Ezekiel 47
Magandang Balita Biblia
Ang Batis mula sa Templo
47 Bumalik(A) kami sa pintuan ng templo. Sa ilalim nito'y may agos ng tubig papunta sa silangan. Ang templo'y paharap sa silangan. Ang agos ay nagmumula sa gawing timog na bahagi ng templo, sa gawing timog ng altar. 2 Lumabas kami sa pintuan sa gawing hilaga at iniligid niya ako papalabas sa pintuan sa gawing silangan. Doon ay may mahinang agos ng tubig mula sa gawing timog ng hagdanan.
3 Nagtuloy kami sa gawing silangan; may hawak siyang panukat. Sumukat siya ng 500 metro. Pagkatapos, lumusong kami sa tubig na hanggang bukung-bukong. 4 Sumukat muli siya ng 500 metro at umabot ito hanggang tuhod. Sumukat siyang muli ng 500 metro at nang lumusong kami sa tubig, ito'y hanggang baywang. 5 Sumukat uli siya ng 500 metro ngunit iyon ay isa nang ilog at hindi na ako makalusong. Malalim ang tubig at kailangang languyin upang matawid. 6 Sinabi niya sa akin, “Ezekiel, anak ng tao, tandaan mo ang lugar na ito.”
Naglakad kami sa pampang ng nasabing ilog. 7 Nang ako'y pabalik na, nakita ko ang makapal na puno sa magkabilang pampang ng ilog. 8 Sinabi niya sa akin, “Ang tubig na ito ay papunta sa dakong silangan, hanggang Dagat na Patay. Pag-abot nito sa Dagat na Patay, malilinis ang tubig nito. 9 Lahat ng lugar na maagusan nito ay magkakaroon ng lahat ng uri ng hayop at isda. Pagdating ng agos nito sa Dagat na Patay, magiging tabang ang tubig ng dagat. Lahat ng lugar na abutin nito ay magkakaroon ng buhay. 10 Pupuntahan ito ng mga mangingisda. Ang En-gedi hanggang En-eglain ay magiging lugar ng pangisdaan sapagkat iba't ibang uri ang isda rito, tulad ng nasa Dagat Mediteraneo. 11 Ngunit ang mga latian ay mananatiling maalat para may makunan ng asin. 12 Sa(B) magkabilang pampang ng ilog ay tutubo ang sari-saring punongkahoy na makakain ang bunga. Hindi malalanta ang mga dahon nito ni mawawalan ng bunga sapagkat ang didilig dito ay ang tubig na umaagos mula sa templo; ito ay patuloy na mamumunga sa buong taon. Ang bunga nito ay pagkain, at gamot naman ang mga dahon.”
Ang mga Hangganan
13 Ipinapasabi ng Panginoong Yahweh: “Ito ang gagawing paghahati ng lupain para sa labindalawang lipi ng Israel; dalawang bahagi ang mauuwi sa lipi ni Jose. 14 Pare-pareho ang gagawing hati. Ang lupaing ito ang aking ipinangako sa inyong mga magulang upang maging inyo.
15 “Ito ang hangganan ng buong lupain, sa hilaga; ang Dagat Mediteraneo, tuloy ng Hetlon, sa may pagpasok ng Hamat at tuloy ng Sedad, 16 Berota, Sibraim na nasa may hangganan ng Damasco at Hamat, hanggang sa Hazerhatico, sa hangganan ng Hawan. 17 Samakatuwid, ang hangganan sa hilaga ay mula sa Dagat Mediteraneo hanggang Hazar-enon, sa gawing hilaga ng Damasco.
18 “Sa silangan: mula sa Hazar-enon, pagitan ng Damasco at Hauran, sa baybayin ng Jordan, pagitan ng Gilead at Israel, sa dagat sa gawing silangan hanggang Tamar.
19 “Sa timog: mula sa Tamar hanggang sa tubigan ng Meriba-kades, binaybay ang Batis ng Egipto hanggang sa Dagat Mediteraneo.
20 “Sa kanluran: ang Dagat Mediteraneo hanggang sa tapat ng pagpasok sa Hamat.
21 “Ito ang lupaing hahatiin mo sa mga lipi ng Israel. 22 Ito ang pinakamana mo at ng mga taga-ibang lugar na kasama ninyo at nagkaanak nang kasama ninyo. Sila'y ituturing na parang tunay na Israelita at kahati sa lupaing mamanahin ng Israel. 23 Ang mapupunta sa kanila ay magmumula sa bahagi ng liping kinabibilangan niya.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.