Add parallel Print Page Options

Bumalik sa Templo ang Dakilang Presensya ng Dios

43 Pagkatapos, dinala na naman ako ng tao sa daanan sa gawing silangan. At doon ay nakita ko na dumarating mula sa silangan ang makapangyarihang presensya ng Dios ng Israel. Ang tunog ng pagdating niya ay parang rumaragasang tubig at ang lupain ay lumiliwanag dahil sa kanyang dakilang presensya. Ang pangitaing ito ay katulad din ng pangitaing nakita ko noong winasak ng Dios ang lungsod ng Jerusalem, at tulad din ng pangitaing nakita ko sa pampang ng Ilog ng Kebar. Nang makita ko ito, nagpatirapa ako sa lupa.

Pagkatapos, pumasok ang dakilang presensya ng Panginoon sa templo. Doon siya dumaan sa pintuan sa gawing silangan. Itinayo ako ng Espiritu at dinala sa bakuran sa loob, at nakita ko ang buong templo na nilukuban ng makapangyarihang presensya ng Panginoon. Habang nakatayo ang tao sa tabi ko, may narinig akong tinig mula sa templo. Ang sinabi sa akin, “Anak ng tao, ito ang aking trono, at ang patungan ng aking paa. Dito ako mananahan kasama ng mga Israelita magpakailanman. Hindi na muling lalapastanganin ng mga Israelita maging ng kanilang mga hari ang aking pangalan, sa pamamagitan ng pagsamba sa mga dios-diosan[a], o sa mga monumento ng namatay nilang mga hari. Noong una, nagtayo sila ng mga altar para sa mga dios-diosan nila malapit sa altar ko at pader lang ang pagitan. Dinungisan nila ang banal kong pangalan sa pamamagitan ng kasuklam-suklam na gawang iyon. Kaya nilipol ko sila. Ngayoʼy kinakailangan na silang tumigil sa pagsamba sa mga dios-diosan at sa mga monumento ng namatay nilang mga hari. Sa gayon, mananahan akong kasama nila magpakailanman.”

10 Sinabi pa ng tinig, “Anak ng tao, ilarawan mo sa mga mamamayan ng Israel ang templo na ipinakita ko sa iyo. Sabihin mo sa kanila ang anyo nito upang mapahiya sila dahil sa mga kasalanan nila. 11 Kapag napahiya na sila sa lahat ng ginawa nila, ilarawan mo sa kanila kung paano gagawin ito, ang mga daanan, pinto, at ang buong anyo ng gusali. Isulat mo ang mga tuntunin sa pagpapagawa nito habang nakatingin sila para masunod nila ito nang mabuti. 12 At ito ang pangunahing kautusan tungkol sa templo: Ituring ninyong banal ang lahat ng lugar sa paligid ng bundok doon sa itaas na pagtatayuan ng templo.

Ang Altar

13 “Ito ang sukat ng altar ayon sa umiiral na panukat: Sa paligid ng altar ay gagawa kayo ng parang kanal na 20 pulgada ang luwang at 20 pulgada rin ang lalim at may sinepa sa paligid na anim na pulgada ang kapal. 14-17 May tatlong palapag ang altar na parisukat lahat. Ang ibabang palapag ay 27 talampakan ang haba at luwang. Ang taas naman ay tatlong talampakan. Ang gitnang palapag ay 24 na talampakan ang haba at luwang at pitong talampakan naman ang taas. May kanal sa paligid nito na 20 pulgada ang lalim, at may sinepa sa palibot na sampung pulgada ang luwang. Ang palapag sa itaas ay 20 talampakan ang haba at luwang at pitong talampakan naman ang taas. Dito sinusunog ang mga handog. Ang apat na sulok ng altar ay may parang mga sungay ng hayop. Ang hagdan ng altar ay nasa gawing silangan.”

18 Sinabi pa ng tinig sa akin, “Anak ng tao, ito ang sinasabi ng Panginoong Dios: Kapag nagawa na ang altar, italaga ninyo ito sa pamamagitan ng pag-aalay ng handog na sinusunog at pagwiwisik ng dugo ng hayop na inihandog. 19 Sa araw na iyon, ang mga paring naglilingkod sa akin na mga Levitang mula sa pamilya ni Zadok ay bibigyan ng isang batang toro na iaalay nila bilang handog sa paglilinis. 20 Kumuha ka ng dugo nito at ipahid mo sa apat na sungay na nasa sulok ng pangalawang palapag ng altar at sa sinepa nito. Sa ganitong paraan ay malilinis ang altar. 21 Pagkatapos, kunin mo ang batang toro na handog sa paglilinis, at sunugin mo sa lugar na pinagsusunugan sa labas ng templo. 22 Kinabukasan, maghandog ka ng lalaking kambing na walang kapintasan at ihandog mo sa paglilinis ng altar, katulad ng ginawa mo sa batang toro. 23 Pagkatapos, kumuha ka ng isang batang toro at isang tupa na walang kapintasan, 24 at ihandog mo sa Panginoon. Lalagyan ito ng asin ng mga pari bago nila ialay sa Panginoon bilang handog na sinusunog.

25 “Sa loob ng isang linggo, maghandog ka sa bawat araw ng isang lalaking kambing, isang toro at isang tupa na pawang walang kapintasan at ialay mo ito bilang handog sa paglilinis. 26 Sa ganitong paraan, malilinis ang altar at maaari nang gamitin pagkatapos. 27 At mula sa ikawalong araw, maghahandog na ang mga pari ng inyong mga handog na sinusunog at mga handog para sa mabuting relasyon.[b] At tatanggapin ko kayo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”

Footnotes

  1. 43:7 pagsamba sa mga dios-diosan: sa literal, pangangalunya ng lalaki.
  2. 43:27 handog para sa mabuting relasyon: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod.