Isaias 40
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Pinalakas ang Loob ng mga Mamamayan ng Dios
40 Sinabi ng Dios, “Palakasin at pagaanin ninyo ang loob ng aking mga mamamayan. 2 Magsalita kayo nang mahinahon sa mga taga-Jerusalem. Sabihin ninyo sa kanila na tapos na ang paghihirap nila, at pinatawad na ang kanilang mga kasalanan. Sapagkat pinarusahan ko sila nang husto sa lahat ng kasalanan nila.” 3 May tagapagbalitang sumisigaw na nangangaral sa mga tao, “Ihanda ninyo ang daan sa ilang para sa Panginoon. Gawin ninyong matuwid ang daan na dadaanan ng ating Dios. 4 Tambakan ninyo ang mga mababang lugar, patagin ang mga bundok at burol, at pantayin ang mga baku-bakong daan. 5 Mahahayag ang makapangyarihang presensya ng Panginoon, at makikita ito ng lahat. Mangyayari nga ito dahil sinabi mismo ng Panginoon.”
6 May nagsabi sa akin, “Mangaral ka!” Ang tanong ko naman, “Anong ipapangaral ko?” Sinabi niya, “Ipangaral mo na ang lahat ng tao ay parang damo, ang kanilang katanyagan ay parang bulaklak nito. 7 Ang damo ay nalalanta at ang bulaklak nito ay nalalaglag kapag hinipan ng hanging mula sa Panginoon. 8 Ang damo ay nalalanta at ang bulaklak nito ay nalalaglag, pero ang salita ng ating Dios ay mananatili magpakailanman.”
9 Kayong mga nagdadala ng magandang balita sa Zion, ang lungsod ng Jerusalem, umakyat kayo sa mataas na bundok, at isigaw ninyo ang magandang balita. Huwag kayong matakot, sabihin ninyo sa mga bayan ng Juda na nandiyan na ang kanilang Dios. 10 Dumarating ang Panginoong Dios na makapangyarihan at maghahari siya na may kapangyarihan. Dumarating siyang dala ang gantimpala para sa kanyang mga mamamayan. 11 Aalagaan niya ang kanyang mga mamamayan gaya ng pastol na nag-aalaga ng kanyang mga tupa. Kinakarga niya ang maliliit na tupa at maingat niyang pinapatnubayan ang mga inahing tupa.
12 Sino ang makakatakal ng tubig sa dagat sa pamamagitan ng kanyang mga palad, o makakasukat ng langit sa pamamagitan ng pagdangkal nito? Sinong makakapaglagay ng lahat ng lupa sa isang lalagyan, o makakapagtimbang ng mga bundok at mga burol? 13 Sino ang makapagsasabi ng nasa isip ng Panginoon, o makapagtuturo sa kanya kung ano ang dapat niyang gawin? 14 Kanino siya sumasangguni para maliwanagan, at sino ang nagturo sa kanya ng tamang pagpapasya? Sino ang nagturo sa kanya ng kaalaman, o nagpaliwanag sa kanya para kanyang maunawaan? Wala! 15 Para sa Panginoon, ang mga bansa ay para lamang isang patak ng tubig sa timba o alikabok sa timbangan. Sa Dios, ang mga pulo ay parang kasinggaan lamang ng alikabok. 16 Ang mga hayop sa Lebanon ay hindi sapat na ihandog sa kanya at ang mga kahoy doon ay kulang pang panggatong sa mga handog. 17 Ang lahat ng bansa ay balewala kung ihahambing sa kanya. At para sa kanya walang halaga ang mga bansa. 18 Kaya kanino ninyo maihahambing ang Dios? O saan ninyo siya maitutulad? 19 Maitutulad nʼyo ba siya sa mga dios-diosang inukit ng tao at binalutan ng ginto ng platero at pagkatapos ay nilagyan ng mga palamuting pilak na kwintas? 20 O sa matitigas na rebultong kahoy na hindi basta nabubulok, na ipinagawa ng taong dukha bilang handog? Ipinagawa niya ito sa magaling umukit para hindi bumuwal.
21 Hindi nʼyo ba alam o hindi ba ninyo napakinggan? Wala bang nagbalita sa inyo kung paano nilikha ang mundo? 22 Nilikha ito ng Dios na nakaupo sa kanyang trono sa itaas ng mundo. Sa paningin niya, ang mga tao sa ibaba ay parang mga tipaklong lamang. Iniladlad niya ang langit na parang kurtina, o parang isang tolda para matirhan. 23 Inaalis niya sa kapangyarihan ang mga pinuno ng mundo at ginagawang walang kwenta. 24 Para silang mga tanim na bagong tubo na halos hindi pa nagkauugat. Hinipan sila ng Panginoon at biglang nalanta at tinangay ng buhawi na parang ipa.
25 Sinabi ng Banal na Dios, “Kanino ninyo ako ihahalintulad? Mayroon bang katulad ko?”
26 Tumingin kayo sa langit! Sino kaya ang lumikha sa mga bituing iyon? Ang Dios ang lumikha niyan. Inilabas niya isa-isa ang mga iyon habang tinatawag niya ang kanilang pangalan. At dahil sa kanyang kapangyarihan, ni isa man ay walang nawala. 27 Kayong mga mamamayan ng Israel na lahi ni Jacob, bakit kayo nagrereklamo na ang inyong mga panukala at mga karapatan ay binalewala ng Dios? 28 Hindi nʼyo ba alam o hindi nʼyo ba narinig na ang Panginoon ay walang hanggang Dios na lumikha ng buong mundo?[a] Hindi siya napapagod o nanghihina at walang nakakaarok ng kanyang isip. 29 Pinalalakas niya ang mga nanghihina at ang mga napapagod. 30 Kahit ang mga kabataan ay napapagod, nanlulupaypay at nabubuwal, 31 ngunit ang mga nagtitiwala sa Panginoon ay muling magkakaroon ng lakas. Lilipad sila na gaya ng isang agila. Tumakbo man sila ay hindi mapapagod. Lumakad man sila ay hindi manghihina.
Footnotes
- 40:28 buong mundo: sa literal, sa pinakadulo ng mundo.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®