2 Corinto 13
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Pangwakas na mga Bilin at mga Pangangamusta
13 Ito na ang pangatlong pagdalaw ko sa inyo. Sinasabi sa Kasulatan, “Ang anumang kaso ng isa laban sa kapwa ay dapat patotohanan ng dalawa o tatlong saksi.”[a] 2 Ngayon, binabalaan ko ang mga nagkasala noon, pati na rin ang lahat, na walang sinumang makakaligtas sa aking pagdidisiplina. Sinabi ko na ito noong pangalawang pagbisita ko riyan, at inuulit ko ngayon habang hindi pa ako nakakarating. 3 Gagawin ko ito para patunayan sa inyo na si Cristo ay nagsasalita sa pamamagitan ko, dahil ito rin ang hinahanap ninyo sa akin. Hindi siya mahina sa pakikitungo sa inyo, kundi makapangyarihan. 4 Kahit na nagpakababa siya[b] nang ipako sa krus, nabubuhay siya ngayon sa kapangyarihan ng Dios. Ganoon din naman, nagpapakababa rin kami[c] bilang mga mananampalataya ni Cristo. Pero nabubuhay kami sa kapangyarihan ng Dios para makapaglingkod sa inyo.
5 Suriin ninyo ang inyong sarili kung talagang may pananampalataya kayo kay Cristo. Tingnan ninyong mabuti ang inyong sarili. Hindi nʼyo ba alam na si Cristo ay nasa inyo? – maliban na lang kung hindi kayo tunay na mananampalataya. 6 Umaasa akong makikita ninyo na tunay kaming mga apostol ni Cristo. 7 Ipinapanalangin namin sa Dios na hindi kayo gagawa ng kahit anumang masama. Ginagawa namin ito hindi para ipakita sa mga tao na sinusunod ninyo ang aming mga itinuturo, kundi para patuloy kayong gumawa ng tama, kahit sabihin man nilang hindi kami tunay na mga apostol. 8 Kailanman ay hindi kami gagawa ng labag sa katotohanan, kundi ang naaayon lamang sa katotohanan. 9 Nagagalak kami dahil sa aming pagpapakumbaba ay naging matatag kayo sa inyong pananampalataya. At ipinapanalangin namin na walang makitang kapintasan sa inyo. 10 Kaya nga isinusulat ko ito ngayon habang wala pa ako riyan, para pagdating ko, hindi ko na kailangang maging marahas sa paggamit ng kapangyarihang ibinigay ng Panginoon sa akin. Sapagkat nais kong gamitin ang kapangyarihang ito para sa inyong ikabubuti at hindi sa inyong ikapapahamak.
11 Hanggang dito na lamang, mga kapatid, at paalam na sa inyo.[d] Sikapin ninyo na walang makitang kapintasan sa inyo, at sundin ninyo ang mga payo ko. Magkaisa kayo at mamuhay nang payapa. Nang sa ganoon, ang Dios na pinanggagalingan ng pag-ibig at kapayapaan ay sasainyo.
12 Magbatian kayo bilang mga magkakapatid kay Cristo.[e]
Kinukumusta kayong lahat ng mga mananampalataya[f] rito.
13 Nawaʼy sumainyong lahat ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang pag-ibig ng Dios, at ang pakikipag-isa ng Banal na Espiritu.[g]
Footnotes
- 13:1 Deu. 19:15.
- 13:4 nagpakababa siya: o, mahina siya.
- 13:4 nagpapakababa rin kami: o, mahina rin kami.
- 13:11 paalam na sa inyo: o, magalak kayo.
- 13:12 bilang mga magkakapatid kay Cristo: sa literal, sa pamamagitan ng banal na halik.
- 13:12 mga mananampalataya: Tingnan ang “footnote” sa 8:4.
- 13:13 Makikita sa ibang salin na ang talata 12 ay ginawang dalawang talata kaya ang talata 13 ay naging 14. Sa saling ito, ang sinunod ay ang pamamaraan ng pagtatalata na makikita sa kopyang Griego.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®