Add parallel Print Page Options

Ang Pagpapakita ni Jesus sa Pitong Alagad

21 Pagkatapos ng mga ito, muling nagpakita si Jesus sa mga alagad sa Lawa ng Tiberias. Sa gayong paraan nagpakita siya. Naroon sina Simon Pedro, Tomas na tinatawag na Kambal, Nathanael ng Cana ng Galilea, ang mga anak ni Zebedeo, at dalawa pa sa kanyang mga alagad. (A)Sinabi ni Simon Pedro sa kanila, “Mangingisda ako.” “Sasamahan ka namin,” sabi nila. Umalis sila at sumakay ng bangka. Subalit nang gabing iyon, wala silang nahuli.

Pagsapit ng bukang-liwayway, tumayo si Jesus sa tabing lawa; ngunit hindi alam ng mga alagad na siya ay si Jesus. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Mga anak, may nahuli ba kayong isda?” Sumagot sila, “Wala.” (B)Sinabi niya sa kanila, “Ihagis ninyo ang lambat sa gawing kanan, at makahuhuli kayo.” Kaya ihinagis nga nila ito, at halos hindi na nila mahila ang lambat dahil sa dami ng huli. Sinabi kay Pedro ng alagad na minamahal ni Jesus, “Siya ang Panginoon!” Nang marinig ni Pedro na iyon ay ang Panginoon, nagdamit siya, dahil siya'y hubad, at tumalon siya sa lawa. Ngunit ang ibang mga alagad ay dumating sakay ng bangka, hila-hila ang lambat na punung-puno ng isda, dahil hindi naman sila kalayuan sa lupa, na halos siyamnapung metro ang layo.

Nang makarating sila sa pampang, nakakita sila ng uling na nagbabaga, may isda sa ibabaw nito, at mayroon ding tinapay. 10 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Magdala kayo ng isda na bagong huli ninyo.” 11 Kaya pumunta si Simon Pedro sa bangka at hinila papuntang pampang ang lambat na puno ng isda: isandaan at limampu't tatlong lahat. Kahit napakarami ng mga ito, hindi nasira ang lambat. 12 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Halikayo at mag-agahan.” Sinuman sa kanila ay hindi nagtangkang magtanong kung sino siya sapagkat alam nila na siya ang Panginoon. 13 Lumakad si Jesus, kinuha ang tinapay at ibinigay sa kanila, at ganoon din ang ginawa niya sa isda. 14 Ito ang ikatlong pagkakataon na nagpakita si Jesus sa mga alagad matapos siyang ibangon mula sa kamatayan.

15 Matapos mag-agahan, tinanong ni Jesus si Simon Pedro, “Simon, anak ni Juan, minamahal mo ba ako nang higit sa mga ito?” Sinabi niya kay Jesus, “Opo, Panginoon; alam mong minamahal kita.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Pakainin mo ang aking mga tupa.” 16 Muling nagtanong si Jesus sa ikalawang pagkakataon, “Simon, anak ni Juan, minamahal mo ba ako?” Sinabi ni Pedro sa kanya, “Opo, Panginoon; alam mong minamahal kita.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Alagaan mo ang aking mga tupa.” 17 Muling nagtanong si Jesus sa ikatlong pagkakataon, “Simon, anak ni Juan, minamahal mo ba ako?” Nalungkot si Pedro dahil tatlong ulit na siyang tinanong ni Jesus, “Minamahal mo ba ako?” At sinabi niya kay Jesus, “Panginoon, alam mo ang lahat ng bagay; alam mong minamahal kita.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Pakainin mo ang aking mga tupa. 18 Pakinggan mo ang sinasabi ko sa iyo: noong bata ka pa, binibihisan mo ang iyong sarili at pumupunta ka kung saan mo ibig. Ngunit pagtanda mo, iuunat mo ang iyong mga kamay, at iba ang magbibihis sa iyo at dadalhin ka kung saan hindi mo nais pumunta.” 19 Sinabi niya ito upang ipahiwatig kung paano siya mamamatay sa paraang maluluwalhati niya ang Diyos. Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kanya, “Sumunod ka sa akin.”

Si Jesus at ang Minamahal na Alagad

20 (C)Lumingon si Pedro at nakita niyang sumusunod sa kanila ang alagad na minamahal ni Jesus. Siya ang nakaupo sa tabi ni Jesus noong hapunan at nagsabing, “Panginoon, sino po ang magkakanulo sa iyo?” 21 Nang makita siya ni Pedro, sinabi niya kay Jesus, “Panginoon, paano naman siya?” 22 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung kalooban kong manatili siya hanggang sa pagdating ko, ano ito sa iyo? Sumunod ka sa akin!” 23 Kaya kumalat ang balita sa kapatiran na ang alagad na ito ay hindi mamamatay. Bagama't hindi sinabi ni Jesus na hindi siya mamamatay, kundi, “Kung kalooban kong manatili siya hanggang sa pagdating ko, ano ito sa iyo?”

24 Ito ang alagad na nagpapatunay sa mga bagay na ito at isinulat niya ang mga ito, at alam natin na tunay ang kanyang patotoo. 25 Marami pang ibang ginawa si Jesus at kung ang lahat ng ito ay isusulat, sa palagay ko'y hindi magkakasya sa mundong ito ang mga aklat na maisusulat.