Add parallel Print Page Options

Si Hagar at si Ismael

16 Hindi magkaanak si Sarai na asawa ni Abram. Ngunit mayroon siyang aliping babae na taga-Egipto na ang pangalan ay Hagar. Sinabi niya, “Abram, dahil pinagkaitan ako ni Yahweh ng anak, ang alipin ko ang sipingan mo. Baka sakaling magkaanak siya para sa akin!” Pumayag si Abram sa sinabi ni Sarai. At ipinaubaya nga ni Sarai sa kanyang asawa si Hagar upang maging asawang-lingkod. Sampung taon na si Abram na naninirahan sa Canaan nang ito'y nangyari. Matapos sipingan ni Abram si Hagar, nagdalang-tao nga ito. Subalit nagmalaki si Hagar at hinamak nito si Sarai.

Dahil dito, sinabi ni Sarai kay Abram, “Ikaw ang dahilan ng paghamak ni Hagar sa akin! Alam mong ako ang nagkaloob sa iyo ng alipin kong ito; bakit niya ako hinahamak ngayong siya'y nagdadalang-tao? Si Yahweh na ang humatol kung sino sa atin ang tama!”

At sumagot si Abram, “Alipin mo naman siya, kaya gawin mo sa kanya ang gusto mo.” Pinagmalupitan nga ni Sarai si Hagar, kaya ito'y tumakas.

Sinalubong siya ng anghel ni Yahweh sa tabi ng isang bukal sa ilang na malapit sa daang patungo sa Shur. “Hagar, alipin ni Sarai, saan ka nanggaling at saan ka pupunta?” tanong ng anghel.

“Tumakas po ako sa aking panginoon,” ang sagot ni Hagar.

Sinabi ng anghel, “Magbalik ka at muling magpasakop sa kanya.

10 Mga anak mo ay aking pararamihin,
    at sa karamiha'y di kayang bilangin;
11 di na magtatagal, ika'y magsisilang,
    Ismael[a] ang sa kanya'y iyong ipangalan,
    sapagkat dininig ni Yahweh ang iyong karaingan.
12 Ngunit ang anak mo'y magiging mailap, hayop na asno ang makakatulad;
    maraming kalaban, kaaway ng lahat,
di makikisama sa mga kaanak.”

13 Kaya't nasabi ni Hagar sa sarili, “Talaga bang nakita ko rito ang Diyos na nakakakita sa akin at hanggang ngayo'y buháy pa rin ako?” Kaya't tinawag niya si Yahweh nang ganito: “Ikaw ang Diyos na Nakakakita.” 14 Kaya't ang balon sa pagitan ng Kades at Bered ay tinawag nilang, “Balon ng Diyos na Buháy at Nakakakita sa Akin.”

15 Nagsilang(A) nga si Hagar ng isang anak na lalaki kay Abram at ito'y pinangalanan nitong Ismael. 16 Noo'y walumpu't anim na taon na si Abram.

Footnotes

  1. Genesis 16:11 ISMAEL: Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng pangalang ito'y “nakikinig ang Diyos”.