Ezekiel 14
Magandang Balita Biblia
Ang Hatol Laban sa mga Sumasamba sa Diyus-diyosan
14 Minsan, pumunta sa akin ang ilang pinuno ng Israel upang magpasangguni kay Yahweh. 2 Ang sabi naman sa akin ni Yahweh, 3 “Ezekiel, anak ng tao, ang mga ito'y nahumaling na sa diyus-diyosan at naibunsod sa kasamaan. Hindi ko sila tutugunin sa pagsangguni nila sa akin. 4 Sabihin mo na lamang sa kanila na ipinapasabi kong huwag sasangguni sa mga propeta ang sinumang Israelitang sumasamba sa diyus-diyosan na naging dahilan ng patuloy nilang pagkakasala. Kapag sumangguni sila, tuwiran kong ibibigay sa kanila ang sagot na nararapat sa marami nilang diyus-diyosan. 5 Sa pamamagitan ng sagot kong ito, manunumbalik sa akin ang mga Israelitang ito na nahumaling sa pagsamba sa mga diyus-diyosan.
6 “Sabihin mo nga sa bayang Israel na ipinapasabi ko: Magsisi na kayo at tigilan na ninyo ang pagsamba sa mga diyus-diyosan. 7 Sapagkat ako ang tuwirang sasagot sa sinumang Israelita o nakikipamayan sa Israel na sasangguni sa propeta habang siya ay malayo sa akin, at patuloy sa pagsamba sa diyus-diyosan at sa kanyang kasamaan. 8 Itatakwil ko ang ganoong uri ng tao. Gagawin ko siyang usap-usapan ng lahat at babala para sa iba. Sa gayon, hindi na siya mapapabilang sa Israel. Sa gayo'y makikilala ninyong ako si Yahweh.
9 “Kapag ang isang propeta ay naakit magpahayag ng mali, ako ang dumaya sa kanya. Kung magkagayon, paparusahan ko siya at hindi na ibibilang sa aking bayan. 10 Siya at ang sasangguni sa kanya ay paparusahan ko. Kung ano ang ipaparusa ko sa propeta ay siya ko ring ipaparusa sa sinumang sasangguni sa kanya. 11 Gagawin ko ito para hindi na lumayo sa akin ang Israel at hindi na sila magpakasama. Kung magkagayon, sila ay magiging bayan ko at ako naman ang kanilang Diyos.” Ito nga ang sabi ni Yahweh, ng Diyos.
Ang Hatol ng Diyos Laban sa Jerusalem
12 Sinabi sa akin ni Yahweh, 13 “Ezekiel, anak ng tao, kapag ang isang bayan ay hindi naging tapat sa akin, paparusahan ko sila, at babawasan ang kanilang pagkain. Padadalhan ko sila ng taggutom hanggang sa mamatay ang mga tao, pati hayop. 14 Kung magkataong naroon sina Noe, Daniel at Job, sila lamang ang maliligtas dahil sa matuwid nilang pamumuhay.
15 “Kapag pinapasok ko sa isang bansa ang mababangis na hayop, sila'y uubusin ng mga ito. Ang dakong iyon ay magiging pook ng lagim hanggang sa ang lahat ay matatakot magdaan doon dahil sa mababangis na hayop. 16 Isinusumpa kong wala akong ititira isa man sa kanila. Magkataon mang naroon sina Noe, Daniel at Job, sila lamang ang maliligtas, ngunit hindi nila maililigtas isa man sa kanilang mga anak.
17 “Kapag pinadalhan ko ng tabak ang isang bansa, silang lahat ay aking papatayin, pati mga hayop. 18 Kung magkataong naroon sina Noe, Daniel at Job, sila lamang ang maliligtas; wala silang maisasama isa man sa kanilang mga anak. Ako ang buháy na Diyos,” sabi ni Yahweh.
19 “Kapag ang isang bansa ay pinadalhan ko ng salot at ibinuhos ko roon ang aking matinding galit, mamamatay silang lahat, pati mga hayop. 20 Ako ang buháy na Diyos,” sabi ni Yahweh. “Naroon man sina Noe, Daniel at Job, hindi rin nila maililigtas kahit isa sa kanilang mga anak, sila lamang tatlo ang maliligtas pagkat matuwid ang kanilang pamumuhay.”
21 Ipinapasabi(A) nga ni Yahweh, “Ano pa ang maaaring asahan ng Jerusalem kapag nilipol ko ang lahat ng naroon sa pamamagitan ng digmaan, taggutom, mababangis na hayop, at salot na siyang apat na paraan ng aking pagpaparusa? 22 Sakali mang may makaligtas, aalis sila sa Jerusalem. At kung makita mo ang paraan ng kanilang pamumuhay, sasabihin mong angkop lamang ang pagpaparusang ipinataw ko. 23 Mawawala ang panghihinayang mo kapag nakita mo ang masamang paraan ng kanilang pamumuhay, at sasabihin mong may sapat akong dahilan sa gayong pagpaparusa sa kanila.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.