Add parallel Print Page Options

Ang Paghahati-hati ng Lupain sa Bawat Lahi

48 Ito ang talaan ng mga lahi ng Israel at ang mga lupaing magiging bahagi nila: Ang lupain para sa lahi ni Dan ay nasa hilaga. Ang hangganan nito ay magsisimula sa Hetlon patungo sa Lebo Hamat hanggang sa Hazar Enan na nasa hangganan ng Damascus at ng Hamat sa hilaga. Ang luwang ng lupain para sa lahi ni Dan ay magmumula sa silangan hanggang sa kanluran ng Israel.

Ang lupain ng lahi ni Asher ay nasa bandang timog ng lupain ng lahi ni Dan, at ang luwang nito ay mula rin sa silangan hanggang sa kanluran ng Israel.

Katabi ng lupain ng lahi ni Asher ang lupain ng lahi ni Naftali na nasa hilaga ng lupain ni Asher at ang luwang nito ay mula rin sa silangan hanggang sa kanluran ng lupain ng Israel.

Ang lupain ng lahi ni Manase ay nasa gawing timog ng lupain ng lahi ni Naftali, at ang luwang nito ay mula pa rin sa silangan hanggang sa kanluran ng Israel.

5-7 Ang susunod pang mga lupa ay pag-aari ng lahi nina Efraim, Reuben, at ni Juda, na ang lawak ay mula rin sa silangan hanggang sa kanluran ng Israel.

Ang lupain sa bandang hilaga ng Juda ay ibibigay ninyo sa Panginoon bilang tanging handog. Ang haba nito ay 12 kilometro at ang luwang ay mula rin sa silangan hanggang sa kanluran ng Israel, katulad din ng sa mga lahi ng Israel. Sa gitna ng lupang ito itatayo ang templo. Ang bahaging ibibigay ninyo sa Panginoon para pagtayuan ng templo ay 12 kilometro ang haba at 5 kilometro ang luwang. 10 At ang natitirang kalahati ng lupaing ito ay para sa mga pari, 12 kilometro ang haba mula sa silangan hanggang sa kanluran, at 5 kilometro ang luwang mula timog hanggang hilaga. Sa gitna nito ay ang templo ng Panginoon. 11 Ang lupang ito ay para sa mga hinirang na pari, na anak ni Zadok, na aking tapat na lingkod. Hindi siya lumayo sa akin, hindi katulad ng ginawa ng ibang Levita na sumama sa mga Israelitang tumalikod sa akin. 12-13 Ito ang natatanging handog para sa kanila sa panahong paghahati-hatiin na ninyo ang lupain, at ito ang kabanal-banalang lupa. Katabi nito ay ang lupain para sa ibang Levita na 12 kilometro ang haba at limang kilometro ang luwang. 14 Ang lupaing ito ay hindi nila maaaring ipagbili o ipalit kahit na maliit na bahagi nito, dahil pinakamagandang lupain ito at banal para sa Panginoon.

15 Ang natitirang lupain na 12 kilometro ang haba at dalawaʼt kalahating kilometro ang luwang ay para sa lahat. Maaari itong tirahan ng tao o pastulan ng kanilang mga hayop. Sa gitna nito ay ang lungsod 16 na ang luwang ay dalawang kilometro sa gawing kanluran, dalawang kilometro sa gawing silangan, dalawang kilometro sa gawing hilaga, at dalawang kilometro rin sa gawing timog. 17 Napapaikutan ito ng bakanteng bahagi na 125 metro ang luwang sa kanluran, silangan, hilaga, at sa timog. 18 Sa labas ng lungsod ay may bukid na ang haba ay limang kilometro sa gawing silangan at limang kilometro rin sa gawing kanluran. Katabi ito ng banal na lupa. Ang mga ani mula sa bukid na ito ay magiging pagkain ng mga nagtatrabaho sa lungsod 19 na mula sa ibaʼt ibang lahi ng Israel. Maaari silang magtanim sa lupang ito. 20 Kaya ang kabuuan ng lupaing ibibigay ninyo sa Panginoon bilang natatanging handog pati na ang banal na lupa at ang lungsod ay 12 kilometro kwadrado.

21-22 Ang natitirang lupain sa gawing silangan at kanluran ng banal na lupain at ng lungsod ay para sa pinuno. Ang mga lupaing ito ay may luwang na 12 kilometro na umaabot hanggang sa hangganan sa silangan at kanluran. Kaya sa gitna ng lupain na para sa pinuno ay ang aking banal na lugar, ang templo, ang lupain ng mga Levita, at ang bayan. Ang lupaing para sa pinuno ay nasa gitna ng lupain ng lahi ni Juda at ng lahi ni Benjamin.

23 Ito naman ang mga lupaing tatanggapin ng ibang mga lahi: Ang lupain ng lahi ni Benjamin ay nasa gawing timog ng lupain ng mga pinuno, at ang lawak ay mula sa silangan hanggang sa kanluran ng lupain ng Israel.

24 Katabi ng lupain ng lahi ni Benjamin sa gawing timog ay ang lahi ni Simeon at ang haba nito ay mula sa silangan hanggang sa kanluran ng lupain ng Israel.

25-27 Ang susunod pang mga bahagi ay sa lahi nina Isacar, Zebulun at Gad, na ang haba ay pawang mula sa silangan hanggang sa kanluran ng lupain ng Israel. 28 Ang hangganan sa timog ng lupaing para sa lahi ni Gad ay magsisimula sa Tamar patungo sa bukal ng Meribat Kadesh[a] hanggang sa Lambak ng Egipto patungo sa Dagat ng Mediteraneo.

29 Ito ang mga lupaing tatanggapin ng mga lahi ng Israel na kanilang mamanahin. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.

Ang mga Pintuan ng Lungsod ng Jerusalem

30-34 Ang lungsod ng Jerusalem ay napapalibutan ng pader. Sa bawat panig nito ay may tatlong pintuan. Ang tatlong pintuan sa gawing hilaga ng pader ay tatawaging Reuben, Juda, at Levi. Ang tatlong pintuan sa gawing silangan ay tatawaging Jose, Benjamin at Dan. Ang tatlong pintuan sa gawing timog ay tatawaging Simeon, Isacar at Zebulun. At ang tatlong pintuan sa gawing kanluran ay tatawaging Gad, Asher, at Naftali. Ang bawat pader sa ibaʼt ibang panig ay 2,250 metro ang haba. 35 Kaya ang kabuuang haba ng pader ay 9,000 metro. At mula sa araw na iyon, ang lungsod ay tatawaging, “Naroon ang Panginoon!”

Footnotes

  1. 48:28 Meribat Kadesh: o, Meriba sa Kadesh.