Amos 2
Magandang Balita Biblia
Sa Moab
2 Ganito(A) ang sabi ni Yahweh:
“Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Moab,
kaya sila'y paparusahan ko.
Sinunog nila at pinulbos ang mga buto ng hari ng Edom.
2 Susunugin ko ang lupain ng Moab;
tutupukin ko ang mga tanggulan sa Keriot.
Masasawi ang mga taga-Moab sa gitna ng ingay ng labanan,
sa sigawan ng mga kawal at tunog ng mga trumpeta.
3 Papatayin ko ang hari ng Moab,
gayundin ang mga pinuno sa lupaing iyon.”
Sa Juda
4 Ganito ang sabi ni Yahweh:
“Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Juda,
kaya sila'y paparusahan ko.
Hinamak nila ang aking mga katuruan;
nilabag nila ang aking mga kautusan.
Iniligaw sila ng mga diyus-diyosang
pinaglingkuran ng kanilang mga ninuno.
5 Susunugin ko ang Juda;
tutupukin ko ang mga tanggulan ng Jerusalem.”
Ang Paghatol sa Israel
6 Ganito ang sabi ni Yahweh:
“Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Israel,
kaya sila'y paparusahan ko.
Dahil sa suhol, pinarusahan nila ang mga matutuwid,
at ibinentang alipin sa halagang isang pares ng sandalyas ang mga taong hindi makabayad ng utang.
7 Niyuyurakan nila ang mga abâ;
ipinagtutulakan nila ang mahihirap.
Nakikipagtalik ang mag-ama sa iisang babaing alipin,
kaya't nalalapastangan ang aking banal na pangalan.
8 Ginagamit nilang higaan sa tabi ng alinmang altar
ang balabal na sangla ng isang may utang.
Sa templo ng kanilang Diyos, sila'y nag-iinuman
ng alak na binili sa salaping ninakaw sa mga dukha.
9 Nagawa(B) pa nila ito sa akin matapos kong lipulin ang mga Amoreo,
na kasintangkad ng mga punong sedar at kasintigas ng punong ensina.
Pinuksa kong lahat ang mga ito alang-alang sa kanila.
10 Inilabas ko kayo mula sa Egipto,
pinatnubayan sa ilang sa loob ng apatnapung taon,
at ibinigay sa inyo ang lupain ng mga Amoreo.
11 Itinalaga(C) kong propeta ang ilan sa inyong mga anak;
ginawa kong Nazareo ang iba ninyong kabataan.
Mga taga-Israel, hindi ba totoo ang aking sinasabi?
12 Ngunit pinainom ninyo ng alak ang mga Nazareo,
at pinagbawalang mangaral ang mga propeta.
13 Kaya ngayo'y pababagsakin ko kayo sa lupa,
gaya ng kariton na di makausad sa bigat ng dala.
14 Maging ang matutuling tumakbo ay di makakatakas.
Manghihina pati na ang malalakas,
maging ang magigiting ay di rin makakaligtas;
15 walang tatamaan ang mga manunudla;
di makakaligtas ang matutuling tumakbo,
di rin makakatakas ang mga nakakabayo.
16 Sa araw na iyon ay magsisitakas
maging ang pinakamatatapang.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.