Exodo 25
Magandang Balita Biblia
Mga Handog para sa Santuwaryo(A)
25 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 2 “Sabihin mo sa mga Israelita na maghandog sila ng kaloob sa akin at tanggapin mo ang mga buong pusong inihandog nila. 3 Ito ang kanilang ihahandog: ginto, pilak, tanso; 4 lanang kulay asul, kulay ube at kulay pula; mga pinong telang lino at hinabing balahibo ng kambing; 5 balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, mainam na balat, at kahoy na akasya; 6 langis para sa ilawan at pabangong panghalo para sa langis na pampahid at para sa insenso. 7 Maghahandog din sila ng mga alahas na kornalina at mga mamahaling alahas na pampalamuti sa efod at sa pektoral ng pinakapunong pari. 8 Ipagpagawa mo ako ng santuwaryo na titirhan kong kasama nila. 9 Ang santuwaryo at ang lahat ng kagamitang ilalagay roon ay gagawin mo ayon sa planong ibibigay ko sa iyo.
Ang Kaban ng Tipan(B)
10 “Gumawa kayo ng isang kaban na yari sa akasya: 1.1 metro ang haba, 0.7 metro ang luwang, at 0.7 metro ang taas. 11 Balutin ninyo ito ng lantay na ginto sa loob at labas, ang mga labi naman ay lagyan ninyo ng muldurang ginto. 12 Gagawa rin kayo ng apat na argolyang ginto na ikakabit sa apat na paa ng kaban, tigalawa sa magkabila. 13 Gumawa rin kayo ng kahoy na pampasan na yari sa akasya, babalutin din ito ng ginto 14 at isuot ninyo ang mga ito sa mga argolya sa magkabilang gilid ng kaban upang maging pasanan nito. 15 Huwag ninyong aalisin sa argolya ang mga pasanan. 16 Ang dalawang tapyas na bato ng kasunduang ibibigay ko sa iyo ay ilalagay mo sa kaban.
17 “Gumawa(C) ka ng Luklukan ng Awa na yari sa purong ginto. Ang haba nito'y 1.1 metro, at 0.7 metro naman ang luwang. 18 Lalagyan mo ng dalawang kerubing ginto ang dalawang dulo nito, 19 tig-isa sa magkabilang dulo. Ihihinang ang mga kerubin upang ito at ang Luklukan ng Awa ay maging iisang piraso. 20 Gawin mong magkaharap ang dalawang kerubin na parehong nakatungo, at nakabuka ang mga pakpak na nilulukuban ang Luklukan ng Awa. 21 Ilalagay mo ito sa ibabaw ng kaban na kinalalagyan ng dalawang tapyas na bato ng kautusang ibibigay ko sa iyo. 22 Doon tayo magtatagpo sa Luklukan ng Awa, sa pagitan ng dalawang kerubin; doon ko ibibigay sa iyo ang kautusan ko sa mga Israelita.
Ang Mesa ng Tinapay na Handog sa Diyos(D)
23 “Gagawa ka rin ng isang mesang yari sa akasya na 0.9 metro ang haba, 0.5 metro ang lapad, at 0.7 metro ang taas. 24 Balutan mo ito ng purong ginto at paligiran mo ng muldurang ginto. 25 Lagyan mo ang gilid nito ng sinepa na singlapad ng isang palad at paligiran din ng muldurang ginto. 26 Gumawa ka ng apat na argolyang ginto at ikabit mo sa apat na sulok, sa may tapat ng paa nito. 27 Ang mga argolyang pagkakabitan ng mga kahoy na pampasan ay malapit sa sinepa. 28 Gumawa rin kayo ng pampasan na yari sa akasya at babalutin din ito ng ginto. 29 Gumawa rin kayo ng mga kagamitang ginto: plato, tasa, banga at mangkok para sa mga handog na inumin. 30 Ang(E) mga tinapay na handog ninyo sa akin ay ilalagay ninyo sa mesa sa harapan ko.
Ang Lalagyan ng Ilaw(F)
31 “Gumawa kayo ng ilawang yari sa purong ginto. Ang patungan at tagdan nito'y yari sa pinitpit na purong ginto. Ang mga palamuti nitong bulaklak, ang buko at mga talulot ay parang iisang piraso. 32 Lalagyan mo ito ng anim na sanga, tatlo sa magkabila. 33 Bawat sanga'y lagyan mo ng tatlong magagandang bulaklak na parang almendra, may usbong at may talulot. 34 Ang tangkay naman ay lagyan mo rin ng apat na bulaklak na tulad ng nasa sanga. 35 Lalagyan mo ng usbong sa ilalim ng mga sanga, isa sa ilalim ng bawat dalawang sanga. 36 Ang mga usbong, mga sanga, at ang tagdan ng ilawan ay gagawin ninyong isang piraso na gawa sa purong ginto. 37 Gagawa kayo ng pitong ilaw para sa mga patungang ito. Iayos ninyo ito upang ang liwanag nito'y nasa harap ng ilawan. 38 Ang pang-ipit ng mitsa at ang patungan ay dalisay na ginto rin. 39 Sa lahat ng ito ay 35 kilong purong ginto ang gagamitin ninyo. 40 Sundin(G) mong mabuti ang planong ipinakita ko sa iyo sa bundok.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.