Gawa 19
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Pangatlong Paglalakbay ni Pablo Bilang Misyonero
19 Habang nasa Corinto si Apolos, pumunta si Pablo sa mga bulubunduking lugar ng lalawigan hanggang sa nakarating siya sa Efeso. May nakita siyang mga tagasunod doon. 2 Tinanong niya sila, “Natanggap nʼyo na ba ang Banal na Espiritu nang sumampalataya kayo?” Sumagot sila, “Hindi nga namin narinig na may tinatawag na Banal na Espiritu.” 3 Nagtanong si Pablo sa kanila, “Sa anong bautismo kayo binautismuhan?” Sumagot sila, “Sa bautismo ni Juan.” 4 Sinabi ni Pablo sa kanila, “Ang bautismo ni Juan ay para sa mga taong nagsisisi sa kanilang kasalanan. Ngunit sinabi rin ni Juan sa mga tao na dapat silang sumampalataya sa darating na kasunod niya, na walang iba kundi si Jesus.” 5 Nang marinig nila ito, binautismuhan sila sa pangalan ng Panginoong Jesus. 6 At nang ipinatong ni Pablo ang kanyang kamay sa kanila, bumaba sa kanila ang Banal na Espiritu. Nakapagsalita sila ng ibaʼt ibang wika na hindi nila natutunan, at may mga ipinahayag silang mensahe mula sa Dios. 7 Labindalawang lalaki silang lahat.
8 Sa loob ng tatlong buwan, patuloy ang pagpunta ni Pablo sa sambahan ng mga Judio. Hindi siya natatakot magsalita sa mga tao. Nakipagdiskusyon siya at ipinaliwanag sa kanila ang tungkol sa paghahari ng Dios. 9 Pero ang iba sa kanilaʼy matigas talaga ang ulo at ayaw maniwala, at siniraan nila sa publiko ang pamamaraan ni Jesus. Kaya umalis si Pablo sa kanilang sambahan kasama ang mga tagasunod ni Jesus, at araw-araw ay pumupunta siya sa paaralan ni Tyranus para ipagpatuloy ang pakikipagdiskusyon sa harap ng madla. 10 Sa loob ng dalawang taon, ganoon ang kanyang ginagawa, kaya ang lahat ng nakatira sa lalawigan ng Asia, Judio at hindi Judio ay nakarinig ng salita ng Dios.
11 Maraming pambihirang himala ang ginawa ng Dios sa pamamagitan ni Pablo. 12 Kahit mga panyo at mga epron na ginagamit niya ay dinadala sa mga may sakit at gumagaling sila, at lumalabas din ang masasamang espiritu. 13 May ilang mga Judio roon na gumagala at nagpapalayas ng masasamang espiritu sa mga taong sinasaniban nito. Sinubukan nilang gamitin ang pangalan ng Panginoong Jesus para palabasin ang masasamang espiritu. Sinabi nila sa masasamang espiritu, “Sa pangalan ni Jesus na ipinangangaral ni Pablo, inuutusan ko kayong lumabas!” 14 Ganito rin ang ginagawa ng pitong anak na lalaki ni Esceva. Si Esceva ay isa sa mga namamahalang pari. 15 Sinusubukan nilang palabasin ang masamang espiritu sa pangalan ni Jesus. Pero sinagot sila ng masamang espiritu, “Kilala ko si Jesus, ganoon din si Pablo, pero sino naman kayo?” 16 At nilundag sila ng taong sinaniban ng masamang espiritu at sinaktan. Wala silang magawa kaya tumakbo sila palabas ng bahay na hubad at sugatan. 17 Ang pangyayaring ito ay nabalitaan ng lahat ng Judio at mga hindi Judio na nakatira roon sa Efeso. Natakot sila, at lalo pang naparangalan ang pangalan ng Panginoong Jesus. 18 Marami sa mga sumasampalataya ang lumapit at nagtapat ng kanilang masasamang gawain. 19 At marami ring mga salamangkero ang nagdala ng kanilang aklat at sinunog nila mismo ang mga ito sa harap ng lahat. Ang halaga ng mga aklat na sinunog ay umabot ng ilang milyon. 20 Dahil sa pangyayaring ito, lalo pang lumaganap ang kapangyarihan ng salita ng Dios.
Ang Kaguluhan sa Efeso
21 Pagkatapos ng mga pangyayaring iyon, nagpasya si Pablo na dumaan muna sa Macedonia at sa Acaya bago pumunta sa Jerusalem. At ayon sa kanya, kailangan din niyang puntahan ang Roma pagkagaling sa Jerusalem. 22 Pinauna niya sa Macedonia ang dalawang tumutulong sa kanya sa gawain ng Dios na sina Timoteo at Erastus, at siyaʼy nagpaiwan muna sa lalawigan ng Asia. 23 Nang panahon ding iyon, nagkaroon ng malaking kaguluhan sa Efeso dahil ayaw pumayag ng iba na magturo ang mga mananampalataya tungkol sa pamamaraan ni Jesus.
24 May isang platero roon[a] na nagngangalang Demetrius. Gumagawa siya at ang kanyang mga tauhan ng maliliit na templong yari sa pilak na iginaya sa templo ni Artemis na kanilang diosa, at itoʼy pinagkakakitaan nila nang malaki. 25 Kaya ipinatawag niya ang kanyang mga manggagawa at ang iba pang mga platero. At sinabi niya sa kanila, “Mga kaibigan, alam ninyong umaasenso tayo sa ganitong klaseng hanapbuhay. 26 Nakita ninyo at narinig ang ginagawa ng taong si Pablo. Sinasabi niya na ang mga dios na ginagawa ng tao ay hindi totoong mga dios. Marami ang naniwala sa kanya rito sa Efeso at sa buong lalawigan ng Asia. 27 Kaya nanganganib ang ating hanapbuhay, dahil baka masamain ito ng mga tao. At hindi lang iyan, nanganganib din ang templo ng ating dakilang diosang si Artemis, dahil baka mawalan na ito ng saysay, at hindi na kikilalanin ng mga tao ang diosa na sinasamba hindi lang dito sa Asia kundi maging sa buong mundo.”
28 Nang marinig ito ng mga tao, galit na galit sila at nagsigawan, “Makapangyarihan si Artemis ng mga taga-Efeso!” 29 At ang kaguluhan ay kumalat sa buong lungsod. Hinuli nila ang mga kasama ni Pablo na sina Gaius at Aristarcus na mga taga-Macedonia. Pagkatapos, sama-sama silang nagtakbuhan sa lugar na pinagtitipunan ng mga tao habang kinakaladkad nila ang dalawa. 30 Nais sana ni Pablo na magsalita sa mga tao, pero pinigilan siya ng mga tagasunod ni Jesus. 31 Maging ang ilang mga opisyal ng lalawigan ng Asia na mga kaibigan ni Pablo ay nagpasabi na huwag siyang pumunta sa pinagtitipunan ng mga tao.
32 Lalo pang nagkagulo ang mga tao. Ibaʼt iba ang kanilang mga isinisigaw, dahil hindi alam ng karamihan kung bakit sila naroon. 33 May isang tao roon na ang pangalan ay Alexander. Itinulak siya ng mga Judio sa unahan para magpaliwanag na silang mga Judio ay walang kinalaman sa mga ginagawa nina Pablo. Sinenyasan niya ang mga tao na tumahimik. 34 Nang malaman ng mga tao na isa siyang Judio, sumigaw silang lahat, “Makapangyarihan si Artemis ng mga taga-Efeso!” Dalawang oras nilang isinisigaw ang ganoon.
35 Nang bandang huli, napatahimik din sila ng namumuno sa lungsod. Sinabi niya sa kanila, “Mga kababayang taga-Efeso, alam ng lahat ng tao na tayong mga taga-Efeso ang siyang tagapag-ingat ng templo ni Artemis na makapangyarihan at ng sagradong bato na nahulog mula sa langit. 36 Hindi ito maikakaila ninuman. Kaya huminahon kayo, at huwag kayong pabigla-bigla. 37 Dinala ninyo rito ang mga taong ito kahit hindi naman nila ninakawan ang ating templo o nilapastangan ang ating diosa. 38 Kung si Demetrius at ang kanyang mga kasamang platero ay may reklamo laban kaninuman, may mga korte at mga hukom tayo. Dapat doon nila dalhin ang kanilang mga reklamo. 39 Pero kung may iba pa kayong reklamo, iyan ay kinakailangang ayusin sa opisyal na pagtitipon ng taong-bayan. 40 Sa ginagawa nating ito, nanganganib tayong maakusahan ng mga opisyal ng Roma ng panggugulo. Wala tayong maibibigay na dahilan kung bakit natin ginagawa ito.” 41 Pagkatapos niyang magsalita, pinauwi niya ang mga tao.
Footnotes
- 19:24 platero: sa Ingles, silversmith.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®