Efeso 5
Ang Salita ng Diyos
5 Kaya nga, tularan ninyo ang Diyos bilang mga minamahal na mga anak. 2 Mamuhay kayo sa pag-ibig tulad din ng pag-ibig ni Cristo sa atin. Ipinagkaloob niya ang kaniyang sarili para sa atin na isang handog at haing mabangong samyo sa Diyos.
3 Huwag man lang mabanggit sa inyo ang pakikiapid at lahat ng karumihan o kasakiman. Nararapat na huwag itong mabanggit sa mga banal. 4 Ang mahalay at walang kabuluhan o malaswang pananalita ay hindi nararapat sa inyo. Sa halip, kayo ay maging mapagpasalamat. 5 Ito ay sapagkat nalalaman ninyo na ang nakikiapid, o maruming tao o sakim na sumasamba sa mga diyos-diyosan ay walang mamanahin sa paghahari ni Cristo at ng Diyos. 6 Huwag ninyong hayaang dayain kayo ng sinuman sa pamamagitan ng mga walang kabuluhang salita sapagkat sa mga bagay na ito ang poot ng Diyos ay dumarating sa mga anak na masuwayin. 7 Huwag nga kayong maging kabahaging kasama nila.
8 Ito ay sapagkat dati kayong mga nasa kadiliman ngunit ngayon ay kaliwanagan sa Panginoon. Mamuhay kayo bilang mga anak ng liwanag. 9 Ito ay sapagkat ang bunga ng Espiritu ay pawang kabutihan at katuwiran at katotohanan. 10 Patunayan ninyo kung ano ang lubos na nakakalugod sa Panginoon. 11 At huwag kayong magkaroon ng pakikipag-isa sa mga gawa ng kadiliman na hindi nagbubunga, sa halip ay inyong sawayin ang mga ito. 12 Ito ay sapagkat nakakahiyang banggitin ang mga bagay na ginagawa nila sa lihim. 13 Ngunit nalalantad ang lahat ng mga bagay na sinasaway ng liwanag sapagkat ang liwanag ang naglalantad ng lahat ng mga bagay. 14 Dahil dito, sinabi niya:
Gumising kayo na natutulog at bumangon mula sa mga patay. At sa inyo si Cristo ay magliliwanag.
15 Magsikap kayong mamuhay nang may buong pag-iingat, hindi tulad nghangal kundi tulad ng mga pantas. 16 Samantalahin ninyo ang panahon dahil ang mga araw ay masama. 17 Kaya nga, huwag kayong maging mga mangmang, subalit unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon. 18 Huwag kayong malasing sa alak na naroroon ang kawalan ng pagpipigil sa sarili, sa halip ay mapuspos kayo ng Espiritu. 19 Mag-usap kayo sa isa’t isa sa mga awit at mga himno at mga espirituwal na awit. Umawit at magpuri kayo sa Panginoon sa inyong puso. 20 Sa lahat ng mga bagay ay magpasalamat kayong lagi sa Diyos at Amasa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo.
21 Ipasakop ninyo ang inyong mga sarili sa isa’t isa sa pagkatakot sa Diyos.
Mga Asawang Babae at Mga Asawang Lalaki
22 Mga asawang babae, magpasakop kayo sa inyo-inyong asawa gaya ng pagpapasakop ninyo sa Panginoon.
23 Ito ay sapagkat ang asawang lalaki ay siyang ulo ng asawang babae, tulad ni Cristo na ulo ng iglesiya at tagapagligtas ng katawan. 24 Kung papaanong ang iglesiya ay nagpasakop kay Cristo, gayundin ang mga asawang babae ay magpasakop sa sarili nilang mga asawa sa lahat ng mga bagay.
25 Mga asawang lalaki, ibigin ninyo ang inyong asawa tulad ng pagmamahal ni Cristo sa iglesiya at ipinagkaloob niya ang kaniyang sarili para dito. 26 Ito ay upang kaniyang gawing banal ang iglesiya sa pamamagitan ng paghuhugas ng tubig sa salita. Ipinagkaloob niya ang kaniyang sarili upang gawing banal ang iglesiya. 27 Ito ay upang maiharap niya ang iglesiya sa kaniyang sarili na isang marilag na iglesiya, walang batik o kulubot o anumang mga gayong bagay, sa halip, ang iglesiya ay maging banal at walang kapintasan. 28 Dapat ibigin ng mga asawang lalaki ang kanilang mga asawa tulad ng pag-ibig nila sa kanilang sariling katawan. Siya na nagmamahal sakaniyang asawa ay nagmamahal sa kaniyang sarili. 29 Ito ay sapagkat wala pang sinumang namuhi sa kaniyang sariling katawan kundi inaalagaan ito at minamahal tulad ng ginagawa ng Panginoon sa iglesiya. 30 Ito ay dahil tayo ay bahagi ng kaniyang katawan, ng kaniyang laman at ng kaniyang mga buto.
31 Dahil dito, iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ina at makikipag-isa sa kaniyang asawa at ang dalawa ay magiging isang laman.
32 Ito ay isang dakilang hiwaga, ngunit nagsasalita ako patungkol kay Cristo at sa iglesiya. 33 Gayunman, ang bawat isa sa inyo ay magmahal sa kaniyang asawang babae tulad sa kaniyang sarili. Ang asawang babae ay magpitagan sa kaniyang asawa.
Copyright © 1998 by Bibles International