Deuteronomio 32
Magandang Balita Biblia
32 “Pakinggan mo, langit, ang aking sasabihin,
unawain mo, lupa, ang aking bibigkasin.
2 Pumatak nawang gaya ng ulan ang aking ituturo,
ang salita ko nawa'y tulad ng hamog na namumuo;
upang halama'y diligan at damo'y tumubo.
3 Sapagkat si Yahweh ay aking pupurihin,
ang kanyang pangalan ay inyong dakilain.
4 “Si Yahweh ang inyong batong tanggulan,
mga gawa niya'y walang kapintasan,
mga pasya niya'y pawang makatarungan;
siya'y Diyos na tapat at makatuwiran.
5 Datapwat ang Israel sa kanya ay nagtaksil,
di na karapat-dapat na mga anak ang turing,
dahil sa pagkakasala nila at ugaling suwail.
6 O mga mangmang at hangal na tao,
ganyan ba susuklian ang kabutihan sa inyo ni Yahweh na inyong ama at sa inyo'y lumikha,
at nagtaguyod na kayo'y maging isang bansa?
7 “Alalahanin ninyo ang mga lumipas na panahon, ang mga salinlahi ng mga nagdaang taon;
tanungin ninyo ang inyong ama at kanilang sasabihin,
pati ang matatanda at kanilang sasaysayin.
8 Nang(A) ipamahagi ng Kataas-taasang Diyos ang ipapamanang lupain,
nang ang mga bansa'y kanyang hati-hatiin,
mga hangganan nito'y kanyang itinakda ayon sa dami ng mga anak niya.
9 Pagkat ang lahi ni Jacob ay kanyang pinili,
sila ang kanyang tagapagmanang lahi.
10 “Sa isang disyerto sila'y kanyang natagpuan,
sa isang lupang tigang at walang naninirahan.
Doon sila'y kanyang pinatnubayan,
binantayan at doo'y inalagaan.
11 Isang inahing agila, ang kanyang katulad,
sila'y mga inakay na tinuruan niyang lumipad;
upang ang Israel ay hindi bumagsak,
sinasalo niya ng malalapad niyang pakpak.
12 Si Yahweh lamang ang sa kanila'y pumatnubay,
walang diyos na banyaga ang sa kanila'y dumamay.
13 “Kanyang pinagtagumpay sila sa kaburulan,
sila'y kumain ng mga ani sa kabukiran.
Nakakuha sila ng pulot sa mga batuhan,
nakahukay rin ng langis sa lupang tigang.
14 Kanilang mga baka't kambing ay sagana sa gatas;
pinakamainam ang kanilang kawan, trigo, at katas ng ubas.
15 “Si Jacob na irog, tumaba't lumaki—katawa'y bumilog;
ang Diyos na lumalang kanyang tinalikuran,
at itinakwil ang batong tanggulan ng kanyang kaligtasan.
16 Pinanibugho nila si Yahweh dahil sa mga diyus-diyosan.
Poot niya'y pinag-alab sa pagsambang kasuklam-suklam.
17 Naghain(B) sila ng handog sa mga demonyo,
sa mga diyus-diyosang hindi nila alam kung ano;
ngayon lamang dumating mga diyos na bago,
na hindi sinamba ng kanilang mga lolo.
18 Iniwan ninyo ang batong tanggulan na sa inyo'y nagdalang-tao,
kinalimutan ninyo ang Diyos na tunay na sa inyo ay nagbigay-buhay.
19 “Nang makita ni Yahweh ang ginawa nilang ito, napuspos siya ng galit,
poot niya'y nag-alimpuyo laban sa mga anak na inari niyang totoo.
20 ‘Kaya't ako'y lalayo,’ ang sabi niya,
‘Kanilang mga dalangin di na diringgin pa,
tingnan ko lang ang kanilang sasapitin—
isang lahing suwail, mga anak na taksil.
21 Pinanibugho(C) nila ako sa mga diyos na hindi totoo,
sa pagsamba sa kanila'y ginalit nila ako,
kaya't bayang hangal kahit hindi akin ay siyang gagamitin,
upang aking bayan galitin at panibughuin.
22 Galit ko'y bubuga ng nag-aalab na poot,
maglalagablab hanggang sa kalaliman ng daigdig ng mga patay.
Lupa't bunga nito apoy ang tutupok,
sa mga saligan ng bundok siya ang susunog.’
23 “‘Tatambakan ko sila ng labis na paghihirap,
pauulanan ko sila ng aking mga sibat.
24 Padadalhan ko sila ng nakakalunos na salot,
matinding lagnat at gutom ang aking idudulot.
Mababangis na hayop aking pasasalakayin,
makamandag na ahas sila'y tutuklawin.
25 Sa mga lansanga'y magkakaroon ng mga patayan,
sindak at takot naman sa mga tahanan;
binata't dalaga'y kapwa pupuksain,
maging pasusuhing sanggol at matatandang ubanin.
26 Naisip ko na sana'y sila ang lipulin,
sa alaala ng madla sila ay pawiin.
27 Subalit ayaw kong mangyari na ang mga kaaway ay pahambog na magsabi:
Kami ang lumupig sa kanila,
ngunit akong si Yahweh ang talagang sa kanila'y nagparusa.’
28 “Sila'y isang bansang salat sa katuwiran,
isang bayang wala ni pang-unawa man.
29 Kung sila'y matalino, naunawaan sana nila nangyaring pagkatalo.
Kung bakit sila nagapi, sasabihin nila ito:
30 Paano matutugis ng isa ang sanlibo?
O ang sampung libo ng dalawa katao?
Sila'y pinabayaan ng kanilang batong tanggulan
na sa kanila'y nagtakwil at nang-iwan.
31 Tunay ngang tanggulan nila'y hindi tulad ng sa atin;
maging ating mga kaaway ito rin ang sasabihin.
32 Sila ay sanga ng ubasan ng Sodoma, mga nagmula sa taniman ng Gomorra;
mga ubas nila'y tunay na lason at mapakla.
33 Ang alak na dito'y kinakatas,
ay gaya ng mabagsik na kamandag ng ahas.
34 “Hindi ba't iniingatan ko ito sa aking kaban,
natatakpang mahigpit sa aking taguan?
35 Akin(D) ang paghihiganti, ako ang magpaparusa;
kanilang pagbagsak ay nalalapit na.
Araw ng kapahamakan sa kanila'y darating,
lubos na pagkawasak ay malapit ng sapitin.
36 Bibigyan(E) ng katarungan ni Yahweh ang kanyang bayan,
mga lingkod niyang hirang kanyang kahahabagan.
Kapag nakita niyang sila'y nanghihina,
at lakas nila'y unti-unting nawawala.
37 Pagkatapos itatanong ng Diyos sa kanyang bayan,
‘Nasaan ngayon ang inyong mga diyos,
tanggulang inyong pinagkatiwalaan?
38 Sinong umubos sa taba ng inyong handog,
at sino ang uminom ng alak ninyong kaloob?
Bakit hindi ninyo sila tawagin at tulong ay hingin?
Hindi ba nila kayo kayang sagipin?
39 “‘Alamin ninyong ako ang Diyos—Oo, ako lamang.
Maliban sa akin ay wala nang iba pa.
Ako'y pumapatay at nagbibigay-buhay,
ako'y sumusugat at nagpapagaling din naman.
Wala nang makakapigil, anuman ang aking gawin.
40 Isinusumpa ko ito sa harap ng kalangitan, habang ako'y nabubuhay,
Diyos na walang hanggan.
41 Hahasain ko ang aking tabak na makinang
upang igawad ang aking katarungan.
Mga kaaway ko'y aking paghihigantihan,
at sisingilin ko ang sa aki'y nasusuklam.
42 Sa aking mga palaso dugo nila'y dadanak,
laman nila'y lalamunin nitong aking tabak;
hindi ko igagalang sinumang lumaban,
tiyak na mamamatay bilanggo ma't sugatan!’
43 “Mga(F) bansa, bayan ni Yahweh'y inyong papurihan,
mga pumapatay sa kanila'y kanyang pinaparusahan.
Ang kanilang mga kaaway kanyang ginagantihan,
at pinapatawad ang kasalanan ng kanyang bayan.”[a]
44 Ito nga ang inawit nina Moises at Josue sa harapan ng mga Israelita. 45 Pagkatapos bigkasin ni Moises ang lahat ng ito sa harap ng buong bayan ng Israel, 46 sinabi niya, “Itanim ninyo sa isip ang mga salitang narinig ninyo sa akin ngayon. Ituro ninyo sa inyong mga anak, upang masunod nilang mabuti ang buong kautusan. 47 Mahalaga ang mga salitang ito sapagkat dito nakasalalay ang inyong buhay. Kung susundin ninyong mabuti, mabubuhay kayo nang matagal sa lupaing sasakupin ninyo sa kabila ng Jordan.”
Ipinatanaw kay Moises ang Canaan
48 Nang(G) araw ring iyon, sinabi ni Yahweh kay Moises, 49 “Umakyat ka sa Abarim, sa Bundok ng Nebo na sakop ng Moab, sa tapat ng Jerico, at tanawin mo ang Canaan, ang lupaing ibibigay ko sa mga Israelita. 50 Doon ka mamamatay sa bundok na iyon tulad ng nangyari kay Aaron sa Bundok ng Hor, 51 sapagkat sinuway ninyo ako sa harapan ng bayang Israel noong sila'y nasa tabi ng tubig sa Meriba-kades sa ilang ng Zin. Hindi ninyo pinakita sa mga Israelita na ako ay banal. 52 Matatanaw mo ang lupaing ibibigay ko sa bayang Israel ngunit hindi mo ito mararating.”
Footnotes
- Deuteronomio 32:43 o “Magpuri kayong kasama niya, O kalangitan, luwalhatiin ninyo siya, mga anghel ng Diyos; ipaghihiganti niya ang kanyang mga lingkod, at dadalisayin ang lupain ng kanyang bayan.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.