Add parallel Print Page Options

10 “Ang mga taga-Israel noon ay parang tanim na ubas na mayabong at hitik sa bunga. Pero habang umuunlad sila, dumarami rin ang ipinapatayo nilang altar at pinapaganda nila ang alaalang bato na sinasamba nila. Mapanlinlang sila,[a] at ngayon dapat na nilang pagdusahan ang kanilang mga kasalanan. Gigibain ng Panginoon ang mga altar nila at mga alaalang bato. Siguradong sasabihin nila sa bandang huli, ‘Wala kaming hari dahil wala kaming takot sa Panginoon. Pero kahit na may hari kami, wala rin itong magagawang mabuti para sa amin.’ Puro salita lang sila[b] pero hindi naman nila tinutupad. Nanunumpa sila ng kasinungalingan at gumagawa ng kasunduan na hindi naman nila tinutupad. Kaya ang katarungan ay parang nakakalasong damo na tumutubo sa binungkal na lupain.

“Matatakot ang mga mamamayan ng Samaria dahil mawawala ang mga dios-diosang guya sa Bet Aven. Sila at ang kanilang mga pari na nagagalak sa kagandahan ng mga dios-diosan nila ay iiyak dahil kukunin iyon sa kanila at dadalhin sa Asiria at ireregalo sa dakilang hari roon. Mapapahiya ang Israel[c] sa kanyang pagtitiwala sa mga dios-diosan.[d] Mawawala ang kanyang[e] hari na parang kahoy na tinangay ng agos. Gigibain ang mga sambahan sa mga matataas na lugar ng Aven,[f] na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel. Matatakpan ang kanilang mga altar ng matataas na damo at mga halamang may tinik. Sasabihin nila sa mga bundok at mga burol, ‘Tabunan ninyo kami!’ ”

Hinatulan ang Israel

Sinabi ng Panginoon, “Kayong mga mamamayan ng Israel ay patuloy sa pagkakasala mula pa noong magkasala ang inyong mga ninuno roon sa Gibea. Hindi kayo nagbago. Kaya kayong mga lahi ng masasama ay lulusubin sa Gibea. 10 Gusto ko na kayong parusahan. Kaya magsasanib ang mga bansa upang lusubin kayo[g] dahil sa patuloy ninyong pagkakasala. 11 Noon, para kayong dumalagang baka na sinanay na gumiik at gustong-gusto ang gawaing ito. Pero ngayon, pahihirapan ko kayong mga taga-Israel[h] at pati ang mga taga-Juda. Magiging tulad kayo ng dumalagang baka na sisingkawan ang makinis niyang leeg at pahihirapan sa paghila ng pang-araro. 12 Sinabi ko sa inyo, ‘Palambutin ninyo ang inyong mga puso tulad ng binungkal na lupa. Magtanim kayo ng katuwiran at mag-aani kayo ng pagmamahal. Sapagkat panahon na para magbalik-loob kayo sa akin hanggang sa aking pagdating, at pauulanan ko kayo ng tagumpay.’[i]

13 “Pero nagtanim kayo ng kasamaan, kaya nag-ani rin kayo ng kasamaan. Nagsinungaling kayo, at iyan ang bunga ng inyong kasamaan. At dahil sa nagtitiwala kayo sa sarili ninyong kakayahan, tulad halimbawa sa marami ninyong mga kawal, 14 darating ang digmaan sa inyong mga mamamayan at magigiba ang inyong mga napapaderang lungsod. Gagawin ng mga kalaban ninyo ang ginawa ni Shalman[j] sa lungsod ng Bet Arbel nang pagluray-lurayin niya ang mga ina at ang kanilang mga anak. 15 Ganyan din ang mangyayari sa inyong mga taga-Betel, dahil sukdulan na ang kasamaan ninyo. Sa pagbubukang-liwayway, siguradong mamamatay ang hari ng Israel.”

Footnotes

  1. 10:2 Mapanlinlang sila: o, Madaling magbago ang kanilang isip.
  2. 10:4 sila: Ang mga dating hari o ang mga tao.
  3. 10:6 Israel: sa Hebreo, Efraim. Isa ito sa mga lahi sa kaharian ng Israel, pero sa aklat na ito ang tinutukoy ay ang buong kaharian ng Israel.
  4. 10:6 sa kanyang … dios-diosan: o, sa payong sinunod niya.
  5. 10:7 kanyang: sa Hebreo, Samaria. Ito ang kabisera ng Israel at kumakatawan sa buong kaharian ng Israel. Tingnan ang “footnote” sa 4:15.
  6. 10:8 Aven: Ito rin ang Bet Aven o Betel.
  7. 10:10 upang lusubin kayo: o, upang bihagin kayo.
  8. 10:11 Israel: sa Hebreo, Efraim. Tingnan ang footnote sa 4:17.
  9. 10:12 tagumpay: o, kaligtasan.
  10. 10:14 Shalman: Maaaring isang hari ng mga Moabita.