Genesis 49
Magandang Balita Biblia
Ang Pahayag ni Jacob tungkol sa Kanyang mga Anak
49 Ipinatawag ni Jacob ang kanyang mga anak at sinabi, “Lumapit kayo sa akin, at sasabihin ko sa inyo ang mangyayari sa inyo sa hinaharap:
2 “Kayo mga anak, magsilapit sa akin,
akong inyong ama ay sumandaling dinggin.
3 “Si Ruben ang aking panganay na anak,
sa lahat kong supling ay pinakamalakas;
4 mapusok ang loob, baha ang katulad, bawat madaanan ay sumasambulat.
Sa kabila nito'y hindi ka sisikat, hindi mangunguna, hindi matatanyag;
pagkat ang ama mo ay iyong hinamak,
dangal ng aliping-asawa ko ay iyong winasak.
5 “Simeon at Levi na magkapatid,
ang sandata ninyo'y ipinanlulupig;
6 sa usapan ninyo'y di ako sasali,
sa inyong gawain, hindi babahagi.
Kapag nagagalit agad pumapatay,
lumpo pati hayop kung makatuwaan.
7 Kayo'y susumpain, sa bangis at galit,
sa ugali ninyo na mapagmalabis;
kayo'y magkawatak-watak sa buong lupain,
sa buong Israel ay pangangalatin.
8 “Ikaw naman, Juda, ay papupurihan niyong mga anak ng ina mong mahal,
hawak mo sa leeg ang iyong kaaway,
lahat mong kapatid sa iyo'y gagalang.
9 Mabangis(A) na leon ang iyong larawan,
muling nagkukubli matapos pumatay;
ang tulad ni Juda'y leong nahihimlay,
walang mangangahas lumapit sinuman.
10 Setrong sagisag ng lakas at kapangyarihan
sa kanya kailanma'y hindi lilisan;
mga bansa sa kanya'y magkakaloob,
mga angkan sa kanya'y maglilingkod.
11 Batang asno niya doon natatali,
sa puno ng ubas na tanging pinili;
mga damit niya'y doon nilalabhan,
sa alak ng ubas na lubhang matapang.
12 Mata'y namumula dahilan sa alak,
ngipi'y pumuputi sa inuming gatas.
13 “Sa baybaying-dagat doon ka, Zebulun,
ang sasakyang-dagat sa iyo kakanlong;
ang iyong lupai'y aabot sa Sidon.
14 “Malakas na asno ang katulad mo, Isacar,
ngunit sa kulungan ka maglulumagak.
15 Nang kanyang makita iyong pahingahan,
ang lupain doo'y tunay na mainam,
tiniis na niyang makuba sa pasan,
nagpaalipin na kahit mahirapan.
16 “Si Dan ay magiging isang pangunahin,
katulad ng ibang pinuno ng Israel.
17 Ahas na mabagsik sa tabi ng daan,
na handang tumuklaw sa kabayong daraan;
upang maihulog iyong taong sakay.
18 “Sa pagliligtas mo, O Diyos, ako'y maghihintay.
19 “Haharangin si Gad ng mga tulisan,
lalabanan niya at magtatakbuhan.
20 “Ang bukid ni Asher ay pag-aanihan
ng mga pagkain ng taong marangal.
21 “Si Neftali naman ay tulad ng usa,
malaya't ang dalang balita'y maganda.
22 “Si Jose nama'y baging na mabunga.
Sa tabi ng bukal nakatanim siya,
paakyat sa pader ang pagtubo niya.
23 Mga mangangaso ang nagpapahirap,
hinahabol siya ng palaso't sibat.
24 Subalit ang iyong busog ay mananatiling malakas,
ang iyong mga bisig ay palalakasin,
ang dahilan nito'y ang Diyos ni Jacob,
pastol ng Israel, matibay na muog.
25 Diyos ng iyong ama'y siyang sasaklolo,
ang Makapangyarihang Diyos magbabasbas sa iyo.
Magbuhat sa langit, bubuhos ang ulan,
malalim na tubig sa lupa'y bubukal;
dibdib na malusog, pati bahay-bata'y pagpapalain di't kanyang babasbasan.
26 Darami ang ani, bulaklak gayon din,
maalamat na bundok ay pagpapalain;
pati mga burol magkakamit-aliw.
Pagpapalang ito nawa ay makamit ni Joseng nawalay sa mga kapatid.
27 “Tulad ni Benjami'y lobong pumapatay,
sumisila ito ng inaalmusal.
Kung gabi, ang huli'y pinaghahatian.”
28 Ito ang labindalawang anak ni Israel, at gayon sila binasbasan ng kanilang ama ayon sa basbas na angkop sa kanila.
Namatay at Inilibing si Jacob
29 Pagkatapos, sinabi ni Jacob sa kanyang mga anak, “Ngayo'y papanaw na ako upang makasama ng mga ninunong namayapa na. Doon ninyo ako ililibing sa pinaglibingan sa aking mga magulang, sa yungib sa bukid ni Efron na Heteo. 30 Ang(B) libingang iyo'y nasa Macpela, sa silangan ng Mamre, sa may Canaan. Binili iyon ni Abraham, 31 at(C) doon siya inilibing pati ang kanyang asawang si Sara. Doon din inilibing ang mag-asawang Isaac at Rebeca, at doon ko rin inilibing si Lea. 32 Ang bukid at yungib na iyon ay binili nga sa mga Heteo.” 33 Matapos(D) masabi ang lahat ng ito, siya ay humimlay at namatay.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.