Isaias 25
Magandang Balita Biblia
Awit ng Papuri kay Yahweh
25 O Yahweh, ikaw ang aking Diyos;
pupurihin ko at dadakilain ang iyong pangalan;
sapagkat kahanga-hanga ang iyong mga ginawa;
buong katapatan mong isinagawa
ang iyong mga balak mula pa noong una.
2 Ang mga lunsod ay iyong iginuho,
at winasak ang mga kuta;
ibinagsak ninyo ang mga palasyo ng mga dayuhan,
at ang mga iyon ay hindi na muling maitatayo.
3 Kaya dadakilain ka ng taong malalakas,
at matatakot sa iyo ang malulupit na lunsod.
4 Ikaw ang tunay na kanlungan ng mahihirap,
at mga nangangailangan,
matatag na silungan sa panahon ng unos
at nakakapasong init.
Sa harap mo'y mabibigo ang mararahas,
sila'y parang bagyong humahampas sa matibay na pader.
5 Ang ingay ng dayuhan ay parang init sa disyerto,
ngunit napatahimik mo ang ingay ng mga kaaway;
hindi na marinig ang awit ng malulupit,
parang init na natakpan ng ulap.
Naghanda ng Handaan ang Diyos
6 Sa Bundok ng Zion, aanyayahan ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat
ang lahat ng bansa para sa isang malaking handaan.
Pinakamasasarap na pagkain at alak ang kanyang ipinahanda.
7 Sa bundok ding ito'y papawiin niya
ang ulap ng kalungkutang naghahari sa lahat ng bansa.
8 Lubusan(A) nang pupuksain ng Panginoong Yahweh ang kamatayan,
at papahirin ang mga luha sa kanilang mga mata.
Aalisin niya sa kahihiyan ang kanyang bayan.
9 Sasabihin ng lahat sa araw na iyon:
“Siya ang hinihintay nating Diyos na sa ati'y magliligtas,
siya si Yahweh na ating inaasahan.
Magalak tayo at magdiwang, sapagkat tayo'y kanyang iniligtas.”
Paparusahan ng Diyos ang Moab
10 Iingatan(B) ni Yahweh ang Bundok ng Zion,
ngunit ang Moab ay tatapakan;
gaya ng dayaming tinatapak-tapakan sa tambakan ng basura.
11 Sisikapin ng mga taga-Moab na igalaw ang kanilang mga kamay na parang lumalangoy sa tubig.
Ngunit sila'y bibiguin ng Diyos hanggang sa sila'y lumubog.
12 Ang matataas niyang pader ay iguguho ni Yahweh,
at dudurugin hanggang maging alabok.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.