Ezekiel 19
Magandang Balita Biblia
Pamimighati para sa mga Pinuno ng Israel
19 Ihayag mo ang iyong panaghoy para sa mga pinuno ng Israel.
2 Sabihin mo:
Ang iyong ina ay parang isang leon.
Pinalaki niya ang kanyang mga anak,
nakatira siyang kasama ng karamihan sa piling ng mababangis na leon.
3 Isa sa kanyang mga anak ay tinuruan niya;
kaya ito ay natutong manila at manlapa ng tao.
4 Nang mabalitaan ito ng mga bansa sa paligid,
hinuli siya sa patibong, ikinulong at dinala sa Egipto.
5 Naghintay siya nang naghintay hanggang sa mawalan ng pag-asa;
kaya, inaruga ang isa pang anak niya,
na nang lumaki'y naging isang mabangis na leon.
6 Sumama siya sa ibang leong tulad niya
at siya'y natutong manlapa ng tao.
7 Iginuho niya ang mga tanggulan ng kalaban,
at kanyang winasak ang kanilang mga bayan.
Ang buong lupain, lahat ng mamamayan,
ay nangingilabot sa kanyang atungal.
8 At nagkaisa laban sa kanya ang mga bansa sa palibot.
Iniumang nila ang kanilang mga lambat
at siya ay nahulog sa kanilang patibong.
9 Siya ay ikinulong nila't dinala sa hari ng Babilonia;
pinabantayan siyang mabuti.
Mula noon, ang ungal niya'y di na narinig
sa mga bundok ng Israel.
10 Ang iyong ina ay tulad ng baging ng ubas,
itinanim sa tabi ng batis.
Sapagkat sagana sa tubig, kaya ito ay lumago at namunga nang marami.
11 Matitigas ang kanyang mga sanga,
bagay na setro ng hari.
Ito'y tumaas, umabot sa mga ulap.
Namumukod nga sa taas, namamalas ng lahat.
12 Ngunit dahil sa matinding galit, ito ay ibinuwal,
bunga nito ay nalanta sa ihip ng hangin.
Ang puno ay natuyo, sa huli ay sinunog.
13 At ito nga'y itinanim sa disyerto,
sa lupaing tuyung-tuyo, kaunti ma'y walang katas.
14 Ang punong iyon ay nasunog,
bunga't sanga ay natupok,
kaya't wala nang makuhang gagawing setro.
Ito ay isang panaghoy at paulit-ulit na sasambitin.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.