1 Juan 3
Ang Salita ng Diyos
3 Narito, kung gaano kalaki ang pag-ibig ng Ama na ipinagkaloob sa atin upang tawagin tayong mga anak ng Diyos. Ang dahilan kaya hindi tayo kilala ng sanlibutan ay sapagkat hindi ito nakakakilala sa kaniya. 2 Mga minamahal, ngayon ay mga anak na tayo ng Diyos bagaman hindi pa nahahayag kung magiging ano tayo. Ngunit alam natin na kapag mahahayag siya, tayo ay magiging katulad niya sapagkat makikita natin siya kung ano ang anyo niya. 3 Sinumang nagtataglay ng ganitong pag-asa sa kaniya ay dumadalisay sa kaniyang sarili, gaya naman niyang dalisay.
4 Sinumang gumagawa ng kasalanan ay lumalabag din sa kautusan at ang kasalanan ay ang hindi pagkilala sa kautusan ng Diyos.
5 Nalalaman ninyo na siya ay nahayag upang alisin ang ating mga kasalanan at sa kaniya ay walang kasalanan. 6 Sinumang nananatili sa kaniya ay hindi nagkakasala. Ang sinumang nagkakasala ay hindi nakakita sa kaniya o nakakilala sa kaniya.
7 Mga anak, huwag ninyong hayaang iligaw kayo ninuman. Ang gumagawa ng katuwiran ay matuwid na gaya niyang matuwid. 8 Ang gumagawa ng kasalanan ay sa diyablo sapagkat ang diyablo ay nagkakasala na buhat pa sa pasimula. Ang Anak ng Diyos ay nahayag sa dahilang ito upang wasakin niya ang mga gawa ng diyablo. 9 Ang sinumang ang kapanganakan ay mula sa Diyos ay hindi nagpapatuloy sa kasalanan sapagkat ang kaniyang binhi ay nananatili sa kaniya. At hindi siya maaaring magkasala sapagkat ang kaniyang kapanganakan ay mula sa Diyos. 10 Sa ganitong paraan nahahayag ang mga anak ng Diyos at ang mga anak ng diyablo. Ang sinumang hindi gumagawa ng matuwid at hindi umiibig sa kaniyang kapatid ay hindi sa Diyos.
Mag-ibigan sa Isa’t isa
11 Ito ang pangaral na inyong narinig buhat pa sa pasimula, na dapat tayong mag-ibigan sa isa’t isa.
12 Huwag nating tularan si Cain na galing sa kaniya na masama. At malupit niyang pinatay ang kaniyang kapatid. Bakit malupit niyang pinatay ang kaniyang kapatid? Ito ay sapagkat masasama ang kaniyang mga gawa at ang mga gawa ng kaniyang kapatid ay matuwid. 13 Mga kapatid ko, huwag kayong magtaka kapag kinapopootan kayo ng sangkatauhan. 14 Nalalaman natin na lumipat na tayo sa buhay mula sa kamatayan sapagkat iniibig natin ang mga kapatid. Siya na hindi umiibig sa kaniyang kapatid ay nananatili sa kamatayan. 15 Sinumang napopoot sa kaniyang kapatid ay isang mamamatay-tao. Alam ninyong ang mamamatay-tao ay walang buhay na walang hanggan sa kaniya.
16 Sa ganitong paraan ay nakilala natin ang pag-ibig ng Diyos sapagkat inialay na ni Jesus ang kaniyang buhay para sa atin. Kaya dapat din naman na ialay natin ang ating mga buhay para sa mga kapatiran. 17 Kung ang sinuman ay may mga pag-aari sa sanlibutang ito at nakikita niya ang kaniyang kapatid na may pangangailangan at ipagkait sa kaniya ang habag, paano mananatili ang pag-ibig ng Diyos sa kaniya? 18 Munti kong mga anak, huwag tayong umibig sa pamamagitan ng salita lamang ni ng dila lamang kundi sa pamamagitan ng gawa at sa katotohanan. 19 Sa ganitong paraan, nalalaman nating tayo ay mula sa katotohanan at ang ating mga puso ay magkakaron ng katiyakan sa harapan niya. 20 Kapag hinatulan tayo ng ating puso, ang Diyos ay lalong higit kaysa sa ating puso at alam niya ang lahat ng bagay.
21 Mga minamahal, kung hindi tayo hinahatulan ng ating puso, may kapanatagan tayo sa harap ng Diyos. 22 At anuman ang ating hingin ay ating tatanggapin mula sa kaniya sapagkat sinusunod natin ang kaniyang mga utos at ginagawa natin ang mga bagay na nakakalugod sa kaniyang paningin. 23 Ito ang kaniyang utos: Sumampalataya tayo sa pangalan ng kaniyang Anak na si Jesucristo. Tayo ay mag-ibigan sa isa’t isa ayon sa ibinigay niyang utos sa atin. 24 Ang sumusunod sa mga utos ng Diyos ay nananatili sa kaniya at ang Diyos ay nananatili sa kaniya. Sa ganitong paraan ay nalalaman natin na siya ay nananatili sa atin, sa pamamagitan ng Espiritu na ibinigay niya sa atin.
Copyright © 1998 by Bibles International