Add parallel Print Page Options

Ang Mensahe tungkol sa Moab

15 Ang mensaheng itoʼy tungkol sa Moab:

Sa loob lang ng isang gabi ay nawasak ang lungsod ng Ar at Kir na sakop ng Moab. Umahon ang mga taga-Dibon sa kanilang templo at sa kanilang mga sambahan sa matataas na lugar para umiyak. Iniiyakan ng mga taga-Moab ang Nebo at Medeba. Ang bawat isa sa kanilaʼy nagpakalbo at nagpaahit ng mga balbas upang ipakita ang kanilang kalungkutan. Nakadamit sila ng sako[a] habang lumalakad sa lansangan. Humahagulgol sila sa bubong ng kanilang mga bahay at sa mga plasa. Umiiyak ang mga taga-Heshbon at ang mga taga-Eleale at naririnig ito hanggang sa Jahaz. Kaya ang mga sundalo ng Moab ay sumisigaw sa takot. Nalungkot ako dahil sa nangyari sa Moab. Nagsitakas ang kanyang mga mamamayan papuntang Zoar hanggang sa Eglat Shelishiya. Nag-iiyakan sila habang umaahon papuntang Luhit. Ang iba sa kanila ay humahagulgol patungo sa Horonaim, dahil sa kanilang sinapit. Natuyo ang mga sapa ng Nimrim at nalanta ang mga damo. At wala nang sariwang mga tanim, kaya dinala nila sa kabila ng daluyan ng tubig ng Arabim ang mga ari-arian at kayamanang natipon nila. Ang iyakan nila ay maririnig sa hangganan ng Moab, mula sa Eglaim hanggang sa Beer Elim. Naging pula sa dugo ang tubig ng Dibon,[b] pero higit pa riyan ang gagawin ko: Magpapadala ako ng mga leon na lalapa sa mga nagsisitakas sa Moab at sa mga naiwan doon.

Footnotes

  1. 15:3 nakadamit sila ng sako: Tanda ng pagsisisi.
  2. 15:9 Dibon: o, Dimon.