Add parallel Print Page Options

Pinakain ni Jesus ang Apat na Libong Tao

Nang mga araw na iyon, ang mga tao ay napakarami. Walang makain ang mga ito kaya tinawag ni Jesus ang kaniyang mga alagad. Sinabi niya sa kanila:

Ako ay nahahabag sa mga tao, sapagkat tatlong araw na silang sumasama sa akin at walang makain. Kung pauwin ko sila sa kanilang tirahan na hindi pa nakakakain, manlulupaypay sila sa daan sapagkat malayo pa ang pinanggalingan ng ilan sa kanila.

Sinabi ng mga alagad: Papaano mapapakain ng sinuman ang mga taong ito ng tinapay sa ilang na dakong ito?

Tinanong niya sila: Ilan ang inyong tinapay diyan?

Sumagot sila: Pito.

Iniutos niya sa napakaraming tao na maupo sa lupa. Nang makuha niya ang pitong tinapay at makapagpasalamat, pinagpira-piraso niya ang mga ito. Ibinigay niya ang mga ito sa kaniyang mga alagad upang idulot sa mga tao. Idinulot nila ang mga ito sa mga tao. Mayroon din silang ilang maliliit na isda. Nang mapagpala niya ito ay ninais din niyang ito ay maidulot sa kanila. Kumain ang lahat at sila ay nabusog. Kanilang kinuha ang lumabis na pira-pirasong tinapay. Nakapuno sila ng pitong kaing. Iyong mga nakakain ay halos apat na libo. Nang magkagayon, pinauwi sila ni Jesus.

Read full chapter