Exodo 6
Magandang Balita Biblia
6 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Makikita mo ngayon kung ano ang gagawin ko sa Faraon. Hindi lamang siya mapipilitang pumayag na kayo'y umalis, ipagtatabuyan pa niya kayo.”
Muling Isinugo si Moises
2 Sinabi(A) ng Diyos kay Moises, “Ako si Yahweh. 3 Nagpakita ako kina Abraham, Isaac at Jacob bilang Makapangyarihang Diyos ngunit hindi ako nagpakilala sa kanila sa pangalang Yahweh. 4 Gumawa ako ng kasunduan sa kanila at nangako akong ibibigay sa kanila ang Canaan, ang lupaing tinirhan nila noon bilang mga dayuhan. 5 Narinig ko ang daing ng bayang Israel na inaalipin ng mga Egipcio, at hindi ko nalilimutan ang ginawa kong kasunduan sa kanilang mga ninuno. 6 Kaya ito ang sabihin mo sa mga Israelita: ‘Ako si Yahweh. Ililigtas ko kayo sa pagpapahirap ng mga Egipcio. Ipadarama ko sa kanila ang bigat ng aking kamay; paparusahan ko sila at kayo'y palalayain ko mula sa pagkaalipin. 7 Ituturing ko kayong aking sariling bayan at ako ang magiging Diyos ninyo. At makikilala ninyong ako si Yahweh, ang inyong Diyos, ang nagligtas sa inyo sa pagpapahirap ng mga Egipcio. 8 Dadalhin ko kayo sa lupaing ipinangako ko kina Abraham, Isaac at Jacob at iyon ay ibibigay ko sa inyo. Ako si Yahweh.’” 9 Sinabi ito ni Moises sa mga Israelita, ngunit ayaw na nilang maniwala dahil sa panghihina ng loob at dahil sa matinding kahirapang kanilang dinaranas.
10 Nang muli silang mag-usap, sinabi ni Yahweh kay Moises, 11 “Pumunta ka sa Faraon, at sabihin mong payagan nang umalis ang mga Israelita.”
12 “Kung ang mga Israelita ay ayaw makinig sa akin, ang Faraon pa kaya? Ako'y hindi mahusay magsalita.” sagot ni Moises.
13 Ngunit sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, “Sabihin ninyo sa mga Israelita at sa Faraon na inatasan ko kayo na ilabas sa Egipto ang mga Israelita.”
Ang Pinagmulang Angkan nina Moises at Aaron
14 Ito ang mga puno ng pinagmulang angkan nina Moises at Aaron: ang kay Ruben na siyang panganay ni Israel ay sina Enoc, Fallu, Hezron at Carmi. 15 Ang kay Simeon ay sina Jemuel, Jamin, Ohad, Jaquin, Zohar at Saul na anak ng isang Cananea. 16 Kay(B) Levi naman ay sina Gershon, Kohat at Merari. Si Levi ay nabuhay nang 137 taon. 17 Ang naging anak naman ni Gershon ay sina Libni at Seimei. 18 Ang kay Kohat naman ay sina Amram, Izar, Hebron at Uziel. Nabuhay si Kohat nang 133 taon. 19 Naging anak ni Merari sina Mahali at Musi. Ito ang mga angkan sa lipi ni Levi.
20 Napangasawa ni Amram si Jocebed na kapatid ng kanyang ama at naging anak nila sina Aaron at Moises. Si Amram ay nabuhay nang 137 taon. 21 Naging anak ni Izar sina Korah, Nefeg at Zicri. 22 Ang mga anak naman ni Uziel ay sina Misael, Elzafan at Sitri.
23 Napangasawa ni Aaron si Elisabet na kapatid ni Naason at anak ni Aminadab. Naging anak nila sina Nadab, Abihu, Eleazar at Itamar. 24 Ang mga anak ni Korah ay sina Asir, Elcana at Abiasaf. Ito ang mga angkan sa lipi ni Korah. 25 Napangasawa ni Eleazar na anak ni Aaron ang isang anak ni Futiel at naging anak nila si Finehas. Ito ang mga puno ng angkan ng mga Levita ayon sa kani-kanilang lipi.
26 Sina Aaron at Moises ang inutusan ni Yahweh na manguna sa Israel upang mailabas sila sa Egipto ayon sa kani-kanilang lipi. 27 Kaya't sinabi nila sa Faraon na palayain ang mga Israelita.
Inutusan sina Moises at Aaron
28 Nang si Moises ay kausapin ni Yahweh sa Egipto, 29 ganito ang sinabi sa kanya: “Ako si Yahweh. Sabihin mo sa Faraon, sa hari ng Egipto, ang lahat ng sinabi ko sa iyo.”
30 Ngunit sumagot si Moises, “Paano ako papakinggan ng Faraon gayong hindi ako mahusay magsalita?”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.