Ester 9
Magandang Balita Biblia
Ang Tagumpay ng mga Judio
9 Dumating ang ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan ng taon. Ito ang araw ng pagsasagawa ng utos ng hari, ang araw na inaasam-asam ng mga kaaway ng mga Judio, sapagkat inaasahan nilang sa araw na ito nila lilipulin ang mga Judio. Ngunit hindi nila alam na mababaligtad ang pangyayari, sapagkat sila ang lilipulin ng mga Judio. 2 Nang araw na iyon, nagsama-sama ang lahat ng Judio sa buong kaharian[a] upang labanan ang sinumang mananakit sa kanila. Ngunit wala namang nangahas magbuhat ng kamay sa kanila sapagkat natakot sa kanila ang lahat. 3 Tinulungan pa sila ng mga gobernador at ng lahat ng pinuno sa bawat lalawigan dahil naman sa takot kay Mordecai 4 na noon ay isa nang makapangyarihang tao sa kaharian. Bantog na sa buong kaharian ang kanyang pangalan at patuloy pang lumalaki ang kanyang kapangyarihan.
5 Nilipol nga ng mga Judio ang kanilang mga kaaway at ginawa nila ang kanilang gusto sa lahat ng napopoot sa kanila. 6 Sa lunsod lamang ng Susa, limandaan ang kanilang napatay. 7 Kasama sa napatay sina Farsandata, Dalfon, Aspata, 8 Porata, Adalia, Aridata, 9 Parmasta, Arisai, Aridai at Vaizata, 10 pawang mga anak ni Haman na anak ni Hamedata at kaaway ng mga Judio. Ngunit hindi nila sinamsam ang ari-arian ng kanilang mga kaaway.
11 Nang araw ring iyon, umabot sa kaalaman ng hari ang bilang ng napatay sa Lunsod ng Susa. 12 Sinabi ng hari kay Reyna Ester, “Sa Susa lamang, limandaan na ang napatay, kasama na ang sampung anak na lalaki ni Haman. Ano kaya ang nangyari sa ibang lalawigan? Ngayon, sabihin mo sa akin kung ano pa ang gusto mo at ibibigay ko sa iyo.”
13 Sinabi ni Ester, “Kung mamarapatin po ng hari ay pahintulutan ang mga Judio rito sa Susa na ituloy hanggang bukas ang inyong utos. At kung maaari, ipabitin sa bitayan ang bangkay ng mga anak ni Haman!” 14 Iniutos nga ng hari na ibitin ang bangkay ng sampung anak ni Haman. 15 Kinabukasan, muling nagsama-sama ang mga Judio sa Susa at nakapatay pa sila ng tatlong daan. Subalit hindi rin nila sinamsam ang ari-arian ng kanilang mga napatay.
16 Ang mga Judio sa iba't ibang panig ng kaharian ay nagsama-sama rin upang ipagtanggol ang kanilang sarili at lupigin ang kanilang mga kaaway. Umabot sa pitumpu't limanlibo ang kanilang napatay ngunit hindi nila sinamsam ang ari-arian ng mga ito. 17 Ginawa nila ito nang ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan. At nang ikalabing apat na araw, namahinga sila at maghapong nagdiwang. 18 Sa Lunsod ng Susa, dalawang araw na nagtipon ang mga Judio noong ikalabintatlo at ikalabing apat na araw. Ikalabing limang araw nang sila'y tumigil at nagdiwang buong maghapon. 19 Ito ang dahilan kung bakit ang mga Judio sa labas ng Susa ay nagdiriwang nang ikalabing apat na araw ng ikalabindalawang buwan. Maghapon silang nagpista at nagbigayan ng mga pagkain bilang regalo sa isa't isa.
20 Ang mga pangyayaring ito'y isinulat ni Mordecai, at sinulatan niya ang lahat ng Judio malayo man o malapit sa kaharian ni Haring Xerxes. 21 Ipinag-utos niya na ipagdiwang taun-taon ang ikalabing apat at ikalabing limang araw ng ikalabindalawang buwan. 22 Itatangi ito ng mga Judio sapagkat sa mga araw na ito nila nalipol ang kanilang mga kaaway. Sa mga araw na iyon, ang kalungkutan nila'y naging kagalakan at naging pagdiriwang ang kanilang pagdadalamhati. Sa mga araw ding iyon, nagbibigayan ng mga pagkain at namamahagi ng mga regalo sa mga dukha. 23 Sinunod nga ng mga Judio ang utos ni Mordecai.
24 Ang(A) paglipol na ito sa mga kaaway ay ginawa ng mga Judio dahil sa masamang balak na lipulin sila ni Haman na Agagita, anak ni Hamedata, kaaway ng mga Judio. Naitakda ang petsa ng paglipol sa pamamagitan ng palabunutang tinatawag na Pur. 25 Ngunit nabaligtad nga ang lahat nang umabot ito sa kaalaman ni Haring Xerxes sa pamamagitan ni Reyna Ester. Nang malaman ito ng hari, nagpakalat siya ng sulat at iniutos na kay Haman gawin ang masamang balak nito sa mga Judio. Ipinabitay siya ng hari gayundin ang kanyang mga anak na lalaki. 26 Kaya, ang pistang ito'y tinawag nilang Pista ng Purim, buhat sa salitang Pur. At dahil sa utos na ito ni Mordecai at sa pagkaligtas nila sa panganib, 27 ipinasiyang ipagdiwang ang dalawang araw na ito taun-taon. Ito'y gagawin nila, ng kanilang lahi at ng lahat ng mapapabilang sa kanila. 28 Patuloy itong aalalahanin ng lahat ng salinlahi, ng bawat sambahayan sa lahat ng lalawigan at lunsod. Hindi nila ito kaliligtaan, hindi rin ititigil.
29 Upang pagtibayin ang sulat ni Mordecai tungkol sa Purim, sumulat din si Reyna Ester na anak ni Abihail 30 ng liham na naghahatid ng katotohanan at kapayapaan sa 127 lalawigan na sakop ni Haring Xerxes. 31 Ipagdiriwang ng lahat ng Judio ang Purim sa takdang panahon tulad ng ipinag-utos ni Mordecai at ni Reyna Ester. Susundin nila ito tulad ng pagsunod nila at ng kanilang mga salinlahi sa mga tuntunin sa pag-aayuno at pagdadalamhati. 32 Pinagtibay ng sulat ni Ester ang mga tuntunin sa pagdiriwang ng Pista ng Purim at isinulat ito sa isang aklat.
Footnotes
- Ester 9:2 sa buong kaharian: o kaya'y sa bawat lunsod na may mga nakatirang Judio .
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.