Add parallel Print Page Options

Ang Tugon ni Yahweh

Aakyat ako sa bantayan at hihintayin
    ang sasabihin ni Yahweh sa akin,
    at ang tugon niya sa aking daing.
Ito ang tugon ni Yahweh:
“Isulat mo nang malinaw sa mga tapyas ng bato
    ang pangitaing ipahahayag ko sa iyo,
    upang sa isang sulyap ay mabasa agad at maipabatid ito.
Isulat(A) mo ito sapagkat hindi pa panahon upang ito ay maganap.
Ngunit mabilis na lilipas ang panahon,
    at mangyayari ang ipinakita ko sa iyo.
Bagama't parang mabagal ito, hintayin mo.
    Tiyak na mangyayari at hindi maaantala ito.
Ito(B) ang mensahe: “Ang hambog ay mabibigo sa kanyang pagmamataas,
    ngunit ang matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya.”

Ang Kapahamakan ng mga Makasalanan

Ang kayamanan[a] ay mandaraya.
    Ang ganid sa salapi ay hindi makukuntento.
Ang kanyang katakawan ay kasinlawak ng libingan,
    tulad ng kamatayan na walang kasiyahan.
Kaya sinasakop niya ang mga bansa,
    upang maging kanya ang mga mamamayan.
Darating ang araw na hahamakin ng mga nasakop ang mga sumakop sa kanila.
Sasabihin nila, “Kinuha ninyo ang hindi sa inyo, kaya't kayo'y mapapahamak!
    Hanggang kailan pa kayo magpapayaman, habang pinipilit na magbayad ang mga may utang sa inyo?”
Biglang darating ang panahon na kayo naman ang mangungutang,
    at pipiliting magbayad ng interes.
Darating ang inyong kaaway at sisindakin kayo.
    Pagnanakawan nila kayo!
Sinalanta ninyo ang maraming bansa,
    iyan din ang gagawin sa inyo ng mga nakaligtas.
Uusigin kayo dahil sa dugong inyong pinadanak,
    dahil sa inyong karahasan sa mga tao,
    sa daigdig at sa mga lunsod nito.

Mapapahamak kayong mga nagpayaman ng inyong pamilya sa pamamagitan ng inyong mga ninakaw.
    Ngayo'y nagsisikap kayong ilayo sa kapahamakan at panganib ang inyong sambahayan.
10 Ang inyong mga pagbabalak ang nagbigay ng kahihiyan sa inyong sambahayan.
    Winasak ninyo ang maraming bansa,
    kaya kayo naman ngayon ang wawasakin.
11 Sisigaw laban sa inyo ang mga bato ng pader,
    at aalingawngaw sa buong kabahayan.

12 Mapapahamak kayo! Nagtatag kayo ng lunsod sa pamamagitan ng kasamaan;
    itinayo ninyo ang bayan sa pamamagitan ng pagpatay.
13 Ang(C) mga sinakop ninyong bansa ay nagpakahirap sa walang kabuluhan,
    at lahat ng itinayo nila ay natupok sa apoy.
    Si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ang gumawa nito.
14 Subalit(D) ang buong mundo ay mapupuno
    ng mga taong kumikilala at dumadakila kay Yahweh,
    kung paanong ang karagatan ay napupuno ng tubig.

15 Mapapahamak kayo! Pinainom ninyo ang inyong mga kalapit bansa,
    ng alak na tanda ng inyong pagkapoot.
    Nilasing ninyo sila at hiniya,
    nang inyong titigan ang kanilang kahubaran.
16 Malalagay rin kayo sa kahihiyan at hindi sa karangalan.
    Iinom din kayo at malalasing.
Ipapainom sa inyo ni Yahweh ang inyong kaparusahan,
    at ang inyong karangalan ay magiging kahihiyan.
17 Hinubaran ninyo ang kagubatan ng Lebanon;
    ngayon, kayo naman ang huhubaran.
Pinatay ninyo ang mga hayop doon;
    ngayo'y kayo naman ang sisindakin nila.
Uusigin kayo dahil sa dugong inyong pinadanak,
    dahil sa inyong karahasan sa mga tao,
    sa daigdig at sa mga lunsod nito.

18 Ano ang kabuluhan ng diyus-diyosan?
    Tao lamang ang gumawa nito,
    at pawang kasinungalingan ang sinasabi nito.
Ano ang ginagawa nitong mabuti upang pagkatiwalaan ng gumawa?
    Ito ay isang diyos na hindi man lang makapagsalita.
19 Mapapahamak kayo! Ginigising ninyo ang isang pirasong kahoy!
    Pinababangon ninyo ang isang bato!
    May maipapahayag ba sa inyo ang isang diyus-diyosan?
Maaaring ito'y nababalot sa pilak at ginto,
    ngunit wala naman itong buhay.

20 Si Yahweh ay nasa kanyang banal na templo,
    tumahimik ang lahat sa harapan niya.
    Manahimik ang buong sanlibutan sa kanyang presensya.

Footnotes

  1. Habakuk 2:5 kayamanan: Sa ibang manuskrito'y alak .