Deuteronomio 11
Magandang Balita Biblia
Ang Pagpapala ng Pagsunod kay Yahweh
11 “Kaya nga, ibigin ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh at sundin ninyong lagi ang lahat ng kanyang bilin, tuntunin, batas, at utos. 2 Tandaan ninyo ngayon ang kanyang mga pagtutuwid sa inyo. Alam ninyo ito sapagkat nasaksihan mismo ninyo (hindi tulad ng inyong mga anak na hindi dumaan sa mga ito). Nakita ninyo ang kanyang kadakilaan at kapangyarihan, 3 ang(A) mga kababalaghan, at lahat ng ginawa niya sa Faraon at sa buong Egipto. 4 Nasaksihan(B) din ninyo ang ginawa niya sa buong hukbo ng Egipto pati sa kanilang mga karwahe't kabayo; nilunod sila ni Yahweh sa Dagat na Pula[a] nang kayo'y habulin nila. 5 Hindi rin kaila sa inyo ang ginawa niya nang kayo'y nasa ilang hanggang makarating kayo sa lugar na ito. 6 Nakita(C) ninyo ang ginawa niya kina Datan at Abiram, mga anak ni Eliab at apo ni Ruben. Pinabuka ni Yahweh ang lupa at ipinalamon sila nang buháy, pati na ang kanilang mga kasama at sambahayan, at lahat ng bagay na kaugnay ng kanilang ginawa. 7 Kitang-kita ng inyong mga mata ang lahat ng mga kababalaghang ginawa ni Yahweh.
Ang mga Pagpapala sa Lupang Pangako
8 “Kaya't sundin ninyo ang lahat ng utos niya na ipinapaalala ko sa inyo ngayon upang magkaroon kayo ng lakas na sakupin at ariin ang lupaing papasukin ninyo. 9 Dahil dito, mabubuhay kayo nang matagal sa lupaing ipinangako ni Yahweh sa inyong mga ninuno, at sa kanilang magiging lahi—ang lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay. 10 Ang lupaing titirhan ninyo ay hindi tulad ng lupaing iniwan ninyo sa Egipto. Doon, ang hinahasikan ninyo ay kailangang patubigan at diligin tulad ng hardin. 11 Ngunit ang lupaing pupuntahan ninyo ay laging inuulan, maraming burol at malawak ang mga kapatagan. 12 Ang lupaing iyon ay palaging inaalagaan at binabantayan ng Diyos ninyong si Yahweh.
13 “Kaya(D) nga, kung susundin lamang ninyo ang utos na sinasabi ko sa inyo ngayon: Ibigin ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh at paglingkuran nang buong puso't kaluluwa, 14 sa tamang panahon ay pauulanin niya sa lupaing iyon, at magiging sagana kayo sa pagkain, inumin at langis. 15 Pananatilihin niyang sariwa ang damo para sa inyong mga alagang hayop upang kayo'y sumagana sa lahat ng bagay. 16 Ngunit mag-ingat kayo! Huwag kayong padadaya. Huwag kayong sasamba ni maglilingkod sa mga diyus-diyosan. 17 Kapag tinalikuran ninyo si Yahweh, kapopootan niya kayo. Isasara niya ang langit at hindi ito pauulanin. Kapag nangyari ito, mamamatay ang inyong mga pananim, at malilipol kayo sa mabuting lupaing ibinigay niya sa inyo.
18 “Itanim(E) nga ninyo ang mga utos na ito sa inyong mga puso't kaluluwa. Ipulupot ninyo ito sa inyong mga kamay bilang tanda, at itali sa inyong noo. 19 Ituro ninyo ito sa inyong mga anak; pag-aralan ninyo ito sa inyong tahanan, sa inyong paglalakbay, sa inyong pagtulog sa gabi, at sa inyong pagbangon sa umaga. 20 Isulat ninyo ito sa mga hamba ng pintuan ng inyong bahay at tarangkahan 21 upang kayo at ang inyong mga anak ay mabuhay nang matagal sa lupaing ipinangako ni Yahweh sa inyong mga ninuno. Mananatili kayo roon hangga't ang langit ay nasa ibabaw ng lupa.
22 “Kapag sinunod ninyong mabuti ang kanyang mga utos, inibig siya nang tapat, sinundan ang kanyang mga landas, at nanatili kayo sa kanya, 23 palalayasin niya ang mga tao sa lugar na titirhan ninyo. Masasakop ninyo ang lupain ng mga bansang mas malalaki at malalakas kaysa inyo. 24 Kung(F) magkaganoon, ibibigay niya sa inyo ang lahat ng lupang matapakan ninyo; masasakop ninyo mula sa ilang hanggang Lebanon, at mula sa Ilog Eufrates sa gawing silangan hanggang Dagat Mediteraneo sa gawing kanluran. 25 Walang makakatalo sa inyo. Tulad ng pangako ng Diyos ninyong si Yahweh, sisidlan niya ng matinding takot ang lahat sa lupaing pupuntahan ninyo.
26 “Sa araw na ito, binibigyan ko kayo ng pamimilian: pagpapala o sumpa. 27 Pagpapala kapag sinunod ninyo ang kanyang mga utos, 28 ngunit sumpa kapag sumamba kayo sa ibang diyos sa halip na sumunod sa kanyang mga utos. 29 Kapag(G) nadala na kayo ni Yahweh sa lupaing inyong sasakupin at aariin, ang pagpapala ay bibigkasin ninyo sa Bundok ng Gerizim at ang sumpa'y sa Bundok ng Ebal. 30 Ang mga ito'y nasa silangan ng Jordan, sa tapat ng Gilgal, sa tabi ng Encinar ng Moreh, sa lansangang pakanluran, sa lupain ng mga Cananeo sa Araba. 31 Malapit na kayong tumawid ng Jordan upang sakupin ang lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh. Pagdating ninyo roon, 32 sundin ninyong mabuti ang lahat ng mga utos at tuntuning inilahad ko ngayon sa inyo.
Footnotes
- Deuteronomio 11:4 Dagat na Pula: o kaya'y Dagat ng mga Tambo .
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.