Deuteronomio 10
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Ang Ikalawang Pagsulat sa Kautusan(A)
10 “Noon ay sinabi sa akin ni Yahweh, ‘Magtapyas ka ng dalawang bato, tulad noong una, at gumawa ka ng kabang yari sa kahoy. Pagkatapos, umakyat ka sa bundok. 2 Isusulat ko sa dalawang tapyas ng bato ang nakasulat sa unang dalawang tapyas na binasag mo. Pagkatapos, itago mo sa kaban.’
3 “Kaya gumawa ako ng kabang yari sa punong akasya, tumapyas ng dalawang batong katulad noong una at ako'y umakyat sa bundok. 4 Isinulat nga ni Yahweh ang sampung utos sa dalawang tapyas ng bato. Ang sampung utos na ito ang sinabi niya sa inyo mula sa naglalagablab na apoy samantalang kayo'y nagkakatipon sa paanan ng bundok. Ang dalawang tapyas ng bato ay ibinigay sa akin ni Yahweh. 5 Ako'y nagbalik mula sa bundok at inilagay ko sa kaban ang dalawang tapyas ng bato tulad ng utos sa akin ni Yahweh.”
(6 Ang(B) mga Israelita'y naglakbay mula sa Jaacan hanggang Mosera. Doon namatay at inilibing si Aaron. Ang anak niyang si Eleazar ang pumalit sa kanya bilang pari. 7 Mula roo'y nagtuloy sila sa Gudgoda, at sa Jotbata, isang lugar na may maraming batis. 8 Noon(C) pinili ni Yahweh ang mga Levita upang magbuhat ng Kaban ng Tipan, tumulong sa paglilingkod sa kanya, at magbasbas sa kanyang pangalan tulad ng ginagawa nila ngayon. 9 Dahil dito, walang kaparte ang mga Levita sa lupaing ibinigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos. Si Yahweh ang bahagi nila, tulad ng pangako niya.)
10 “Tulad(D) noong una, apatnapung araw at gabi akong nanatili sa bundok at pinakinggan naman ako ni Yahweh. Dahil dito, hindi na niya itinuloy ang balak na pagpuksa sa inyo. 11 Sinabi niya sa akin na pangunahan kayo sa paglalakbay at pagsakop sa lupaing ipinangako ko sa inyong mga ninuno.
Ang Diwa ng Kautusan ni Yahweh
12 “Bayang Israel, ano nga ba ang nais ni Yahweh mula sa inyo? Ang gusto lang naman niya'y igalang ninyo siya, sundin ang kanyang mga utos, ibigin siya, paglingkuran ng buong puso't kaluluwa, 13 at tuparin ang kanyang mga bilin at tuntunin. Ito rin naman ay para sa inyong kabutihan. 14 Ang pinakamataas na langit, ang daigdig at ang lahat ng narito ay kay Yahweh. 15 Ngunit sa laki ng pag-ibig niya sa inyong mga ninuno, kayong lahi nila ay pinili niya sa gitna ng maraming bansa. 16 Kaya nga, maging masunurin kayo at huwag maging matigas ang inyong ulo. 17 Sapagkat(E) si Yahweh na inyong Diyos ay Diyos ng mga diyos, Panginoon ng mga panginoon, makapangyarihan at kakila-kilabot, walang itinatangi, at hindi nasusuhulan. 18 Binibigyan(F) niya ng katarungan ang mga ulila at balo; minamahal niya ang mga dayuhan at binibigyan ng pagkain at damit. 19 Ibigin ninyo ang mga dayuhan sapagkat kayo ma'y naging dayuhan din sa Egipto. 20 Magkaroon kayo ng takot kay Yahweh. Siya lang ang inyong sambahin; huwag kayong hihiwalay sa kanya, at sa pangalan lamang niya kayo manunumpa. 21 Siya lamang ang dapat ninyong purihin, siya ang inyong Diyos, ang gumawa ng marami at kakila-kilabot na mga bagay na inyong nasaksihan. 22 Pitumpu(G) lamang ang inyong mga ninuno nang pumunta sila sa Egipto ngunit ngayo'y pinarami kayo ng Diyos ninyong si Yahweh; sindami na kayo ng mga bituin sa langit.