Ester 5
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Ang Panalangin ni Mordecai[a]
K Dahil(A) dito, nanalangin si Mordecai na inaalaala ang lahat ng mga ginawa ng Panginoon. Sabi niya: 2 “Panginoon, Hari ng sanlibutan, ang lahat ng bagay ay nasa iyong kapangyarihan, at walang makakahadlang sa iyong kalooban kung nais mong iligtas ang Israel. 3 Ikaw ang lumikha ng langit, ng lupa at ng lahat ng narito. 4 Ikaw ang Panginoon ng lahat at walang makakalaban sa iyo. 5 Alam mo po, Panginoon, ang lahat ng bagay. Alam mong hindi kapalaluan ang dahilan ng hindi ko pagyukod kay Haman. 6 Sa katunayan, handa akong humalik sa kanyang mga paa mailigtas lang ang Israel. 7 Ngunit ayaw kong gawin iyon sapagkat hindi ko maaaring pahalagahan ang tao higit sa Diyos. Sa iyo lamang ako naninikluhod, hindi sa sinumang tao. Ang pagyukod ko sa harapan mo ay hindi pagmamataas. 8 Ngayon, Panginoong Diyos at Hari, Diyos ni Abraham, iligtas mo ang iyong bayan. Nais kaming lipulin ng aming mga kaaway, kami na sa mula't mula pa ay iyong bayang hinirang. 9 Iniligtas mo kami noon sa kamay ng mga Egipcio, huwag mo kaming pabayaan ngayon. 10 Dinggin mo ang aking dalangin sapagkat kami ang inyong bayan. Kaawaan mo kami. Ang aming pagtangis ay palitan mo ng kagalakan upang kami'y mabuhay at patuloy na magpuri sa iyo. Huwag mong hayaang mapahamak ang mga labing nagpupuri sa iyo.”
11 Malakas at mataimtim na nanalangin sa Panginoon ang mga Israelita dahil sa nalalapit nilang kapahamakan.
Ang Panalangin ni Ester
12 Labis na nabagabag si Reyna Ester kaya dumulog siya sa Panginoon. 13 Hinubad niya ang kasuotang pangreyna at nagsuot ng damit panluksa. Sa halip na mamahaling pabango, nagbuhos siya ng abo at dumi. Nag-anyong kawawa siya at tinakpan ng gusot niyang buhok ang bawat bahagi ng katawang dati'y inaayos na mabuti. 14 At idinalangin niya sa Panginoong Diyos ng Israel:
“Panginoon ko, tanging ikaw ang Hari namin. Tulungan mo ako sapagkat ako'y nag-iisa at wala na akong ibang malalapitan pa kundi ikaw lamang. 15 Haharap ako sa napakalaking panganib. 16 Mula pa sa aking pagkabata ay narinig ko na sa liping kinabibilangan ng aking angkan na ikaw, Panginoon, ang humirang sa Israel bilang iyong bansa, at ikaw din ang sa panahong iyon ay pumili sa aming mga magulang upang maging iyong bayan magpakailanman. Tinupad mo ang lahat ng iyong ipinangako sa kanila.
17 “At ngayon, sapagkat kami'y nagkasala sa inyo, at ipinahintulot mong kami'y mapasakamay ng aming mga kaaway, 18 sapagkat kami'y sumamba sa kanilang mga diyus-diyosan. Marapat lamang na kami'y inyong parusahan, Panginoon. 19 Subalit ngayo'y hindi pa sila nasisiyahan na kami'y gawing mga alipin. Namanata pa sila sa kanilang mga diyus-diyosan 20 na kanilang lilipulin ang mga taong nagpupuri sa iyo, at wawakasan ang kaluwalhatian ng iyong templo at dambana. 21 Nais nilang ang lahat ng bansang nasasakop nila ay magpuri sa kanilang mga walang kabuluhang diyus-diyosan, at sumamba sa kanilang hari na isa rin namang taong may kamatayan.
22 “Panginoon, huwag mong pabayaan na ang iyong kapangyarihan ay hamakin ng mga dinidiyos nilang ito. Huwag mong pabayaan na kami'y hamakin ng aming mga kaaway sa aming kasawian. Hayaan mong sa kanila maganap ang mga masamang balak nilang ito. At una mong gawin ito sa taong nagbalak ng aming kapahamakan, bilang halimbawa ng inyong pagpaparusa.
23 “Alalahanin mo kami, Panginoon. Ipadama mo sa amin ang iyong paglingap sa sandaling ito ng kagipitan. Bigyan mo ako ng lakas ng loob, Hari ng lahat ng mga dinidiyos at Pinuno ng lahat ng kapangyarihan sa lupa. 24 Bigyan(B) mo ako ng kakayahang magsalita sa harap ng leon na si Xerxes, upang maakit ang kanyang puso na mamuhi sa taong kumakalaban sa amin at sa gayo'y mapahamak siya kasama ng mga nakikipagsabwatan sa kanya. 25 Iligtas mo kami, Panginoon. Tulungan mo ako sapagkat ako'y nag-iisa at walang ibang malalapitan kundi ikaw lamang.
26 “Ganap mong nababatid ang lahat, Panginoon. Alam ninyong kinasusuklaman ko ang karangalang ipinagkakaloob sa akin ng mga Hentil na ito. Kailanma'y hindi ko ninais makipagtalik sa mga hindi tuling Hentil na ito. 27 Subalit alam rin ninyo na wala akong magawâ. Kinasusuklaman ko ang pagharap sa mga tao na suot ang koronang ito. Hangga't maaari'y ayaw ko itong isuot. Kinasusuklaman ko ito at pinandidirihan na parang basahang ginamit ng nirereglang babae. 28 Ako(C) na iyong lingkod ay hindi kailanman kumain sa hapag ni Haman, hindi ko pinaunlakan ang mga paanyayang dumalo sa handaan ng hari, at hindi rin ako uminom ng alak na inatang sa kanilang mga diyus-diyosan. 29 Mula pa noong ako'y dalhin dito hanggang ngayon, tanging ang pagsamba lamang sa iyo ang nagbibigay kaaliwan at kaligayahan sa akin, Panginoong Diyos ni Abraham. 30 “O Diyos, halos mawalan na kami ng pag-asa subalit ikaw ay makapangyarihan. Dinggin mo ang aming panalangin at iligtas mo kami sa kamay ng aming mga kaaway. At alisin mo po ang aking takot.”
Dumulog si Ester sa Hari[b]
D Tatlong araw na nanalangin si Reyna Ester. Pagkatapos, hinubad niya ang kanyang kasuotang ginamit sa pagdadalamhati at nagbihis muli ng kanyang magarang damit. 2 Matapos na siya'y mabihisan ng marilag na kasuotan, siya'y nanalangin sa Diyos na Tagapagligtas at nakababatid ng lahat. Pagkatapos, isinama niya ang kanyang dalawang lingkod na babae. 3 Lumakad siyang akay ng isang lingkod, 4 habang ang isa nama'y sumusunod na hawak-hawak ang laylayan ng kanyang napakahabang damit. 5 Si Ester ay talagang napakaganda, marikit at kahali-halina. Subalit sa kabila ng ganitong panlabas na anyo, ang kalooban ni Ester ay binabagabag ng matinding takot at pangamba. 6 Nakalampas siya sa lahat ng pintuan ng palasyo, at sumapit sa harap ng hari. Nakaupo ito sa kanyang maharlikang luklukan at ang kanyang kasuotan ay kumikinang sa ginto at mamahaling hiyas. Kahanga-hanga ang buo niyang anyo. 7 Ngunit nang makita niya si Reyna Ester, ang maaliwalas niyang mukha ay biglang nagdilim sa galit. Nalito ang reyna, namutla, at hinimatay. Napasandal siya sa balikat ng kanyang lingkod. 8 Subalit ang pagkagalit ng hari ay pinalitan ng Diyos ng pagkahabag at pag-aalala. Dali-dali siyang tumindig sa pagkakaupo sa trono at binuhat ang reyna hanggang sa ito'y muling magkamalay. Pinayapa at pinalakas ng hari ang loob ng reyna. 9 Sinabi ng hari, “Ano ba ang iyong kailangan, Ester? Huwag kang matakot, ako ang iyong asawa. 10 Hindi ka mamamatay. Ang batas na nagbabawal lumapit sa hari ay para lamang sa mga taong-bayan. 11 Lumapit ka.” 12 Itinaas ng hari ang kanyang gintong setro at inilapat ito sa leeg ni Ester. Niyakap at hinagkan siya ng hari at pagkatapos ay sinabi, “Sabihin mo sa akin ang gusto mo.”
13 Sumagot naman si Ester, “Sa pagtingin ko po sa inyo, mahal kong panginoon, para bang kayo'y isang anghel ng Diyos. Nagulat po ako at labis na natakot sa inyong kaningningan. 14 Walang kapantay ang inyong kamahalan, mahal kong panginoon, at ang inyong mukha ay puspos ng pambihirang karilagan.”
15 Subalit samantalang siya'y nagsasalita, muli siyang hinimatay. 16 Alalang-alala ang hari, gayon din ang lahat niyang mga tagapaglingkod. Sinikap nilang gumawa ng paraan upang mahimasmasan si Ester.
Ang Piging para sa Hari at kay Haman[c]
5 3 Itinanong(D) ng hari, “Bakit, aking reyna? Sabihin mo kung ano ang ibig mo at ibibigay ko sa iyo, kahit ang kalahati ng aking kaharian.”
4 Sumagot si Ester, “Ang araw na ito ay natatanging araw para sa akin. Kung mamarapatin ng mahal na hari, dumalo kayo ni Haman mamayang gabi sa piging na inihanda ko para sa inyo.”
5 Sinabi ng hari, “Tawagin agad si Haman para masunod ang ibig ni Ester.” Dumalo nga ang hari at si Haman sa handaan ni Ester. 6 Habang sila'y nag-iinuman, tinanong ng hari si Ester, “Ano ba ang gusto mo? Sabihin mo't ibibigay kong lahat, kahit ang kalahati ng aking kaharian.”
7 Sinabi ni Ester, “Ito po ang aking kahilingan: 8 Kung ako po'y kalugud-lugod sa hari, at kung inyong mamarapatin, dumalo muli kayo ni Haman sa handaan bukas. Doon ko na po sasabihin ang aking kahilingan.”
Nagpagawa si Haman ng Pagbibitayan
9 Masayang-masaya si Haman nang umalis siya sa palasyo. Subalit nang makita niya si Mordecai na noo'y nasa pasukan ng palasyo, sumiklab muli ang kanyang galit. 10 Gayunman, nagtimpi na lamang siya at tuluy-tuloy na umuwi. Pagdating ng bahay, tinawag niya ang kanyang asawang si Zeres at ang kanyang mga kaibigan. 11 Ipinagmalaki niya sa mga ito ang kanyang kayamanan, ang marami niyang anak, ang pagkataas niya sa katungkulan, pati ang pagkakatalaga sa kanya bilang punong ministro. 12 Idinugtong pa niya, “At ako lamang ang inanyayahan ni Reyna Ester na sumama sa hari nang maghanda siya ng piging. Bukas, iniimbita na naman niya ako, kasama ang hari. 13 Gayunman, walang halaga sa akin ang lahat ng ito hangga't nakikita ko ang Judiong si Mordecai na nasa pasukan ng palasyo.”
14 Sinabi sa kanya ng asawa niya't mga kaibigan, “Bakit hindi ka magpagawa ng bitayan na pitumpu't limang talampakan ang taas sa may pintuan ng palasyo, at hilingin mo sa hari na bitayin si Mordecai? Bukas ay malaya kang makakapunta sa handaan.” Nagustuhan ito ni Haman, kaya nagpagawa nga siya ng bitayan.
Footnotes
- K:1-30 Ang Panalangin ni Mordecai: Sa ilang saling Tagalog, ito'y Kabanata 13:8–14:19.
- D:1-15 Dumulog si Ester sa Hari: Sa ilang saling Tagalog, ito'y Kabanata 15:1-16.
- 3-7 Ang Piging Para sa Hari at kay Haman: Ang kabuuan ng kabanata D ang siyang tumatayo para sa mga talatang 1 at 2 ng kabanatang ito.