Isaias 29
Magandang Balita Biblia
Kinubkob ang Jerusalem
29 Kawawa ang Jerusalem,
ang lunsod na himpilan ni David!
Hayaang dumaan ang taunang pagdiriwang ng mga kapistahan,
2 at pagkatapos ay wawasakin ko ang lunsod na tinatawag na “altar ng Diyos!”
Maririnig dito ang panaghoy at pagtangis,
ang buong lunsod ay magiging parang altar na tigmak ng dugo.
3 Kukubkubin kita,
at magtatayo ako ng mga kuta sa paligid mo.
4 Dahil dito, ikaw ay daraing mula sa lupa,
maririnig mo ang iyong tinig na nakakapangilabot,
nakakatakot na parang tinig ng isang multo,
at parang bulong mula sa alabok.
5 Ngunit ang lulusob sa iyo ay liliparin na parang abo,
parang ipang tatangayin ng hangin ang nakakatakot nilang hukbo.
6 Si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ay biglang magpapadala
ng dumadagundong na kulog, lindol,
buhawi, at naglalagablab na apoy upang iligtas ka.
7 Ang lahat ng bansang kumalaban sa Jerusalem,
ang kanilang mga sandata at kagamitan,
ay maglalahong parang isang panaginip, parang isang pangitain sa gabi.
8 Parang isang taong gutom na nanaginip na kumakain,
at nagising na gutom pa rin;
o taong uhaw na nanaginip na umiinom,
ngunit uhaw na uhaw pa rin nang siya'y magising.
Gayon ang sasapitin,
ng lahat ng bansang lumalaban sa Jerusalem.
Bulag at Mapagmalaki ang Israel
9 Magwalang-bahala kayo at mag-asal mangmang,
bulagin ang sarili at nang hindi makakita!
Malasing kayo ngunit hindi sa alak,
sumuray kayo kahit hindi nakainom.
10 Sapagkat(A) pinadalhan kayo ni Yahweh
ng espiritu ng matinding antok;
tinakpan niya ang inyong mga mata, kayong mga propeta,
tinakpan din niya ang inyong mga ulo, kayong mga manghuhula.
11 Ang kahulugan ng lahat ng pangitaing ito ay parang aklat na nakasara. Kung ipababasa mo ito sa taong nakakaunawa, ang sasabihin niya'y, “Ayoko, hindi ko mababasa sapagkat nakasara.” 12 Kung ipababasa mo naman sa hindi marunong bumasa, ito ang isasagot sa iyo, “Hindi ako marunong bumasa.”
13 Sasabihin(B) naman ni Yahweh,
“Sa salita lamang malapit sa akin ang mga taong ito,
at sa bibig lamang nila ako iginagalang,
subalit inilayo nila sa akin ang kanilang puso,
at ayon lamang sa utos ng tao ang kanilang paglilingkod.
14 Kaya(C) muli akong gagawa
ng kababalaghan sa harapan nila,
mga bagay na kahanga-hanga at kataka-taka;
mawawalang-saysay ang karunungan ng kanilang mga matatalino,
at maglalaho ang katalinuhan ng kanilang matatalino.”
Ang Pag-asa sa Hinaharap
15 Kaawa-awa ang mga nagtatago kay Yahweh habang sila'y gumagawa ng mga panukala.
Sila na nagsasabing: “Doon kami sa gitna ng dilim
upang walang makakakilala o makakakita sa amin!”
16 Binabaligtad(D) ninyo ang katotohanan!
Masasabi ba ng palayok sa gumagawa nito,
“Hindi naman ikaw ang humugis sa akin;”
at masasabi ba ng nilikha sa lumikha sa kanya,
“Hindi mo alam ang iyong ginagawa”?
17 Tulad ng kasabihan:
“Hindi magtatagal
at magiging bukirin ang kagubatan ng Lebanon,
at ang bukirin naman ay magiging kagubatan.”
18 Sa araw na iyon maririnig ng bingi
ang pagbasa sa isang kasulatan;
at mula sa kadiliman,
makakakita ang mga bulag.
19 Ang nalulungkot ay muling liligaya sa piling ni Yahweh,
at pupurihin ng mga dukha ang Banal na Diyos ng Israel.
20 Sapagkat mawawala na ang malupit at mapang-api,
gayon din ang lahat ng mahilig sa kasamaan.
21 Lilipulin ni Yahweh ang lahat ng naninirang-puri,
mga sinungaling na saksi
at mga nagkakait ng katarungan sa matuwid.
22 Kaya ito ang sinasabi ni Yahweh, ang tumubos kay Abraham,
tungkol sa sambahayan ni Jacob:
“Wala nang dapat ikahiya o ikatakot man,
ang bayang ito mula ngayon.
23 Kapag nakita nila ang kanilang mga anak
na ginawa kong dakilang bansa,
makikilala nila na ako ang Banal na Diyos ni Jacob;
igagalang nila ang itinatanging Diyos ni Israel.
24 Magtatamo ng kaunawaan ang mga napapalayo sa katotohanan,
at tatanggap ng pangaral ang mga matitigas ang ulo.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.