Exodo 2
Magandang Balita Biblia
Ang Pagliligtas kay Moises
2 May mag-asawang buhat sa lipi ni Levi 2 na(A) nagkaanak ng isang lalaki. Napakaganda ng bata kaya't tatlong buwan itong itinago ng ina. 3 Nang hindi na siya maaaring itago pa, kumuha ang kanyang ina ng isang basket na yari sa tangkay ng tambo at pinahiran ng alkitran upang hindi pasukin ng tubig. Pagkatapos, inilagay niya rito ang sanggol at inilagay sa talahiban sa may pampang ng ilog. 4 Ang kapatid na babae naman ng sanggol ay tumayo sa di kalayuan upang tingnan kung ano ang mangyayari.
5 Maliligo noon sa ilog ang anak na babae ng Faraon. Natanaw niya ang basket kaya't ito'y ipinakuha niya sa isa sa kanyang mga katulong na naglalakad-lakad naman sa tabing ilog. 6 Nang maiabot sa kanya ang basket, inalis niya ang takip nito at nakita ang batang umiiyak. Naawa siya at kanyang nasabi, “Ito'y anak ng isang Hebrea.”
7 Ang kapatid naman ng bata ay lumapit sa prinsesa at kanyang sinabi, “Kung gusto po ninyo, ihahanap ko kayo ng isang Hebreang mag-aalaga sa sanggol na iyan.”
8 “Sige, ihanap mo ako,” sagot ng prinsesa. Umalis ang batang babae at tinawag ang mismong ina ng bata. 9 Nang dumating ito, sinabi ng prinsesa, “Alagaan mo ang sanggol na ito at uupahan kita.” Kinuha ng ina ang sanggol at inalagaan. 10 Nang(B) malaki na ang bata, dinala siya ng kanyang ina sa prinsesa, at siya'y itinuring na anak nito. Sinabi niya, “Iniahon ko siya sa tubig, kaya Moises[a] ang ipapangalan ko sa kanya.”
Tumakas si Moises
11 Nang(C) (D) binata na si Moises, dinalaw niya ang kanyang mga kababayan at nakita niya ang hirap na tinitiis ng mga ito dahil sa mabibigat na gawain. Nakita pa niyang sinasaktan ng isang Egipcio ang isang Hebreo. 12 Tumitingin-tingin siya sa paligid. Nang wala siyang makitang tao, pinatay niya ang Egipcio at tinabunan ito ng buhangin. 13 Nagbalik siya kinabukasan at may nakita siyang dalawang Hebreong nag-aaway. Tinanong niya ang may kasalanan, “Bakit mo sinasaktan ang kapwa mo Hebreo?”
14 “Sino ang nagbigay sa iyo ng kapangyarihang mangasiwa at humatol sa amin? Papatayin mo rin ba ako, tulad ng ginawa mo sa Egipcio?” tanong nito sa kanya. Natakot si Moises nang marinig niya ito at noon niya nabatid na may nakakita pala sa ginawa niya sa Egipcio. 15 Nakarating(E) ang balita kay Faraon kaya ibig niyang ipapatay si Moises, ngunit ito'y nakatakas at nakarating sa Midian.
Pagdating sa Midian, naupo siya sa tabi ng isang balon. 16 Dumating naman ang pitong anak na babae ng pari roon upang sumalok ng tubig at painumin ang kawan ng kanilang ama. 17 Ngunit may dumating na mga pastol at itinaboy sila. Nakita ni Moises ang pangyayari kaya sinaklolohan niya ang mga babae at tinulungang magpainom sa kawan. 18 Maagang nakauwi ang mga babae, kaya tinanong sila ng kanilang amang si Reuel, “Bakit maaga kayo ngayon?”
19 “Mangyari po, ipinagtanggol kami ng isang Egipcio laban sa mga pastol. Isinalok niya kami ng tubig at pagkatapos pinainom pa niya ang kawan,” sagot nila.
20 “Nasaan siya? Bakit di ninyo isinama rito at nang makasalo natin sa pagkain?” tanong ng ama. At ipinatawag nga si Moises.
21 Mula noon, doon na nanirahan si Moises at ipinakasal sa kanya ni Jetro ang anak nitong si Zipora. 22 Dumating ang araw na si Zipora'y nanganak ng isang lalaki. Sabi ni Moises, “Ako'y dayuhan sa lupang ito, kaya tatawagin kong Gersom[b] ang batang ito.”
23 Pagkalipas ng mahabang panahon, namatay ang Faraon ngunit dumaraing pa rin ang mga Israelita sa patuloy na pang-aalipin sa kanila ng mga Egipcio. 24 Narinig(F) ng Diyos ang kanilang daing at naalala niya ang ginawa niyang kasunduan kina Abraham, Isaac at Jacob. 25 Nakita niya ang kalagayan ng mga Israelita at siya'y nahabag sa kanila.
Footnotes
- Exodo 2:10 MOISES: Sa wikang Hebreo, ang mga salitang “Moises” at “Iniahon” ay magkasintunog.
- Exodo 2:22 GERSOM: Sa wikang Hebreo, ang mga salitang “Gersom” at “dayuhan” ay magkasintunog.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.