Add parallel Print Page Options

Hinirang si Mordecai

Nang araw ding iyon, ang mga ari-arian ni Haman na kaaway ng mga Judio ay ibinigay ni Haring Xerxes kay Reyna Ester. Napabilang rin si Mordecai sa mga kagawad na malapit sa hari sapagkat sinabi ni Ester na magkamag-anak sila. Ang singsing na pantatak ng hari ay kinuha kay Haman at ibinigay kay Mordecai na siyang ginawang katiwala ni Ester sa dating bahay ni Haman.

Ang Bagong Kahilingan ni Ester

Minsan pang lumapit si Ester kay Haring Xerxes at lumuluhang idinulog dito ang utos tungkol sa paglipol sa mga Judio na binalak ni Haman na Agagita. Itinuro ng hari ang kanyang setro kay Ester. Tumayo naman si Ester at kanyang sinabi, “Kung mamarapatin ninyo at makalulugod sa inyo, Kamahalan, nais kong hilingin na inyong ipawalang-bisa ang utos na pinakalat ni Haman na Agagita, anak ni Hamedata, laban sa mga Judio sa inyong kaharian. Hindi ko po makakayanang makita na nililipol at pinapatay ang aking mga kalahi.”

Sinabi ni Haring Xerxes kay Reyna Ester at kay Mordecai na Judio, “Ang ari-arian ni Haman ay ibinigay ko na kay Ester. Ipinabitay ko na si Haman dahil sa masama niyang balak sa mga Judio.” Sinabi rin ng hari sa kanila, “Gumawa ka ng isang utos para sa mga Judio at isulat ninyo rito ang gusto ninyong isulat sa pangalan ko, at tatakan mo ng aking singsing. Sapagkat walang sinumang makapagpapawalang-bisa sa utos ng hari lalo na kung ito'y tinatakan ng singsing ng hari.”

Nang ikadalawampu't tatlong araw ng ikatlong buwan, ipinatawag lahat ang mga kalihim ng hari. Ipinasulat ni Mordecai sa kanila ang isang liham tungkol sa mga Judio upang ipadala sa mga gobernador at mga tagapangasiwa at mga pinuno ng 127 lalawigan, mula sa India hanggang Etiopia.[a] Ang utos ay nakasulat sa wikang ginagamit sa lugar na padadalhan. 10 Ang sulat na ito ay sa pangalan ni Haring Xerxes, at may tatak ng singsing nito. Pagkatapos, ipinadala sa mga tagahatid-sulat, sakay ng mabibilis nilang kabayo mula sa kuwadra ng hari. 11 Sa pamamagitan ng sulat na ito, ipinahihintulot ni Haring Xerxes na magsama-sama ang mga Judio upang ipagtanggol ang kanilang sarili laban sa sinumang sasalakay sa kanila mula sa alinmang lalawigan. Pinahihintulutan din silang patayin, lipulin at samsaman ng ari-arian ang hukbong sasalakay sa kanila, pati ang mga kababaihan at mga bata. 12 Gagawin nila ito sa buong kaharian sa loob ng isang araw, sa ikalabintatlo ng ikalabindalawang buwan ng taon. 13 Bawat lalawigan ay padadalhan ng sipi nito at ipahahayag sa lahat ng tao para makapaghanda ang mga Judio sa araw na yaon laban sa kanilang mga kaaway. 14 Kaya, ang mga tagahatid-sulat ay nagmamadaling lumakad, sakay ng mabibilis na kabayo ng hari at sinunod agad ang utos ng hari. Ang utos ay ikinalat din sa Lunsod ng Susa.

15 Nang lumabas ng palasyo si Mordecai, ipinagbunyi siya ng buong Lunsod ng Susa. Suot niya ang maharlikang kasuotan: puti't asul ang kanyang damit, pinong lino na kulay ube ang balabal, at malaki ang koronang ginto. 16 Ito'y malaking karangalan ng mga Judio. Masayang-masaya sila. 17 Sa lahat ng dakong naabot ng utos ng hari, nagpista sa tuwa ang mga Judio. At sa buong kaharian, marami ang nagsabing sila'y Judio sa takot na sila'y patayin.

Footnotes

  1. Ester 8:9 ETIOPIA: Sa wikang Hebreo ay “Cus”; sakop ng lugar na ito ang mga kasalukuyang bansa ng Etiopia at Sudan.