Deuteronomio 24
Magandang Balita Biblia
Tungkol sa Paghihiwalay at Pag-aasawang Muli
24 “Kung(A) mag-asawa ang isang lalaki ngunit dumating ang panahon na ayaw na niya sa babae dahil may natuklasan siya ritong hindi kaaya-aya, at gumawa siya ng kasulatan ng paghihiwalay, ibinigay ito sa babae, at pinalayas ito sa kanyang pamamahay; 2 kung ang babaing hiniwalayan ay mag-asawa sa iba 3 at hiniwalayang muli matapos bigyan ng kasulatan ng paghihiwalay (o kaya'y namatay ang ikalawang asawa), at paalisin rin ito sa kanyang pamamahay, 4 ang babae ay hindi na maaaring pakasalan pa ng kanyang unang asawa; ang babae ay ituturing nang marumi. Magiging kasuklam-suklam kay Yahweh kung papakisamahan pa nito ang babae. Hindi ninyo dapat dungisan ang lupaing ibibigay niya sa inyo.
Iba't Ibang Tuntunin
5 “Ang lalaking bagong kasal ay hindi maaaring maglingkod sa hukbo o anumang gawaing-bayan sa loob ng isang taon; hahayaan muna siyang lumigaya sa piling ng kanyang asawa.
6 “Huwag ninyong kukuning sangla ang gilingan na ginagamit ng isang tao para sa kanyang pagkain, sapagkat para na rin ninyong kinuha ang kanyang ikinabubuhay.
7 “Sinumang(B) dumukot sa kapwa niya Israelita, upang alipinin o ipagbili ay dapat patayin. Sa ganitong paraan ninyo aalisin ang kasamaang tulad nito.
8 “Tungkol(C) sa mga sakit sa balat na parang ketong, sundin ninyong mabuti ang sasabihin sa inyo ng mga paring Levita, sapagkat iyon ang tagubilin ko sa kanila. 9 Alalahanin(D) ninyo ang ginawa ni Yahweh na inyong Diyos kay Miriam nang kayo'y naglalakbay mula sa Egipto.
10 “Kung(E) kayo'y magpapautang sa inyong kapatid, huwag kayong papasok sa bahay niya para kunin ang kanyang sangla; 11 maghintay kayo sa labas upang doon tanggapin ang sangla na kusang ibibigay ng nangutang. 12 Kung balabal ang sangla ng isang mahirap na nangutang sa inyo, huwag ninyong palilipasin ang gabi na nasa inyo ang sangla. 13 Dapat maibalik iyon sa kanya paglubog ng araw, sapagkat iyon lamang ang gagamitin niya sa pagtulog. Sa gayon, tatanaw siya ng utang na loob sa inyo at kalulugdan kayo ng Diyos ninyong si Yahweh.
14 “Huwag(F) ninyong ipagkakait ang kaukulang bayad sa inyong mahihirap at nangangailangang manggagawa, maging siya ma'y kapwa Israelita o dayuhan na nakikipamayan sa inyo. 15 Bago lumubog ang araw, ibigay na ninyo sa kanya ang sweldo niya para sa maghapon sapagkat iyon lamang ang inaasahan niya sa buhay. Kapag hindi ninyo ibinigay agad, at dumaing siya kay Yahweh, iyon ay pananagutan ninyo.
16 “Hindi(G) dapat parusahan ng kamatayan ang mga magulang dahil sa krimeng nagawa ng anak ni ang anak dahil sa krimeng nagawa ng magulang; ang mismong may sala lamang ang siyang dapat patayin.
17 “Huwag(H) ninyong pagkakaitan ng katarungan ang mga dayuhan o ang mga ulila. Huwag din ninyong kukuning sangla ang balabal ng babaing balo. 18 Iniuutos ko ito sa inyo sapagkat dapat ninyong alalahaning naging alipin din kayo sa Egipto at iniligtas kayo roon ng Diyos ninyong si Yahweh.
19 “Kung(I) sa pagliligpit ng ani ay may maiwan kayong mga uhay, huwag na ninyong babalikan iyon; hayaan na ninyong mapulot iyon ng mga dayuhan, ulila at mga biyuda. Sa ganoon, pagpapalain kayo ni Yahweh sa lahat ninyong gawain. 20 Kapag napitasan na ninyong minsan ang inyong mga olibo, huwag na ninyong babalikan ang natira; hayaan na ninyo iyon sa mga dayuhan, ulila at mga biyuda. 21 Kapag naani na ninyo ang inyong ubas, huwag na ninyong babalikan ang natira; hayaan na ninyo iyon sa mga dayuhan, ulila at mga biyuda. 22 Alalahanin ninyong kayo'y naging alipin din sa Egipto. Iyan ang dahilan kaya iniuutos ko ito sa inyo.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.