Ezekiel 46
Magandang Balita Biblia
Ang Pinuno at ang mga Pista
46 Ipinapasabi ni Yahweh: “Ang daanan sa gawing silangan papunta sa patyo sa loob ay mananatiling nakasara sa loob ng anim na araw ng paggawa at ibubukas lamang kung Araw ng Pamamahinga at Pista ng Bagong Buwan. 2 Ang pinuno ay papasok sa bulwagan at tatayo sa may poste ng tarangkahan habang inihahandog ng pari ang handog na susunugin pati ang haing pangkapayapaan; doon lamang siya sasamba sa labas. Pagkatapos, lalabas siya ngunit iiwang bukás ang pinto hanggang sa gabi. 3 Ang bayan naman ay sasamba kay Yahweh kung Araw ng Pamamahinga at Pista ng Bagong Buwan ngunit doon lamang sila sa may pintuan. 4 Kung Araw ng Pamamahinga, ang ihahandog ng pinuno ay anim na tupa at isang tupang lalaki na parehong walang kapintasan. 5 Para sa tupang lalaki ay limang salop ng handog na pagkaing butil, kasama ng apat na litrong langis. Ang para naman sa bawat kordero ay ayon sa kanyang kakayanan bukod sa apat na litrong langis. 6 Kung Pista ng Bagong Buwan, ang ihahandog niya'y isang toro, anim na tupa, at isang tupang lalaki na parehong walang kapintasan. 7 Sa bawat toro at tupang lalaki ay tiglimang salop ng handog na pagkaing butil. Ang para naman sa batang kordero ay ayon sa kanyang kakayanan bukod pa sa apat na litrong langis. 8 Ang pinuno ay sa bulwagan ng tarangkahan papasok at doon din lalabas.
9 “Pagsamba naman ng mga tao tuwing takdang kapistahan, lahat ng papasok sa pinto sa hilaga ay sa timog lalabas, at lahat ng pumasok sa timog ay sa hilaga lalabas. Walang pahihintulutang lumabas sa pintong pinasukan niya; lahat ay tuluy-tuloy. 10 Ang pinuno ay kasabay nilang papasok at lalabas ng templo.
11 “Tuwing kapistahan at bawat takdang panahon, ang handog na pagkaing butil ay limang salop ng harina para sa bawat toro o tupang lalaki, at ayon sa kakayanan naman para sa batang kordero, bukod sa apat na litrong langis. 12 Kung ang pinuno ay maghahain ng handog na susunugin o ng handog pangkapayapaan, bilang kusang handog, doon siya pararaanin sa pinto sa gawing silangan; gagawin niya ito kung Araw ng Pamamahinga. Paglabas niya, isasara ang pinto.
Ang mga Handog Araw-araw
13 “Tuwing umaga, maghahanda ng isang tupang walang kapintasan bilang handog na susunugin. 14 Ito'y sasamahan ng isang salop ng handog na pagkaing butil, at 1 1/3 litrong langis na pangmasa sa harina. Ito ang inyong tuntunin ukol sa pang-araw-araw na handog kay Yahweh. 15 Araw-araw ay ganyan ang tupa, pagkaing butil at langis na inyong ihahandog.”
Ang Pinuno at ang Lupain
16 Ipinapasabi ng Panginoong Yahweh: “Kapag ang anak ng pinuno ay pinamanahan niya ng kanyang ari-arian, iyon ay mananatiling pag-aari ng anak. 17 Ngunit(A) kapag binigyan ang isang alipin, ang ibinigay ay kanya lamang hanggang sa pagsapit ng Taon ng Paglaya. Paglaya niya, ibabalik niya sa pinuno ang ari-ariang ibinigay sa kanya pagkat iyon ay para sa mga anak nito. 18 Ang pinuno ay hindi dapat mangamkam ng ari-arian ng mga mamamayan. Ang ari-arian lamang niya ang maaari niyang ibigay sa kanyang mga anak. Sa gayon, maiiwasang agawan ng ari-arian ang sinuman sa aking mamamayan.”
Ang Lutuan ng mga Handog
19 Dinala ako ng lalaki sa hanay ng mga silid ng pari sa gawing timog at doo'y itinuro niya sa akin ang isang lugar sa gawing kanluran. 20 Sinabi niya sa akin, “Ang handog na pambayad sa kasalanan at ang handog para sa kapatawaran ng kasalanan, at handog na pagkaing butil ay diyan lulutuin ng mga pari. Huwag itong ilalabas para hindi mapinsala ng kabanalan niyon ang mga tao.”
21 Dinala niya ako sa patyo sa labas, at ibinaybay sa apat na sulok nito. Sa bawat sulok ay may patyo; 22 maliit at pare-pareho ang laki. Dalawampung metro ang haba ng bawat isa, at labinlimang metro naman ang luwang. 23 Napapaligiran ito ng mababang pader at may apuyan sa tabi. 24 Sinabi niya sa akin, “Dito naman lulutuin ng mga katulong ang handog ng mga mamamayan.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.