3 Juan
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
1-2 Mula sa namumuno sa iglesya.
Mahal na kaibigang Gaius, na lubos kong minamahal[a]:
Idinadalangin ko na maging malusog ka at sanaʼy nasa mabuting kalagayan, tulad ng buhay mong espiritwal na alam kong nasa mabuti ring kalagayan. 3 Labis akong natuwa nang dumating dito ang ilang mga kapatid at ibinalita sa akin na naging tapat ka sa katotohanan at namumuhay ayon dito. 4 Wala ng higit na makakapagpasaya sa akin kundi ang malamang namumuhay ayon sa katotohanan ang mga anak ko sa pananampalataya.
5 Mahal kong kaibigan, maaasahan ka talaga, dahil inaasikaso mo ang mga kapatid na napapadaan diyan, kahit na ang mga hindi mo kakilala. 6 Ibinalita nila sa iglesya rito ang tungkol sa pag-ibig mo. Kung maaari, tulungan mo sila sa paraang kalugod-lugod sa Dios upang makapagpatuloy sila sa kanilang paglalakbay. 7 Sapagkat pumupunta sila sa ibaʼt ibang lugar upang ipangaral ang tungkol sa Panginoon, nang hindi tumatanggap ng kahit anong tulong sa mga taong hindi kumikilala sa Dios. 8 Kaya dapat lang na tulungan natin sila, nang sa ganoon ay maging kabahagi tayo sa kanilang gawain para sa katotohanan.
9 Sumulat ako sa iglesya riyan tungkol sa bagay na ito, ngunit hindi kami kinilala ni Diotrefes na gustong manguna sa inyo. 10 Kaya kapag pumunta ako riyan, sasabihin ko sa inyo ang mga pinaggagawa niya – ang mga paninirang ikinakalat niya tungkol sa amin. Bukod pa rito, hindi niya tinatanggap ang mga kapatid na dumaraan diyan, at pinagbabawalan pa niya ang iba na tumulong sa kanila. At ang mga gusto namang tumulong ay pinapaalis niya sa iglesya.
11 Mahal kong kaibigan, huwag mong gayahin ang masamang ginagawa ng taong iyan. Sa halip, gawin mo ang mabuti. Ang gumagawa ng mabuti ay sa Dios, at ang gumagawa ng masama ay hindi nakakakilala sa Dios. 12 Tingnan mo si Demetrius. Sinasabi ng lahat ng mga mananampalataya na mabuti siyang tao, at nakikita sa buhay niya na sumusunod siya sa katotohanan. Kami rin ay nagpapatotoo na mabuti siyang tao, at alam mong totoo ang sinasabi namin. 13 Marami pa sana akong sasabihin sa iyo, ngunit hindi ko na isusulat. 14 Umaasa ako na madadalaw kita sa lalong madaling panahon at mapag-usapan natin ito.
15 Sumaiyo nawa ang kapayapaan. Kinukumusta ka ng mga kaibigan natin dito. Ikumusta mo rin ako sa bawat isang kaibigan natin diyan.
Footnotes
- 1:1-2 lubos kong minamahal: o, minamahal ko sa katotohanan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®