Amos 8
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Pangitain ni Amos tungkol sa Basket ng mga Prutas
8 Ito ang ipinakita sa akin ng Panginoong Dios: Nakita ko ang isang basket na may mga hinog na prutas. 2 Tinanong niya ako, “Amos, ano ang nakikita mo?” Sumagot ako, “Isang basket po ng mga hinog na prutas.” Sinabi sa akin ng Panginoon, “Dumating na ang katapusan[a] ng mga mamamayan kong Israelita. Hindi ko na sila kaaawaan. 3 Sa araw na iyon, ang masasayang awitan sa templo[b] ay magiging iyakan dahil kakalat ang patay kahit saan. At wala nang maririnig na ingay.[c] Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
Ang Kasalanan ng mga Mayayamang Israelita
4 Makinig kayo, kayong mga nanggigipit sa mga mahihirap at nagtatangkang lipulin sila. 5 Inip na inip kayong matapos ang Pista ng Pagsisimula ng Buwan[d] o Araw ng Pamamahinga para makapagbenta na kayo ng mga inaning butil at makapandaya sa mga mamimili sa pamamagitan ng inyong madayang timbangan at pantakal ng trigo. 6 Nagmamadali kayong makapagbenta ng mga butil na hinaluan ng ipa, para makabili kayo ng taong dukha na ipinagbibiling alipin dahil hindi siya makabayad ng kanyang utang, kahit ang utang niya ay kasinghalaga lamang ng isang pares ng sandalyas. 7 Kaya sumumpa ang Panginoon, ang Dios na ipinagmamalaki ng mga lahi ni Jacob, “Hindi ko makakalimutan ang lahat ng kasamaan na ginawa ninyo. 8 Dahil dito, palilindulin ko ang inyong lupain at mag-iiyakan kayo. Yayanigin ko nang husto ang inyong lupain na tulad ng Ilog na tumataas kapag may baha at bumababa tulad ng Ilog ng Nilo sa Egipto. 9 Sa araw na iyon, palulubugin ko ang araw sa katanghaliang tapat, kaya didilim ang buong lupain kahit araw pa. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. 10 Gagawin kong iyakan ang kasayahan sa inyong pista, at ang inyong pag-aawitan ay magiging panaghoy. Pagdadamitin ko kayo ng sako at uutusang magpakalbo para ipakita ang inyong pagdadalamhati, katulad ng mga magulang na umiiyak sa pagkamatay ng kanilang kaisa-isang anak. Pero magiging mas masakit pa ang huling parusa.”
11 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Darating ang araw na padadalhan ko ng taggutom ang inyong lupain. Pero hindi ito pagkagutom sa pagkain o pagkauhaw sa tubig, kundi pagkagutom at pagkauhaw sa aking mga salita. 12 Pagod na pagod na kayo sa paghahanap ng mga taong makakapagpahayag sa inyo ng aking salita, pero hindi ninyo matagpuan kahit saan kayo pumunta. 13 Sa araw na iyon na parurusahan ko kayo, kahit na ang inyong magagandang dalaga at ang inyong malalakas na mga binata ay mawawalan ng malay dahil sa matinding uhaw. 14 Kayong mga nanunumpa sa ngalan ng mga dios-diosan ng Samaria, Dan at Beersheba, lilipulin kayo at hindi na makakabangon.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®