Add parallel Print Page Options

36 Habang may liwanag pa sa inyo, sumampalataya kayo sa liwanag upang kayo ay maging mga tao ng liwanag. Pagkasabi ni Jesus ng mga bagay na ito ay umalis siya at nagtago mula sa kanila.

Ang mga Judio ay Nagpatuloy sa Kanilang Hindi Pagsampalataya

37 Bagamat gumawa si Jesus ng maraming tanda sa harapan nila, hindi pa rin sila sumampalataya sa kaniya.

38 Ito ay upang matupad ang salita ni propeta Isaias na kaniyang sinabi:

Panginoon, sino ang naniwala sa aming pangaral? Kanino ipinahayag ang bisig ng Panginoon?

39 Dahil dito, hindi sila makapaniwala dahil sinabing muli ni Isaias:

40 Binulag niya ang kanilang mga mata at pinatigas ang kanilang puso. Ito ay upang hindi sila makakita sa pamamagitan ng kanilang mga mata, ni makaunawa sa pamamagitan ng kani­lang puso, at manumbalik. Kung hindi gayon sila ay pagagalingin ko.

41 Ang bagay na ito ay sinabi ni Isaias nang makita niya ang kaluwalhatian ng Panginoon at nagsalita patungkol sa kaniya.

42 Gayunman, marami sa mga mataas na pinuno ang sumampalataya kay Jesus. Ngunit dahil sa mga Fariseo hindi nila siya ipinahayag baka sila palayasin sa sinagoga. 43 Ito ay sapagkat higit nilang inibig ang papuring mula sa mga tao kaysa ang papuri ng Diyos.

Read full chapter