Ester 5
Magandang Balita Biblia
Ang Piging para sa Hari at kay Haman
5 Lumipas ang tatlong araw mula nang mag-usap sina Ester at Mordecai. Isinuot ni Ester ang kanyang kasuotan bilang reyna at tumayo sa bulwagan ng palasyo, sa tapat ng tirahan ng hari. Nakaupo noon sa trono ang hari, paharap sa pintuan ng palasyo. 2 Nalugod siya nang makita si Ester at itinuro niya rito ang kanyang gintong setro. Lumapit naman si Ester at hinipo ang dulo ng setro. 3 Itinanong ng hari, “Bakit, aking reyna? Sabihin mo kung ano ang ibig mo at ibibigay ko sa iyo, kahit ang kalahati ng aking kaharian.”
4 Sumagot si Ester, “Kung mamarapatin ng mahal na hari, dumalo po kayo ni Haman ngayon sa piging na inihanda ko para sa inyo.”
5 Sinabi ng hari, “Tawagin agad si Haman para masunod ang ibig ni Ester.” Dumalo nga ang hari at si Haman sa piging na inihanda ni Ester. 6 Habang sila'y nag-iinuman, tinanong ng hari si Ester, “Ano ba ang gusto mo? Sabihin mo't ibibigay kong lahat, kahit ang kalahati ng aking kaharian.”
7 Sinabi ni Ester, “Ito po ang aking kahilingan: 8 Kung ako po'y kalugud-lugod sa hari, at kung inyong mamarapatin, dumalo muli kayo ni Haman sa piging na ihahanda ko para sa inyo bukas. Doon ko na po sasabihin ang aking kahilingan.”
Nagpagawa si Haman ng Pagbibitayan
9 Nang araw na iyon, masayang-masayang lumabas ng palasyo si Haman. Ngunit sumiklab na naman ang kanyang galit nang mapatapat siya kay Mordecai na nasa may pintuang papasok sa palasyo. Ni hindi man lamang ito tumayo o nagbigay-galang sa kanya. 10 Gayunman, nagtimpi na lamang siya at tuluy-tuloy na umuwi. Pagdating ng bahay, tinawag niya ang kanyang asawang si Zeres at ang kanyang mga kaibigan. 11 Ipinagmalaki niya sa mga ito ang kanyang kayamanan, ang marami niyang anak, ang pagkataas niya sa katungkulan, pati ang pagkalagay sa kanya bilang pinakamataas sa mga pinuno at kagawad sa palasyo. 12 Idinugtong pa niya, “At ako lamang ang inanyayahan ni Reyna Ester na sumama sa hari nang maghanda siya ng handaan. Bukas, iniimbita na naman niya ako, kasama ang hari. 13 Gayunman, walang halaga sa akin ang lahat ng ito hangga't nakikita kong nakaupo sa pasukan ng palasyo ang Judiong si Mordecai.”
14 Sinabi sa kanya ng asawa niyang si Zeres at ng kanyang mga kaibigan, “Bakit hindi ka magpagawa ng bitayan na dalawampu't dalawa't kalahating metro ang taas sa may pintuan ng palasyo at bukas ng umaga hilingin mo sa hari na bitayin si Mordecai? Sa gayon, masaya kang makakapunta sa handaan.” Nagustuhan ito ni Haman, kaya nagpagawa siya ng bitayan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.