Add parallel Print Page Options

Humanda si Jacob na Salubungin si Esau

32 Nagpatuloy si Jacob sa paglalakbay at sinalubong siya ng mga anghel ng Diyos. Kaya't sinabi niya, “Ito ang hukbo ng Diyos,” kaya tinawag niyang Mahanaim[a] ang lugar na iyon.

Nagpadala siya ng mga sugo sa kapatid niyang si Esau sa lupain ng Seir, sa lupain ng Edom. Ganito ang kanyang ipinasabi: “Ako si Jacob na abang lingkod mo. Matagal akong nanirahan sa Tiyo Laban at ngayon lamang ako uuwi. Marami akong mga baka, asno, tupa, kambing at mga alipin. Pinauna ko ang mga sugong ito upang ipakiusap sa iyo na magkasundo na tayo.”

Pagbalik ng mga sugo, sinabi nila, “Nakausap po namin si Esau at ngayon po'y nasa daan na siya at may kasamang apatnaraang lalaki upang salubungin kayo.” Natakot si Jacob at lubhang nabahala. Kaya't pinagdalawa niyang pangkat ang kanyang mga tauhan pati mga hayop upang, kung salakayin sila ni Esau, ang isang pangkat ay makakatakas.

At nanalangin si Jacob, “Diyos ni Abraham at ni Isaac, tulungan po ninyo ako! Sinabi po ninyong ako'y bumalik sa aming lupain at mga kamag-anak, at hindi ninyo ako pababayaan. 10 Hindi po ako karapat-dapat sa lahat ng kagandahang-loob ninyo sa akin. Nang tumawid po ako sa Jordan, wala akong dala kundi tungkod, ngunit ngayon sa aking pagbabalik, dalawang pangkat na ang aking kasama. 11 Iligtas ninyo ako sa kamay ng aking kapatid na si Esau. Nangangamba po akong sa pagkikita nami'y patayin niya kami pati mga babae at mga bata. 12 Nangako(A) po kayong hindi ninyo ako pababayaan. Sinabi ninyong pararamihin ninyo ang aking lahi, sindami ng mga buhangin sa dagat.”

13 Kinabukasan, si Jacob ay naghanda ng regalo para kay Esau. Pumili siya ng 14 dalawampung barako at dalawandaang inahing kambing, dalawandaang inahing tupa at dalawampung barako, 15 tatlumpung gatasang kamelyo na may mga anak, apatnapung inahing baka at sampung toro, at dalawampung inahing asno at sampung lalaking asno. 16 Bawat kawan ay ipinagkatiwala niya sa isang alipin. Sinabi niya sa kanila, “Mauna kayo sa akin, ngunit huwag kayong magsasabay-sabay; lagyan ninyo ng pagitan ang bawat kawan.” 17 Sinabi niya sa naunang alipin, “Kung masalubong mo ang aking kapatid at tanungin ka, ‘Sino ang iyong panginoon? Saan ka pupunta? Kaninong mga hayop ito?’ 18 Sabihin mong, ‘Ito po'y galing sa inyong lingkod na si Jacob. Regalo po niya ito sa panginoon niyang si Esau.’ Sabihin mo ring kasunod na ninyo ako.” 19 Ganito rin ang iniutos niya sa pangalawa, pangatlo at sa lahat ng aliping kasama ng kawan. 20 Ipinasabi rin niya sa mga ito na siya'y kasunod nila. Inisip ni Jacob na sa ganitong paraa'y patatawarin siya ni Esau, kung sila'y magtagpo, dahil sa mga regalong padala niya. 21 Ang mga regalong ito'y nauna sa kanya; nagpahinga muna siya sa kanyang kampo nang gabing iyon.

Nakipagbuno si Jacob sa Peniel

22 Nang gabi ring iyon, gumising si Jacob at itinawid sa Ilog Jabok ang dalawa niyang asawa, labing-isang anak at dalawang asawang-lingkod. 23 Pagkatapos(B) maitawid ang lahat niyang ari-arian, 24 naiwang(C) mag-isa si Jacob.

Doon, nakipagbuno sa kanya ang isang lalaki hanggang sa pagbubukang-liwayway. 25 Nang maramdaman ng lalaki na hindi niya madadaig si Jacob, hinampas niya ito sa balakang at ang buto nito'y nalinsad. 26 Sinabi ng lalaki, “Bitiwan mo na ako at magbubukang-liwayway na!”

“Hindi kita bibitiwan hangga't hindi mo ako binabasbasan,” wika ni Jacob. 27 Tinanong ng lalaki kung sino siya, at sinabi niyang siya'y si Jacob.

28 Sinabi(D) sa kanya ng lalaki, “Mula ngayo'y Israel[b] na ang itatawag sa iyo, at hindi na Jacob, sapagkat nakipagbuno ka sa Diyos at sa mga tao, at ikaw ay nagtagumpay.”

29 “Ano(E) namang pangalan ninyo?” tanong ni Jacob.

“Bakit gusto mo pang malaman?” sagot naman ng lalaki. At binasbasan niya si Jacob.

30 Sinabi ni Jacob, “Nakita ko ang mukha ng Diyos, gayunma'y buháy pa rin ako.” At tinawag niyang Peniel[c] ang lugar na iyon. 31 Sumisikat na ang araw nang umalis siya roon at papilay-pilay na lumakad. 32 Iyon ang dahilan kung bakit hanggang ngayo'y hindi kinakain ng mga Israelita ang litid ng pigi ng hayop, sapagkat iyon ang bahaging napilay kay Jacob.

Footnotes

  1. Genesis 32:2 MAHANAIM: Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng salitang ito ay “dalawang kampo”.
  2. Genesis 32:28 ISRAEL: Sa wikang Hebreo, ang mga salitang “Israel” at “nakipagbuno sa Diyos” ay magkasintunog.
  3. Genesis 32:30 PENIEL: Sa wikang Hebreo, ang mga salitang “Peniel” at “ang mukha ng Diyos” ay magkasintunog.