israel na nagkawatak-watak.
Binigyan ako ni Yahweh ng karangalan,
sa kanya nagbubuhat ang aking kalakasan.
6 Sinabi(C) sa akin ni Yahweh:
“Israel na aking lingkod, may mas mahalaga pa akong ipapagawa sa iyo.
Bukod sa pagpapanumbalik sa mga Israelitang nalabi,
gagawin din kitang liwanag sa mga bansa
upang ang buong daigdig ay maligtas.”
7 Ganito ang sinabi ni Yahweh, ang Tagapagligtas ng Israel,
sa itinakwil at kinamuhian ng mga bansa
at inalipin ng mga pinuno:
“Makikita ng mga hari ang pagpapalaya sa iyo;
sila'y titindig bilang pagpaparangal sa iyo.
At yuyukod ang mga prinsipe bilang paggalang sa iyo,
sapagkat hinirang ka ni Yahweh, ang banal na Diyos ng Israel.”
Muling Itatayo ang Jerusalem
8 Sinabi(D) pa ni Yahweh sa kanyang bayan:
“Sa tamang panahon ay tinugon kita,
sa araw ng pagliligtas, sinaklolohan kita.
Iingatan kita at sa pamamagitan mo
gagawa ako ng kasunduan sa mga tao,
ibabalik kita sa sariling lupain
na ngayon ay wasak na.
9 Palalayain ko ang mga nasa bilangguan
at dadalhin sa liwanag ang mga nasa kadiliman.
Sila'y matutulad sa mga tupang
nanginginain sa masaganang pastulan.
10 Hindi(E) sila magugutom o mauuhaw,
hindi rin sila mabibilad sa matinding hangin at nakakapasong init sa disyerto,
sapagkat papatnubayan sila ng Diyos na nagmamahal sa kanila.
Sila'y gagabayan niya patungo sa bukal ng tubig.
11 Gagawa ako ng daan sa gitna ng kabundukan,
at ako'y maghahanda ng lansangan, upang maging daanan ng aking bayan.
12 Darating ang bayan ko buhat sa malayo,
mula sa hilaga at sa kanluran,
gayon din sa lupain ng Syene sa timog.”
13 O langit, magpuri ka sa tuwa!
Lupa, magalak ka, gayundin kayong mga bundok,
sapagkat inaaliw ni Yahweh ang kanyang hinirang,
sa gitna ng hirap ay kinahahabagan.
14 Ngunit ang sabi ng mga taga-Jerusalem,
“Pinabayaan na tayo ni Yahweh.
Nakalimutan na niya tayo.”
15 Ang sagot ni Yahweh,
“Malilimot kaya ng ina ang sarili niyang anak?
Hindi kaya niya mahalin ang sanggol niyang iniluwal?
Kung mayroon mang inang lumilimot sa kanyang anak,
hindi ko kayo kakalimutan kahit sandali.
16 Jerusalem, hinding-hindi kita malilimutan.
Pangalan mo'y nakaukit sa aking mga palad.
17 Malapit nang dumating ang muling magtatayo sa iyo,
at ang nagwasak sa iyo ay paalis na.
18 Tumingin ka sa paligid at masdan ang nangyayari.
Ang mga mamamayan mo'y nagtitipun-tipon na upang umuwi.
Ako si Yahweh, ang Diyos na buháy,
ang nagsasabi: ipagmamalaki mo sila balang araw,
tulad ng babaing ikakasal na suot ang kanyang mga alahas.
19 “Aking pinabayaan na mawasak ang iyong bansa,
ngunit ngayon ito'y magiging masikip sa dami ng tao;
at ang mga taong dumurog sa iyo
ay itatapon sa malayo.
20 Sasabihin ng mga anak mo balang araw
na isinilang sa pinagtapunan sa inyo:
‘Ang bayang ito'y maliit na para sa atin.
Kailangan natin ang mas malaking tirahan.’
21 Sasabihin mo naman sa iyong sarili,
‘Kaninong anak ang mga iyon?
Nawala ang mga anak ko, at ako nama'y hindi na magkakaanak.
Itinapon ako sa malayo,
ako'y iniwang nag-iisa.
Saan galing ang mga batang iyon?’”
22 Ang(F) sagot ng Panginoong Yahweh sa kanyang bayan:
“Huhudyatan ko ang mga bansa,
at ang mga anak mo'y iuuwi nila sa iyo.
23 Ang mga hari ay magiging parang iyong ama
at ang mga reyna'y magsisilbing ina.
Buong pagpapakababang yuyukod sila sa iyo
bilang tanda ng kanilang paggalang;
sa gayon ay malalaman mong ako nga si Yahweh.
Hindi mapapahiya ang sinumang magtiwala sa akin.”
24 Mababawi pa ba ang nasamsam ng isang kawal?
Maililigtas pa ba ang bihag ng isang taong malupit?
25 Ang sagot ni Yahweh:
“Ganyan ang mangyayari.
Itatakas ng mga kawal ang kanilang bihag,
at babawiin ang sinamsam ng malupit.
Ako ang haharap sa sinumang lalaban sa iyo,
at ililigtas ko ang iyong mga anak.
26 Hihimukin kong magpatayan ang mga umaapi sa inyo.
Mag-aalab ang kanilang poot, at mahuhumaling sa pagpatay.
Sa gayon makikilala ng sangkatauhan na akong si Yahweh ang Makapangyarihang Diyos,
ang nagligtas sa Israel.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.