Daniel 5
Magandang Balita Biblia
Ang mga Sulat sa Pader
5 Minsan, si Haring Belsazar ay nagdaos ng malaking handaan para sa sanlibo niyang tagapamahala, at nakipag-inuman siya sa kanila. 2 Nang lasing na si Haring Belsazar, ipinakuha niya ang mga sisidlang ginto at pilak na sinamsam ng ama niyang si Nebucadnezar sa Templo sa Jerusalem. Ipinakuha niya ang mga ito upang inuman niya at ng mga tagapamahala ng kaharian, ng kanyang mga asawa at mga asawang lingkod. 3 Dinala naman sa bulwagang pinagdarausan ng handaan ang mga kagamitang ginto at pilak na sinamsam mula sa Templo ng Diyos sa Jerusalem, at ininuman nila ang mga ito. 4 Habang sila'y nag-iinuman, pinupuri nila ang kanilang mga diyos na yari sa ginto, pilak, tanso, bakal, kahoy at bato.
5 Walang anu-ano'y lumitaw ang isang kamay ng tao at sumulat ito sa pader ng palasyo sa tapat ng lalagyan ng ilawan. Nakita ito ng hari, 6 namutla siya, nangatog ang mga tuhod at nalugmok sa matinding takot. 7 Sumigaw siya, “Dalhin dito ang mga enkantador, mga astrologo, at mga manghuhula.” Sinabi niya sa mga ito, “Sinumang makabasa at makapagpaliwanag sa nakasulat na ito ay bibihisan ko ng damit na kulay ube, kukuwintasan ko ng ginto, at gagawin kong ikatlo sa kapangyarihan sa buong kaharian.” 8 Dumating lahat ang mga tagapayo ng hari ngunit isa ma'y walang makabasa o makapagpaliwanag sa kahulugan ng nakasulat sa pader. 9 Lalong nabagabag at namutla ang hari. Litung-lito naman ang kanyang mga tagapamahala.
10 Ang inang reyna ni Haring Belsazar ay pumasok sa bulwagan nang marinig niya ang pag-uusap ng anak niyang hari at ng mga tagapamahala nito. Sinabi niya, “Mabuhay ang anak kong hari. Huwag kang mabagabag at mamutla sa takot. 11 Sa kaharian mo ay may isang taong kinakasihan ng espiritu ng mga banal na diyos. Noong panahon ng iyong amang si Nebucadnezar, nagpakita siya ng pambihirang katalinuhan, tulad ng katalinuhan ng mga diyos. Ang lalaking iyon ay hinirang noon ng iyong ama bilang pinuno ng mga salamangkero, mga enkantador, mga nakikipag-usap sa mga espiritu, at mga astrologo 12 dahil sa pambihira niyang talino sa pagpapaliwanag ng mga panaginip at ng mga palaisipan, at paglutas ng mabibigat na suliranin. Ang lalaking iyon ay si Daniel na tinawag ng hari na Beltesazar. Ipatawag mo siya at ipapaliwanag niya ito sa iyo.”
Ipinaliwanag ni Daniel ang Nakasulat sa Pader
13 Iniharap nga si Daniel sa hari. Sinabi nito kay Daniel, “Ikaw pala ang Daniel na kasama sa mga dinalang-bihag ng aking amang hari. 14 Nabalitaan kong sumasaiyo ang espiritu ng mga banal na diyos. Mayroon ka raw pambihirang talino at karunungan. 15 Ang sulat na ito ay ipinabasa ko na sa mga tagapayo at mga enkantador upang ipaliwanag sa akin, ngunit hindi nila ito nagawa. 16 Nabalitaan ko na marunong kang magpaliwanag ng mga panaginip at lumutas ng mga palaisipan. Ngayon, kung mababasa mo at maipapaliwanag ang sulat na ito, bibihisan kita ng damit na kulay ube, kukuwintasan kita ng ginto at gagawing ikatlo sa kapangyarihan sa aking kaharian.”
17 Sinabi ni Daniel sa hari, “Mahal na hari, huwag na po ninyo akong bigyan ng anuman; ibigay na lang po ninyo sa iba ang sinasabi ninyong gantimpala. Babasahin ko na lamang po at ipapaliwanag ang nakasulat.
18 “Mahal na hari, ang inyong amang si Nebucadnezar ay binigyan ng Kataas-taasang Diyos ng isang kaharian. Niloob ng Diyos na siya'y maging makapangyarihan at binigyan siya ng karangalan. 19 Dahil sa kapangyarihang iyon, lahat ng tao sa bawat bansa at wika ay nanginig at natakot sa harapan niya. Ipinapapatay niya ang gusto niyang ipapatay at inililigtas niya sa kamatayan ang nais niyang iligtas. Itinataas niya sa tungkulin ang gusto niyang itaas at ibinababâ naman ang gusto niyang ibaba. 20 Ngunit nang siya'y naging palalo, matigas ang ulo at pangahas, inalis siya sa pagiging hari at nawala ang kanyang karangalan. 21 Inihiwalay siya sa lipunan at nanirahang kasama ng maiilap na asno. Ang isip niya'y pinalitan ng isip ng hayop. Kumain siya ng damo, tulad ng mga baka. Sa labas siya natutulog at doo'y nababasa ng hamog. Ganyan ang kanyang kalagayan hanggang sa kilalanin niya na ang Kataas-taasang Diyos ang namamahala sa kaharian ng mga tao, at inilalagay niya sa trono ang sinumang nais niya.
22 “At bagaman alam ninyo ito, Haring Belsazar, hindi kayo nagpakumbaba. 23 Sa halip, nagmataas kayo sa harapan ng Panginoon ng kalangitan. Ipinakuha ninyo ang mga sisidlang mula sa kanyang Templo at ininuman ninyo at ng inyong mga tagapamahala, mga asawa at asawang lingkod. Bukod doon, sumamba kayo sa mga diyos ninyong yari sa ginto, pilak, tanso, bakal, kahoy at bato, mga diyos na hindi nakakakita, hindi nakakarinig ni nakakaunawa man. At ang Diyos na nagbibigay at nagtatakda ng inyong buhay ay hindi ninyo pinarangalan. 24 Kaya, ipinadala niya ang kamay na iyon at pinasulat sa dingding ng inyong palasyo.
25 “Ito ang nakasulat: Mene, Mene, Tekel, Parsin.[a] 26 Ito naman ang kahulugan: ‘Mene,’ nabibilang na ang araw ng iyong paghahari sapagkat wawakasan na ito ng Diyos. 27 ‘Tekel,’ tinimbang ka at napatunayang kulang. 28 ‘Peres,’ ang kaharian mo ay mahahati at ibibigay sa Media at Persia.”[b]
29 Iniutos ni Haring Belsazar na bihisan si Daniel ng damit na kulay ube at kuwintasan ng yari sa dalisay na ginto. Pagkatapos, ipinahayag niyang ito ang ikatlo sa kapangyarihan sa buong kaharian. 30 Nang gabi ring iyon, pinatay si Belsazar, ang hari ng Babilonia. 31 Ang kanyang kaharian ay kinuha ni Dario, hari ng Media na noo'y animnapu't dalawang taon na.
Footnotes
- Daniel 5:25 Mene, Mene, Tekel, Parsin: Sa literal ay Bilang, bilang, timbang, pagkakabahagi .
- Daniel 5:28 PERSIA: Sa wikang Aramaico, ang mga salitang “Persia” at “pagkakabahagi” ay magkasintunog.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.