Add parallel Print Page Options

Sinalakay ng mga Taga-Asiria ang Jerusalem(A)

36 Nang ika-14 na taon ng paghahari ni Hezekia, nilusob ni Haring Senakerib ng Asiria ang lahat ng napapaderang lungsod ng Juda at sinakop ito. Noong nasa Lakish si Senakerib, inutusan niya ang kumander ng kanyang mga sundalo pati ang buong hukbo niya na pumunta sa Jerusalem at makipagkita kay Haring Hezekia. Nang nasa labas na ng Jerusalem ang kumander, tumigil muna siya at ang kanyang hukbo sa may daluyan ng tubig na nasa itaas ng lugar na pinag-iimbakan ng tubig. Malapit ito sa daan papunta sa pinaglalabahan. Nakipagkita sa kanya roon si Eliakim na anak ni Hilkia, na namamahala ng palasyo, si Shebna na kalihim, at si Joa na anak ni Asaf, na namamahala ng mga kasulatan sa kaharian. Sinabi sa kanila ng kumander ng mga sundalo, “Sabihin nʼyo kay Hezekia na ito ang sinasabi ng makapangyarihang hari ng Asiria:

“Ano ba ang ipinagmamalaki mo? Sinasabi mong maabilidad at malakas ang mga sundalo mo, pero walang kabuluhan ang mga sinasabi mo. Sino ba ang ipinagmamalaki mo at nagrerebelde ka sa akin? Ang Egipto ba? Ang bansang ito at ang hari nito ay parang nabaling tungkod na nakakasugat sa kamay kapag ginamit mo. Maaari ninyong sabihin na nagtitiwala kayo sa Panginoon na inyong Dios, pero hindi baʼt ikaw din Hezekia ang nagpagiba ng mga sambahan niya sa matataas na lugar[a] pati ng mga altar nito. At sinabi mo pa sa mga nakatira sa Jerusalem at mga lungsod ng Juda na sumamba sila sa nag-iisang altar doon sa Jerusalem?”

Sinabi pa ng kumander, “Ngayon, inaalok ka ng aking amo, ang hari ng Asiria. Bibigyan ka namin ng 2,000 kabayo kung may 2,000 ka ring mangangabayo. Hindi ka talaga mananalo kahit sa pinakamababang opisyal ng aking amo. Bakit Umaasa ka lang naman sa Egipto na bibigyan ka nito ng mga karwahe at mangangabayo. 10 At isa pa, iniisip mo bang labag sa Panginoon ang pagpunta ko rito? Ang Panginoon mismo ang nag-utos sa akin na lusubin at lipulin ang bansang ito.”

11 Sinabi nina Eliakim, Shebna at Joa sa kumander ng mga sundalo, “Pakiusap, kausapin mo kami sa wikang Aramico, dahil ang wikang ito ay naiintindihan din namin. Huwag mong gamitin ang wikang Hebreo dahil maririnig ka ng mga taong nasa mga pader ng lungsod.”

12 Pero sumagot ang kumander, “Inutusan ako ng aking amo na ipaalam ang mga bagay na ito hindi lang sa inyo at sa inyong hari kundi sa lahat ng naninirahan sa Jerusalem. Magugutom at mauuhaw kayong lahat kapag nilusob namin kayo. Kaya kakainin ninyo ang inyong mga dumi at iinumin ninyo ang inyong mga ihi.”

13 Pagkatapos, tumayo ang kumander at sumigaw sa wikang Hebreo, “Pakinggan ninyo ang mga mensahe ng makapangyarihang hari ng Asiria! 14 Huwag kayong magpaloko kay Hezekia. Hindi niya kayo maililigtas mula sa mga kamay ko! 15 Huwag kayong maniwala sa kanya na manalig sa Panginoon kapag sinabi niya, ‘Tiyak na ililigtas tayo ng Panginoon; hindi ipapaubaya ang lungsod na ito sa kamay ng hari ng Asiria.’

16 “Huwag kayong makinig kay Hezekia! Ito ang ipinapasabi ng hari ng Asiria: Huwag na kayong lumaban sa akin; sumuko na lang kayo! Papayagan ko kayong kainin ang bunga ng inyong mga tanim at inumin ang tubig sa sarili ninyong mga balon, 17 hanggang sa dumating ako at dadalhin ko kayo sa lupaing katulad din ng inyong lupain na may mga ubasan na magbibigay sa inyo ng katas ng ubas at may mga trigo na magagawa ninyong tinapay. 18 Huwag ninyong pakinggan si Hezekia, inililigaw lang niya kayo kapag sinasabi niyang, ‘Ililigtas tayo ng Panginoon!’ May mga dios ba sa ibang bansa na nailigtas ang kanilang bayan mula sa kamay ng hari ng Asiria? 19 May nagawa ba ang mga dios ng Hamat, Arpad, at Sefarvaim? Nailigtas ba nila ang Samaria mula sa mga kamay ko? 20 Alin sa mga dios ng mga bansang ito ang nakapagligtas ng kanilang bansa laban sa akin? Kaya papaano maililigtas ng Panginoon ang Jerusalem sa aking mga kamay?”

21 Hindi sumagot ang mga tao dahil inutusan sila ni Haring Hezekia na huwag sumagot. 22 Pagkatapos, pinunit nina Eliakim, Shebna, at Joa ang damit nila sa sobrang kalungkutan. Bumalik sila kay Hezekia at ipinaalam ang lahat ng sinabi ng kumander ng mga sundalo.

Footnotes

  1. 36:7 sambahan niya sa matataas na lugar: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod.