Add parallel Print Page Options

Mga Salita ng Pag-asa

40 “Aliwin ninyo ang aking bayan,” sabi ng Diyos.
    “Aliwin ninyo sila!
Inyong ibalita sa mga taga-Jerusalem,
tapos na ang kanilang pagdurusa
sapagkat nabayaran na nila ng lubos
    ang kasalanang ginawa nila sa akin.”

Ganito(A) (B) ang isinisigaw ng isang tinig:
“Ihanda ninyo ang daraanan ni Yahweh sa ilang;
    gumawa kayo ng mga tuwid na landas na kanyang lalakaran sa ilang.
Tambakan ang mga libis,
    patagin ang mga burol at bundok,
at pantayin ang mga baku-bakong daan.
Mahahayag ang kaluwalhatian ni Yahweh,
    at makikita ito ng lahat ng tao.
Si Yahweh mismo ang nagsabi nito.”
“Magpahayag(C) ka!” ang sabi ng tinig.
“Ano ang ipahahayag ko?” tanong ko.
Sumagot siya, “Ipahayag mong ang lahat ng tao ay tulad ng damo,
    ang kanyang buhay ay tulad lamang ng bulaklak sa parang.
Natutuyo ang damo, kumukupas ang mga bulaklak,
    kapag sila'y mahipan ng hanging mula kay Yahweh.
    Tunay ngang ang tao ay tulad ng damo.
Oo, ang damo'y nalalanta, at kumukupas ang mga bulaklak,
    ngunit ang salita ng ating Diyos ay mananatili magpakailanman.”

Ang Diyos ay Narito Na

Umakyat ka sa tuktok ng bundok, O Zion,
    magandang balita ay iyong ipahayag, O Jerusalem!
Sumigaw ka at huwag matatakot,[a]
sabihin mo sa mga lunsod ng Juda,
    “Narito na ang inyong Diyos!”

10 Dumarating(D) ang Panginoong Yahweh na taglay ang kapangyarihan,
    dala ang gantimpala sa mga hinirang.
11 At(E) tulad ng pastol, pinapakain niya ang kanyang kawan;
    sa kanyang mga bisig, ang maliliit na tupa'y kanyang yayakapin.
    Sa kanyang kandungan ay pagyayamanin,
    at papatnubayan ang mga tupang may supling.

Walang Katulad ang Diyos

12 Sino ang makakasukat ng tubig sa dagat sa pamamagitan ng kanyang kamay?
    Sino ang makakasukat sa lawak ng kalangitan?
Sinong makakapaglagay ng lahat ng lupa sa isang sisidlan?
    Sino kaya ang makakapagtimbang sa mga bundok at burol?
13 Sino(F) ang makakapagsabi ng dapat gawin ni Yahweh?
    May makakapagturo ba o makakapagpayo sa kanya?
14 Sino ang kanyang puwedeng sanggunian para maliwanagan?
    Sinong nagturo sa kanya ng landas ng katarungan?
    Sinong nagkaloob sa kanya ng kaalaman at ng paraan upang makaunawa?

15 Sa(G) harap ni Yahweh ang mga bansa ay walang kabuluhan,
    tulad lang ng isang patak ng tubig sa isang sisidlan;
    at ang mga pulo ay parang alikabok lamang ang timbang.
16 Hindi sapat na panggatong ang lahat ng kahoy sa Lebanon.
    Kulang pang panghandog ang lahat ng hayop sa gubat roon.
17 Sa kanyang harapan, ay walang halaga ang lahat ng bansa.

18 Saan(H) ninyo ihahambing ang Diyos
    at kanino ninyo siya itutulad?
19 Siya ba'y maihahambing sa mga imaheng ginawa ng tao,
    na binalutan ng ginto,
    at ipinatong sa pilak?
20 Hindi(I) rin siya maitutulad sa rebultong kahoy
    matigas man ang kahoy at hindi nabubulok,
na nililok upang hindi tumumba
    at mabibili lang sa murang halaga.

21 Hindi ba ninyo nalalaman?
    Wala bang nagbalita sa inyo noon,
    kung paano nagsimulang likhain ang sanlibutan?
22 Ang lumikha nito ay ang Diyos na nakaupo sa kanyang trono doon sa kalangitan;
    mula roon ang tingin sa tao'y parang mga langgam.
Ang langit ay iniladlad niyang tulad ng kurtina,
    tulad ng tolda upang matirahan.

23 Inaalis niya ang mga pinuno sa kapangyarihan,
    at ginagawang walang kabuluhan.
24 Tulad nila'y mga halamang walang ugat,
    bagong tanim at natutuyo agad;
at tila dayaming tinatangay ng hangin.

25 Kanino ninyo ihahambing ang banal na Diyos?
    Mayroon ba siyang katulad?
26 Tumingala(J) kayo sa langit!
Sino ba ang lumikha ng mga bituin?
    Sino ba ang sa kanila'y nagpapakilos,
    at sino ba ang nagbigay ng kanilang pangalan?
Dahil sa kanyang dakilang kapangyarihan,
    walang nawala sa kanila kahit isa man.

Si Yahweh ang Nagbibigay ng Kalakasan

27 Israel, bakit ka ba nagrereklamo
    na tila hindi pansin ni Yahweh ang kabalisahan mo,
    o hindi inalalayan sa kaapihang naranasan?
28 Hindi ba ninyo nalalaman, di ba ninyo naririnig?
Na itong si Yahweh, ang walang hanggang Diyos,
    ang siyang lumikha ng buong daigdig?
Hindi siya napapagod;
    sa isipan niya'y walang makakaunawa.
29 Ang mahihina't mga napapagod ay kanyang pinapalakas.
30 Kahit na ang mga kabataan ay napapagod
    at nanlulupaypay.
31 Ngunit muling lumalakas
    at sumisigla ang nagtitiwala kay Yahweh.
Lilipad silang tulad ng mga agila.
    Sila'y tatakbo ngunit hindi mapapagod,
    sila'y lalakad ngunit hindi manghihina.

Footnotes

  1. Isaias 40:9 Umakyat…matatakot: o Umakyat ka sa isang matayog na bundok at ipahayag ang magandang balita sa Jerusalem! Sumigaw ka at ibadya ang magandang balita sa Zion!