Deuteronomio 18
Magandang Balita Biblia
Ang Bahagi ng mga Pari
18 “Ang mga paring Levita, ang buong lipi ni Levi ay walang mamanahing bahagi sa lupain ng Israel. Ang para sa kanila ay ang mga kaloob at handog kay Yahweh. 2 Wala(A) silang bahagi sa lupain tulad ng ibang lipi sa Israel; si Yahweh ang kanilang bahagi, gaya ng kanyang pangako.
3 “Ang mga ito ang nakalaan para sa mga pari mula sa handog kay Yahweh, maging baka o tupa: ang mga balikat, ang mga pisngi at ang tiyan; 4 ang unang ani ng mga pananim, ng alak, ng langis, at ang unang pinaggupitan ng inyong mga tupa. 5 Ang lipi ni Levi ang pinili ni Yahweh upang maglingkod sa kanya bilang mga pari habang panahon.
6 “Sakaling may Levita mula sa alinmang bayan ng lupain na kusang magpunta sa lugar na pinili ni Yahweh 7 upang sumamba, maaaring maglingkod doon ang Levita kasama ng kapwa niya Levita. 8 Siya ay bibigyan doon ng kanyang bahaging kasindami ng ibibigay sa mga Levita na dating naglilingkod doon, bukod sa bahagi niya mula sa mana ng kanyang ama.
Babala Laban sa Pagsunod sa Kaugalian ng mga Pagano
9 “Kapag kayo'y naroon na sa lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh, huwag kayong gagaya sa kasuklam-suklam na gawain ng mga tao roon. 10 Sinuman(B) sa inyo'y huwag magsusunog ng kanyang anak bilang handog. Huwag kayong manghuhula, huwag gagawin ang ginagawa ng mga mangkukulam, 11 ng(C) mga mananawas, at ng mga sumasangguni sa mga espiritu ng namatay. 12 Sinumang gumawa ng alinman sa mga ito ay kasusuklaman ni Yahweh na inyong Diyos. Pakatatandaan ninyo na iyan ang dahilan kaya niya itataboy ang mga nakatira sa lupaing pupuntahan ninyo. 13 Lubos(D) kayong maging tapat sa Diyos ninyong si Yahweh. 14 Ang mga bansang inyong sasakupin ay sumusunod sa mga manghuhula at mga naniniwala sa mga agimat. Subalit ang mga ito ay ipinagbabawal sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh.
Ang Diyos ay Magpapadala ng Propeta
15 “Mula(E) sa inyo, si Yahweh na inyong Diyos ay pipili para sa inyo ng isang propetang[a] katulad ko. Dapat kayong makinig sa kanya.[b] 16 Ito ang kasagutan sa hiling ninyo kay Yahweh nang kayo'y nagkakatipon sa Sinai.[c] Ang sabi ninyo, ‘Huwag mo nang iparinig pang muli sa amin ang tinig ni Yahweh ni ipakita ang kakila-kilabot na apoy na ito sapagkat tiyak na mamamatay kami.’ 17 Sinabi naman niya sa akin, ‘Tama ang sabi nila, 18 kaya mula sa kanila, pipili ako para sa kanila ng isang propetang[d] katulad mo. Sasabihin ko sa kanya[e] ang aking kalooban, at siya[f] ang magsasabi nito sa mga tao. 19 Sinumang(F) hindi makinig sa kanya na nagsasalita para sa akin ay mananagot sa akin. 20 Ngunit ang sinumang propetang magsalita para sa ibang diyos o kaya'y magkunwaring nagsasalita para sa akin subalit hindi ko naman inatasan, ang propetang tulad niyon ay dapat patayin.’
21 “Upang matiyak ninyo kung ang sinabi ng propeta ay galing kay Yahweh o hindi, 22 ito ang palatandaan: kapag hindi nangyari o nagkatotoo ang sinabi niya, iyon ay hindi mula kay Yahweh; ang mensahe niya ay gawa-gawa lamang niya. Huwag ninyo siyang katatakutan.
Footnotes
- Deuteronomio 18:15 isang propetang: o kaya'y mga propetang .
- Deuteronomio 18:15 kanya: o kaya'y kanila .
- Deuteronomio 18:16 Sinai: o kaya'y Horeb .
- Deuteronomio 18:18 isang propetang: o kaya'y mga propetang .
- Deuteronomio 18:18 kanya: o kaya'y kanila .
- Deuteronomio 18:18 siya: o sila .
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.