Add parallel Print Page Options

48 Ako ang tinapay ng buhay. 49 Ang inyong mga magulang na kumain ng tinapay sa ilang ay nangamatay na. 50 Ito ang tinapay na bumabang mula sa langit. Maaaring kumain nito ang sinuman at hindi mamamatay. 51 Ako ang tinapay na buhay na bumaba mula sa langit. Ang sinumang makakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpaka­ilanman. Ang tinapay na aking ibibigay ay ang aking laman. Ito ang aking ibibigay para sa buhay ng sanlibutan.

52 Nagtalo-talo nga ang mga Judio. Kanilang sinabi: Papaano niya maibibigay sa atin ang kaniyang laman upang kainin?

53 Sinabi nga ni Jesus sa kanila: Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Malibang kayo ay makakain ng laman ng Anak ng tao at makainom ng kaniyang dugo ay wala kayong buhay. 54 Siya na kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan. Ibabangon ko siya sa huling araw. 55 Ito ay sapagkat ang aking laman ay totoong pagkain at ang aking dugo ay totoong inumin. 56 Siya na kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananatili sa akin. Ako naman ay sumasa kaniya. 57 Ang Amang buhay ang nagsugo sa akin at ako ay nabubuhay dahil sa Ama. Gayundin ang kumakain sa akin. Siya ay mabubuhay dahil sa akin. 58 Ito ang tinapay na bumabang mula sa langit. Hindi ito tulad nang ang inyong mga ninuno ay kumain ng mana at ngayon ay mga patay na. Siya na kumakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman. 59 Sinabi niya ang mga bagay na ito nang siya ay nagtuturo sa sinagoga sa Capernaum.

Marami sa mga Alagad ang Tumalikod kay Jesus

60 Marami nga sa kaniyang mga alagad na nang marinig ito ay nagsabi: Mahirap ang pananalitang ito. Sino ang makaka­unawa nito?

61 Nalalaman ni Jesus sa sarili niya na nagbubulong-bulungan ang kaniyang mga alagad patungkol dito. Sinabi niya sa kanila: Nakakatisod ba ang sinabi ko sa inyo? 62 Gaano pa kaya kung makita ninyo ang Anak ng Tao na pumapaitaas sa dati niyang kinaroroonan? 63 Ang Espiritu ang siyang nagbibigay buhay. Walang napapakinabangan ang laman. Ang mga salitang sinasabi ko sa inyo ay espiritu at buhay. 64 Subalit mayroong ilan sa inyo na hindi sumasampalataya. Alam ni Jesus nang simula pa kung sino sila na hindi sasampalataya at kung sino ang magkakanulo sa kaniya. 65 Sinabi niya: Kaya nga, sinabi ko sa inyo: Walang sinumang makakalapit sa akin malibang ibigay ito sa kaniya ng aking Ama.

66 Mula noon marami sa kaniyang mga alagad ang bumalik at hindi na sumama sa kaniya.

Read full chapter