Ezekiel 21
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Babilonia ay Gagamitin ng Panginoon Bilang Espada para Parusahan ang Israel
21 Sinabi sa akin ng Panginoon, 2 “Anak ng tao, humarap ka sa Jerusalem at magsalita ka laban sa Israel at sa mga sambahan nito. 3 Sabihin mo sa kanila na ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito: Kalaban ko kayo! Bubunutin ko ang aking espada at papatayin ko kayong lahat, mabuti man o masama. 4 Oo, papatayin ko kayong lahat mula sa timog hanggang sa hilaga. 5 At malalaman ng lahat na ako ang Panginoon. Binunot ko na ang aking espada at hindi ko ito ibabalik sa lalagyan hanggaʼt hindi natatapos ang pagpatay nito.
6 “Kaya anak ng tao, umiyak ka nang may pagdaramdam at kapaitan. Iparinig sa kanila ang pag-iyak mo. 7 Kapag tinanong ka nila kung bakit ka umiiyak, sabihin mong dahil sa balitang lubhang nakakatakot, nakakapanghina, nakakayanig at nakakahimatay. Hindi magtatagal at mangyayari ito. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
8 Sinabi pa ng Panginoon sa akin, 9-10 “Anak ng tao, sabihin mo ang ipinapasabi ko sa mga tao. Sabihin mong ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito: Hinasa ko na ang espada ko para patayin kayo. Pinakintab ko ito nang husto para kuminang na parang kidlat. Ngayon, matutuwa pa ba kayo? Kukutyain nʼyo pa ba ang mga turo at pagdidisiplina ko sa inyo? 11 Hinasa ko naʼt pinakintab ang espada, at nakahanda na itong gamitin sa pagpatay.
12 “Anak ng tao, umiyak ka nang malakas at dagukan mo ang iyong dibdib dahil ang espadang iyon ang papatay sa mga mamamayan kong Israel, pati na sa kanilang mga pinuno. 13 Isang pagsubok ito sa mga mamamayan ko. Huwag nilang iisipin na hindi ko gagawin ang pagdidisiplinang ito na kinukutya nila. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. 14 Kaya, anak ng tao, sabihin mo ang ipinasasabi ko sa iyo. Isuntok mo ang iyong kamao sa iyong palad sa galit, at kumuha ka ng espada at itaga ito ng dalawa o tatlong ulit. Ito ang tanda na marami sa kanila ang mamamatay sa digmaan. 15 Manginginig sila sa takot at maraming mamamatay sa kanila. Ilalagay ko ang espada sa pintuan ng kanilang lungsod para patayin sila. Kumikislap ito na parang kidlat at handang pumatay. 16 O espada, tumaga ka sa kaliwa at sa kanan. Tumaga ka kahit saan ka humarap. 17 Isusuntok ko rin ang aking kamao sa aking palad, nang sa gayoʼy mapawi ang galit ko. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
18 Sinabi sa akin ng Panginoon, 19 “Anak ng tao, gumawa ka ng mapa at iguhit mo ang dalawang daan sa mapa na siyang dadaanan ng hari ng Babilonia na may dalang espada. Ang daang iguguhit mo ay magsisimula sa Babilonia. Maglagay ka ng karatula sa kanto ng dalawang daan para malaman kung saan papunta ang bawat daang ito. 20 Ang isa ay papuntang Rabba, ang kabisera ng Ammon at ang isa naman ay papuntang Jerusalem, ang kabisera ng Juda na napapalibutan ng mga pader. 21 Sapagkat tatayo ang hari ng Babilonia sa kanto ng dalawang daan na naghiwalay at aalamin niya kung aling daan ang dadaanan niya sa pamamagitan ng palabunutan ng mga palaso, pagtatanong sa mga dios-diosan, at pagsusuri sa atay ng hayop na inihandog. 22 Ang mabubunot ng kanyang kamay ay ang palasong may tatak na Jerusalem. Kaya sisigaw siya at mag-uutos na salakayin ang Jerusalem at patayin ang mga mamamayan doon. Maglalagay siya ng malalaking troso na pangwasak ng pintuan ng Jerusalem. Tatambakan nila ng lupa ang tabi ng pader ng lungsod para makaakyat sila sa pader. 23 Hindi makapaniwala ang mga taga-Jerusalem na mangyayari ito sa kanila dahil may kasunduan sila sa Babilonia. Pero ipapaalala ng hari ng Babilonia ang tungkol sa kasalanan nila at pagkatapos ay dadalhin silang bihag.
24 “Kaya ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabi: Ang inyong kasalanan ay nahayag at ipinakita ninyo ang inyong pagiging rebelde at makasalanan. At dahil sa ginagawa ninyong ito, ipapabihag ko kayo.
25 “Ikaw na masama at makasalanang pinuno ng Israel, dumating na rin ang oras ng pagpaparusa sa iyo. 26 Ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Alisin mo ang turban at korona mo dahil ngayon, magbabago na ang lahat. Ang mga hamak ay magiging makapangyarihan at ang mga makapangyarihan ay magiging hamak. 27 Wawasakin ko ang Jerusalem! Hindi ito maitatayong muli hanggang sa dumating ang pinili ko na maging hukom nito. Sa kanya ko ito ipagkakatiwala.
28 “At ikaw anak ng tao, sabihin mo sa mga taga-Ammon na humahamak sa mga taga-Israel na ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito sa kanila: Ang espada ay handa nang pumatay. Pinakintab ko na ito at kumikislap na parang kidlat. 29 Hindi totoo ang pangitain nila tungkol sa espada. Ang totoo, handang-handa na ang espada sa pagputol ng leeg ng mga taong masama. Dumating na ang oras ng pagpaparusa sa kanila. 30 Ibabalik ko kaya ang espada sa lalagyan nito nang hindi ko kayo napaparusahan? Hindi! Parurusahan ko kayo sa sarili ninyong bansa, sa lugar na kung saan kayo ipinanganak. 31 Ibubuhos ko sa inyo ang matindi kong galit at ibibigay ko kayo sa malulupit na mga tao na bihasang pumatay. 32 Magiging panggatong kayo sa apoy, at ang inyong mga dugo ay mabubuhos sa inyong lupa at hindi na kayo maaalala pa. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®