Amos 3
Magandang Balita Biblia
3 Pakinggan ninyo, mga taga-Israel, itong sinabi ni Yahweh laban sa inyo na inilabas niya mula sa Egipto:
2 “Sa lahat ng bansa sa ibabaw ng lupa,
kayo lamang ang aking itinangi at inalagaan.
Kaya't kayo'y aking paparusahan
dahil sa inyong mga kasalanan.”
Ang Gawain ng Propeta
3 Maaari bang magsama sa paglalakbay
ang dalawang taong hindi nagkakasundo?
4 Umuungal ba ang leon sa kagubatan
kung wala siyang mabibiktima?
Umaatungal ba ang batang leon sa loob ng yungib,
kung wala siyang nahuling anuman?
5 Mabibitag ba ang isang ibon
kung hindi pinainan?
Iigkas ba ang bitag
kung ito'y walang huli?
6 Kapag ang mga trumpeta'y humudyat sa lunsod,
hindi ba't manginginig sa takot ang mga tao?
Kapag may sakunang dumating sa lunsod,
hindi ba si Yahweh ang may gawa niyon?
7 Tunay na ang Panginoong Yahweh ay di kumikilos,
kung hindi pa ipinababatid sa mga lingkod niyang propeta.
8 Kapag umungal ang leon,
sino ang hindi matatakot?
Kapag nagsalita ang Panginoong Yahweh,
sinong hindi magpapahayag?
Ang Hatol sa Samaria
9 Ipahayag mo sa mga nakatira sa mga tanggulan ng Asdod,
at sa mga tanggulan ng Egipto,
“Magtipon kayo sa mga bundok ng Samaria,
tingnan ninyo ang malaking kaguluhan doon,
maging ang nagaganap na pang-aapi sa lunsod.”
10 “Hindi na nila alam ang paggawa ng mabuti,” sabi ni Yahweh.
“Ang mga bahay nila'y punung-puno ng mga bagay na kinamkam sa pamamagitan ng karahasan at pagpatay.
11 Kaya't lulusubin sila ng isang kaaway,
wawasakin ang kanilang mga tanggulan,
hahalughugin ang kanilang mga tahanan.”
12 Sabi pa ni Yahweh, “Kung paanong walang maililigtas ang isang pastol sa tupang sinila ng isang leon, liban sa dalawang paa't isang tainga. Iilan din ang ililigtas ng Diyos sa mga Israelitang nakatira ngayon sa Samaria at nakahiga sa magagarang higaan.
13 “Pakinggan ninyong mabuti ito at babalaan ang mga anak ni Jacob,”
sabi ng Panginoong Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat.
14 “Sa(A) araw na parusahan ko ang mga taga-Israel dahil sa kanilang mga kasalanan,
wawasakin ko ang mga altar sa Bethel,
at malalaglag sa lupa ang mga iyon.
15 Wawasakin ko ang mga bahay na pantaglamig at pantag-araw.
Guguho ang mga bahay na yari sa garing;
ang malalaking bahay ay wawasaking lahat.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.