A A A A A
Bible Book List

Deuteronomio 26Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

26 At mangyayari, pagka nakapasok ka sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios na pinakamana, at iyong inaari, at iyong tinatahanan;

Na iyong kukunin ang mga una sa lahat ng bunga ng lupain, na iyong mga pipitasin sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios: at iyong isisilid sa isang buslo, at ikaw ay paroroon sa dakong pipiliin ng Panginoon mong Dios, na patatahanan sa kaniyang pangalan:

At paroroon ka sa saserdote sa mga araw na yaon, at sasabihin mo sa kaniya, Aking ipinahahayag sa araw na ito sa Panginoon mong Dios, na ako'y nasok sa lupain na isinumpa ng Panginoon sa aming mga magulang, upang ibigay sa amin.

At kukunin ng saserdote ang buslo sa iyong kamay at ilalagay sa harap ng dambana ng Panginoon mong Dios.

At ikaw ay sasagot, at magsasabi sa harap ng Panginoon mong Dios, Isang taga Siria na kamunti nang mamatay ang aking ama; siyang bumaba sa Egipto, at nakipamayan doon, na kaunti sa bilang; at doo'y naging isang bansang malaki, makapangyarihan, at makapal:

At kami ay tinampalasan ng mga taga Egipto, at pinighati kami at inatangan kami ng isang mabigat na pagkaalipin:

At kami ay dumaing sa Panginoon, sa Dios ng aming mga magulang at dininig ng Panginoon ang aming tinig, at nakita ang aming kadalamhatian, at ang aming gawa, at ang aming kapighatian;

At inilabas kami ng Panginoon sa Egipto ng kamay na makapangyarihan, at ng unat na bisig, at ng malaking kakilabutan, at ng mga tanda, at ng mga kababalaghan:

At kaniyang dinala kami sa lupaing ito, at ibinigay sa amin ang lupaing binubukalan ng gatas at pulot.

10 At ngayon, narito, aking dala ang mga una sa bunga ng lupa, na ibinigay mo sa akin, Oh Panginoon. At iyong ilalapag sa harap ng Panginoon mong Dios, at sasamba ka sa harap ng Panginoon mong Dios:

11 At magagalak ka sa lahat ng magaling na ibinigay sa iyo ng Panginoon mong Dios, at sa iyong sangbahayan, ikaw, at ang Levita, at ang taga ibang lupa na nasa gitna mo.

12 Pagkatapos mo ng pagbibigay ng buong ikasangpung bahagi ng iyong pakinabang sa ikatlong taon, na siyang taon ng pagbibigay ng ikasangpung bahagi, ay magbibigay ka nga rin sa Levita, sa taga ibang lupa, sa ulila, at sa babaing bao, upang sila'y makakain sa loob ng iyong mga pintuang-daan, at mabusog;

13 At iyong sasabihin sa harap ng Panginoon mong Dios, Aking inalis ang mga pinapaging banal na bagay sa aking bahay, at akin ding ibinigay sa Levita, at sa taga ibang lupa, sa ulila at sa babaing bao, ayon sa iyong madlang utos na iyong iniutos sa akin: hindi ko sinalangsang ang anoman sa iyong mga utos, ni kinalimutan ko:

14 Hindi ko kinain sa aking pagluluksa, ni inilabas ko nang ako'y marumi, ni ibinigay ko upang gamitin sa patay: aking dininig ang tinig ng Panginoon kong Dios; aking ginawa ayon sa buong iniutos mo sa akin.

15 Tumungo ka mula sa iyong banal na tahanan, mula sa langit, at pagpalain mo ang iyong bayang Israel, at ang lupa na iyong ibinigay sa amin, gaya ng iyong isinumpa sa aming mga magulang, na isang lupang binubukalan ng gatas at pulot.

16 Sa araw na ito ay iniuutos sa iyo ng Panginoon mong Dios, na tuparin mo ang mga palatuntunan at mga hatol na ito: iyo ngang gaganapin at tutuparin ng iyong buong puso, at ng iyong buong kaluluwa.

17 Iyong ipinahayag sa araw na ito na ang Panginoo'y iyong Dios, at ikaw ay lalakad sa kaniyang mga daan, at iyong gaganapin ang kaniyang mga palatuntunan, at ang kaniyang mga utos, at ang kaniyang mga hatol, at iyong didinggin ang kaniyang tinig:

18 At inihayag ka ng Panginoon sa araw na ito, na maging isang bayan sa kaniyang sariling pag-aari, gaya ng ipinangako niya sa iyo, upang iyong ganapin ang lahat ng kaniyang utos;

19 At upang itaas ka sa lahat ng bansa na kaniyang nilikha, sa ikapupuri, at sa ikababantog, at sa ikararangal; at upang ikaw ay maging isang banal na bayan sa Panginoon mong Dios, gaya ng kaniyang sinabi.

  Back

1 of 1

You'll get this book and many others when you join Bible Gateway Plus. Learn more

Viewing of
Cross references
Footnotes